OPERASYON LABAN SA KALIWA, LEGAL

PNP-KALIWA

Paniwala ng Philippine National Police

(Ni Nelson S. Badilla / Unang labas)

NAGLUNSAD ng operasyon ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) nitong Oktubre 31 at Nobyembre 5 sa mga tanggapan ng mga organisasyong kabilang sa mga kaliwang aktibista, partikular sa mga kasama sa pambansa demokratikong puwersa.

Ang pambansa demokratikong puwersa ay isang pangkat sa kilusang kaliwa.

Ang iba ay sosyalista at progresibong puwersa.

Animnapu at dalawa (62) ang nadakip sa operasyong isinagawa ng AFP at PNP noong Oktubre 31 sa opisina ng Kilusang Mayo Uno (KMU), Gabriela at Negros Federation of Sugar Workers (NFSW) sa Bacolod City at Escalante City.

Anim sa 62 aktibista ay menor de edad.

Ipinasa na sa sila sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) alin­sunod sa itinakda at ipinag-utos ng batas.

Tatlong aktibista naman ang nahuli noong Nobyembre 5 sa Tondo Manila.

Sila ay kabilang sa Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Ka­damay) at Manila Workers Unity (MWU).

Sabi ni Capt. Cenon Pancito III, hepe ng public affairs office (PIO) ng Philippine Army’s 3rd Infantry Division, sa media na legal ang operasyon sa mga tanggapan ng KMU, NFSW at Gabriela na nauwi sa pagkahuli ng 62 aktibista, kabilang ang anim na menor de edad, sapagkat mayroon silang hawak na “search warrants.”

Ang mga warrant ay inis­yu ni Quezon City Regional Trial Court Executive Judge Cecilyn Villavert.

Idiniin ni Pancito na kumuha sila ng search warrant matapos “mapatunayan” ang impormasyong ipinarating sa kanila na mayroong nakatagong mga baril at bomba sa tanggapan ng KMU, NFSW at Gabriela.

Mayroon ding search warrant ang operasyon ng PNP sa Tondo Manila noong Nobyembre 5, ayon naman sa Manila Police District (MPD)

Ang naglabas ng search warrant sa operasyong ito ng MPD ay si Judge Villavert, ang hukom na nag-isyu ng search warrant para sa operasyon ng AFP at PNP sa Bacolod.

Tiniyak ni P/Gen. Bernard Banac, tagapagsalita ng PNP na ang “series of arrests of activist leaders and members shows the rule of law and criminal justice system at work.”

“The PNP performs its mandate to enforce the law following established procedures with utmost respect for human rights,” pahayag pa ni Banac.

Sabi naman ni P/Maj. Titoy Jay Cuden, hepe ng public affairs office (PIO) ng National Capital Region Police Office (NCRPO),  na “walang” operasyong labag sa batas ang anumang yunit ang NCRPO laban sa mga kaliwang orga­nisasyon at ng kanilang mga pinuno.

Nilinaw ni Supreme Court Chief Justice Diosdado Peralta na batay sa impormasyong nakarating sa Korte Suprema, sinunod ni Judge Villavert ang lahat ng alintuntunin sa paglalabas niya ng search warrants laban sa mga kaliwang aktibista sa Bacolod at Manila.

Batay sa Circular AM No. 03-8-02-SC ng Korte Sup­rema ang paglalabas ni Judge Villavert ng search warrants.

Ayon sa naturang dokumento, pinahihintulutan ng mataas na korte ang “executive judges” ng RTC ng Que­zon City at Manila na mag-isyu ng search warrant labas sa dalawang lungsod.

Ipinaliwanag ni Peralta sa mga mamahayag noong Nob­yembre 8 na si Judge Villavert “[has] conducted hearings to determine the existence of probable cause, conducted the required searching questions, extensive questions and when she was satisfied on the exis­tence of probable cause she issued a search warrant.”

“When the search warrant was served, she required the certain policemen or military men to report to the court within 10 days from receipt and she followed,” patuloy ni Peralta na pumalit kay Chief Justice Lucas Bersamin matapos magretiro ito noong Oktubre 18.                      (Itutuloy)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment