OPLAN AGAINST RIT SHOOTERS

RIDING IN TANDEM

(Riding in tandem) 

Ni Odessa Orpilla Posadas  (Ikalimang na bahagi)

 

ANG sunod-sunod na pag-atake ng armadong riding in tandem sa mga alagad ng simbahan o pari at elected government officials ay nagsilbing hamon sa Philippine National Police (PNP) kaya noong July 6, 2018, nilagdaan ni PNP Chief

Director General Oscar Albayalde ang “Campaign Plan: Clean Rider.”

Tugon ito ng pamunuan ng PNP sa lumalaking bilang ng mga biktima ng riding in tandem shooters.

Inilunsad ang kampanya sa Metro Manila noong August 1, ng nasabi ring taon.

Ngunit hindi natinag sa kampanyang ito ang mga salarin. Tuloy pa rin ang patayan.

Sa kaparehang buwan at taon, umatake pa rin ang kilabot na riding in tandem. Pinagbabaril sa pampublikong lugar sa  bayan ng Bacolod si Atty. Rafael Atutubo.

Sa isang press statement, sinabing pinaslang si Atutubo matapos nitong iprisinta sa korte ang mga suspek sa iligal na droga.

Dead on arrival naman ang Barangay Secretay ng 114 Zone 14, Paranaque City na si Jacquilyn Antonio matapos ding pagbabarilin. Nakatayo lamang ito sa labas ng Barangay Hall nang may dumaang motorsiklo at bigla na lamang siyang pinaputukan nang sunod-sunod.

Isang tama ng bala naman sa mukha ang ikinamatay ng Japanese National na si Ha­mada Junko na lulan ng kanyang pulang SUV sa C.I.T. University sa Bacaldo Ave., Cebu City nang barilin ng backride ng dumaang motorsiklo.

Kalunos-lunos din ang sinapit ng isang traysikad driver (pedicab) na si Jose Edwin Momzon, 50, makaraang  bistayin ng bala sa Barangay Cambaro, Mandaue City.

Kamatayan naman ang sumalubong kay Nestor Ma­ngahas, 42 anyos, ng Barangay Bahay Toro, Quezon City matapos itong magpaalam sa asawa na may kakatagpuing kaibigan.

‘Di pa umano nakalalayo  si Mangahas nang makarinig ng sunod-sunod na putok ng baril at isang humaharurot na motor siklo  ang maybahay nito. Kinabahan, agad lumabas ng bahay ang ginang at nag-usisa. Dito niya natagpuan ang mister na nakahandusay at duguan.

Motorcycle riding suspects din ang kumitil sa buhay ni Barangay Chairman Demetrio Deomampo Mendoza, ng Buso-Buso, Laurel, Batangas makalipas lang ang nakaraang halalang pambarangay.

Inambush ng riding in tandem ang sinasakyang Izusu Hi-Lander ng biktima na may plakang VAB 761.

Dalawang binata naman ang binawian ng buhay matapos pagbabarilin sa magkahiwalay na lugar sa lalawigan ng General Santos City. Ang mga biktima ay nakilalang sina Philip Bacudo, 19-anyos at Ruel Collado, 22-anyos, laborer, residente ng Ruby Compoundm Llido St., Brgy. Lagao, General Santos City.

Inutas gamit ang kalibre 45 at 9mm pistol ng riding in tandem si Einsenhower Ipac Deocareza, alyas Totoy Bato ng Barangay Rang-ay, Sinait, Ilocos Sur.

Isang drug surrenderee o balik loob sa kanilang barangay ang biktima. Ang motibo umano ng pamamaslang ay upang patahimikin si Deocareza na sinasabing marami nang nalalaman sa operasyon ng droga ng sindikato sa naturang probinsya. (May karugtong)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment