P60M KASO NI BEN TULFO TINULUGAN NG DOT

(Ni NELSON S. BADILLA / Unang bahagi)

MULING naging mainit na paksa sa social media ang pagbawi ng pamahalaan sa P60 milyong kinita ni Ben Tulfo mula sa P120 milyong advertising contract sa pagitan ng People’s Television Network Inc. (PTNI) o PTV 4 at Department of Tourism (DOT) makaraang naging kontrobersiyal ang nakababatang kapatid ni Ben na si Erwin Tulfo dahil tinawag nitong “buang” at sinasabihang ingungudngod sa inodoro” si Social Welfare Secretary Rolando Joselito Bautista.

Ang P60 milyon ay ang sinasabing bayad sa patalastas na inilagay ng PTNI sa “Kilos Pronto,” isang block timer program ng Bitag Media Unlimited Inc. (BMUI) na pag-aari ni Ben.

Nagkaroon ng parte ang Kilos Pronto sa P120 milyong kontrata habang ang kalihim ng DOT ay ang kapatid ni Ben na si Wanda Corazon Tulfo – Teo.

P60M HINDI PA IPINASASAULI NG DOT

BATAY sa rekord ng Legal and Special Concerns Division ng DOT, hindi pa “pormal” at “opisyal” na hiniling ng DOT kay Ben ang pagbabalik ng P60 milyon sa DOT.

Ayon sa dibisyon, hindi maaaring maglabas ng “letter of demand” o anumang uri ng papel na nagsasabi kay Ben na isauli ang P60 milyon sa DOT, sapagkat nangangahulugang nakagawa na si Ben ng krimen laban sa pamahalaan.

Ibig sabihin, walang desisyon o konklusyon ang DOT na maanomalya ang kinitang mahigit P60 milyon ng BMUI mula sa P120 milyong kontrata sa pagitan ng DOT at PTNI.

Sabi ng DOT sa media, walang kapangyarihan ang DOT na ideklarang “guilty o hindi” si Ben o ang kanyang BMUI, sapagkat hindi naman korte laban sa katiwalian at korapsyon ang nasabing kagawaran.

Tanging Sandiganbayan ang maaaring humawak sa kaso ng katiwalian at korapsyon laban sa sinumang Pilipino, kabilang na ang kaso nina Ben at Tulfo – Teo, tugon ng DOT.

Syempre, wala pang naisasampang kasong kriminal sa Sandiganbayan laban sa magkapatid at iba pang opisyal at kawani ng DOT at PTNI, sapagkat wala pang kasong inihahain sa Office of the Ombudsman upang magsagawa ito ng mas malalim na imbestigasyon hinggil sa P120 milyong kontrata ng patalastas.

DOT INATASAN NG COA LABAN KAY TULFO

MATATANDAANG inatasan ng Commission on Audit (COA) ang DOT na umaksyon ito laban sa BMUI, sa pangunguna ni Tulfo.

Si Bernadette Fatima Romulo – Berna na ang kalihim ng DOT nang utusan ito ng COA.

Sa “Notice of Disallowance” na inilabas noong Hunyo 5 ng nakalipas na taon, ang eksaktong utos ng COA sa DOT ay ipabalik kay Tulfo ang mahigit P60 milyong kinita ng kanyang kompanyang BMUI mula sa PTNI.

Ang Notice of Disallowance ay termino sa mundo ng auditing na ang kahulugan ay pagpapabalik ng COA sa perang inilabas ng isang ahensya ng pamahalaan sa isa pang ahensiya rin ng pamahalaan kung matukoy at mapatunayan ng COA na mayroong nagawang pagkakamali o paglabag sa batas ang naturang pagpapalabas ng pera.

Maaari ring mag-isyu ng Notice of Disallowance ang COA sa ahensiya ng pamahalaan kapag napatunayan nitong mali o sobra ang pagbibigay ng bonus sa mga opisyal at kawani ng tinukoy ng COA na ahensya ng pamahalaan.

Ang utos ng COA ay alinsunod sa resulta ng imbestigasyon nito sa naganap na transaksyon sa pagitan ng DOT at PTNI kung saan nakinabang at kumita ng multimilyon ang BMUI ni Tulfo.

Ayon sa Presidential Decree No. 1455, serye 1978 o (Government Auditing Code), hindi na kailangan ng COA na hintayin ang resulta ng imbestigasyon ng Office of the Ombudsman o ng Sandiganbayan upang magsagawa ito ng kaulukulang imbestigasyon at maglabas ng desisyon sa mga iniimbestigahan nito.

Napakahalagang mandato ng COA na mag-imbestiga sa lahat ng ahensiya ng pamahalaan, sa lahat ng transaksyon, desisyon at aksyon ng bawat ahensiya ng pamahalaan na mayroong kaugnayan sa pampublikong pondo.

Sa madaling salita, isang “malayang” ahensya ng pamahalaan ang COA.

Hindi ito maaaring pakialaman o impluwensyahan ng Malakanyang, kabilang na ang Office of the President (OP) at ng dalawang kapulungan ng Kongreso.

Panibagong kasong kriminal ang kakaharapin ng sinumang opisyal at kawani ng pamahalaan at maging ng pribadong indibidwal at kompanya kung lalabagin at babalewalian ang pasya ng COA.

Ngunit, hindi COA ang maghahain ng kaso kundi ang Department of Justice (DOJ) na siyang magsisilbing abogado ng pamahalaan o kaya ng pribadong mamamayan kung saan gamit ang desisyon ng COA laban sa mga opisyal at kawani ng pamahalaan at pribadong mamamayan na nang-abuso sa pera ng pamahalaan at lumabag sa batas.    (Itutuloy)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment