NEXT TARGET NG TSINA: LIGUASAN MARSH LAND (1)

LIGUASAN MARSH LAND

(Ni Fernan J. Angeles)

NANATILING mahigpit ang kontrol ng bansang Tsina sa West Philippine Sea sa kabila ng desisyong ipinalabas ng isang international court na nangangasiwa sa mga usa­pin sa karagatan.

Bagamat hindi pumabor sa Tsina ang desisyon ng nasabing hukuman, wala din naman bahagi ng  nasabing pasyang naggagawad ng  pagmamay-ari nito ang Pilipinas na siyang naghain ng kaso sa naturang international court — dahilan para patuloy at mas pagtibayin pa ng Tsina ang kanilang kontrol sa karagatang sinasabing mayaman hindi lang sa isda at iba pang yamang-dagat kundi maging sa tinaguriang “black gold”, o higit na kilala bilang petrolyo o langis sa wikang Filipino.

Makailang ulit nang nagsagawa ng mga pag-aaral sa West Philippine Sea at batay sa mga nasabing pagsasaliksik, tunay ngang mayaman sa deposito ng langis ang pinag-aagawang karagatan.

Gayunpaman, nananati­ling “classified” ang iba pang detalye ng mga naturang oil exploration projects.  Ang black gold, na higit na kilala bilang langis, ay isa sa mga pamantayan sa pagkilala ng mga mayayamang bansa. Ito din ay pinaniniwalaang siyang  nagdidikta ng pandaigdigang ekonomiya.  Katunayan, anumang paggalaw sa presyo ng langis sa pandaigdigang merkado ay hudyat ng paggalaw ng iba pang bilihin sa pandaigdigang merkado.

WPS ngayon, Luguasan Marsh bukas

Matapos pagtibayin ang kanilang kontrol sa West Phi­lippine Sea, target naman ng bansang Tsina ang isa pang napakayamang bahagi ng ating bansa — ang Liguasan Marsh sa Mindanao.

Ang Liguasan Marsh ay isang malawak na lupaing karaniwang putikan sampung buwan isang taon. Ito ay may lawak na 220,000 ektaryang bahagyang sakop ng mga lalawigan ng  South Cotabato, Maguindanao at North Cotabato.

Tulad ng West Philippine Sea, ang maputik na Liguasan Marsh ay mayaman din sa yamang mula sa kalikasan — mapatubig man, kalupaan o higit pa sa ibabaw ng lupa, sapat na dahilan upang mapukaw ang interes ng Tsina para isunod ang naturang teritoryo sa kanilang susunod na “papasukin”.

$1.0 Trillion untapped mineral resources

Tulad ng WPS, may mga isinagawang pagsasaliksik na ang mga oil exploration experts sa naturang rehiyong kilalang sentro ng hidwaan sa pagitan ng gobyerno kontra Moro Islamic Liberation Front, maging ng mga political clans na hangad din ang makuha ang yaman ng Liguasan.

Batay sa mga pagsasaliksik (na hindi natapos dahil na din sa gulong dulot ng mga madugong hidwaan), ma­yaman ang Liguasan Marsh sa natural gas. Sa pagtataya ng mga nasabing pag-aaral, hindi bababa sa $ 1.0 Trillion ang “untapped mineral resources” na nasa Liguasan Marsh. Ang kanilang pagtataya ay batay lamang sa mga lugay kung saan naisagawa ang mga pagsasaliksik na itinigil sanhi na din ng mga kaguluhan sa naturang rehiyon.

Sa ipinalabas namang dokumento ng Wikileaks, sinasabi nitong maging ang Estados Unidos ay naglalaway sa Liguasan Marsh at bilang paunang hakbang ay patuloy itong gumagamit ng mga taong gobyerno upang sila’y magkaroon ng pagkakataong makausap ang mga kinikilalang pamunuan ng MILF.

Bukod sa Estados Unidos, interesado din ang bansang Tsina ditto, maging ang mga malalaking political clans sa Mindanao at siyempre pa, ang MILF na sinasabing may pinakamatibay na puwersa at kontrol sa nasabing rehiyon.

Hanggang sa mga sandaling ito, patuloy na nadidiligan ng dugo ang Liguasan Marshland dulot ng hidwaan ng mga malalaking angkang nagnanais pagharian ang nasabing rehiyong hitik sa yaman batay na din sa mga nakalap na dokumentong partikular na tumutukoy sa Liguasan Marsh (na bahagi ng tinatawag na Cotabato Basin) bilang sa isa sa may pinakamayamang deposito ng mga mineral resources sa bansa.

Related posts

Leave a Comment