MGA MAGSASAKA INIWAN, INILAGLAG NG NFA

MAGSASAKA-NFA

(Ni Nelson Badilla / Ikalawang Bahagi)

NITONG nakalipas na taon, mistulang sunud-sunod na ‘bagyo’ ang pumasok sa mga palayan at palengke sa mara­ming panig ng bansa, kabilang na ang Bulakan na siyang pinakamalapit sa Metro Manila na pinagkukunan ng bigas.

Napakataas ng presyo ng bigas bawat kilo, sapagkat kapos na kapos ang suplay ng bigas noong 2018, banggit  ng noon ay kalihim ng Department of Agriculture (DA) na si Emmanuel Piñol.

Ngunit, idiniin ni Piñol noong Setyembre ng nakalipas na taon na walang krisis sa bigas dahil walang “rice shor­tage.”

Aniya, ang problema lang ay walang bigas sa merkado na galing sa National Food Authority (NFA) at walang dumarating na mga bigas mula sa ibang bansa.

Ibig sabihin, ang inaa­bangan ng DA noong nakalipas na taon ay bigas na manggagaling sa ibang bansa, sapagkat wala nang mailalabas na bigas ang NFA sa mga palengke.

Ang suliraning ito ay binigyan ng “espekulasyon” ng publiko, kaya malaki ang itinaas ng presyo ng bigas, giit noon ni Piñol.

“We have no rice shortage, but there is admittedly a spike in the price of rice in the market because of speculation dahil nga nawala ang NFA rice sa merkado nang mahaba-habang panahon. Na-delay din ‘yung pagdating ng imported rice,” banggit ni Piñol.

Ang presyo ng bigas noong 2018 ay P50.00 hanggang P60.00 o higit pa bawat kilo.

Dahil sa ganitong masamang sitwasyon ng presyo at suplay ng bigas, iwinawasiwas at iginigiit noon ni Piñol sa media na kailangang tanggalin na limitasyon sa pag-angkat ng bigas mula sa iba’t ibang bansa.

Ipinunto ni Piñol noong Agosto 2018 na mareresolbahan na ang kakapusan ng suplay ng bigas dahil aangkat ang Filipinas ng dalawang milyong metriko toneladang bigas kapag ganap nang batas ang panukalang Rice Tariffication Act.

Sa ganitong karaming volume ng bigas, tinatayang aabot sa 40 porsiyento ang taripang makukolekta mula sa mga negosyante.

Ang halaga nito ay aabot sa US$400 milyon bawat taon o P21.6 bilyon.

Sa sobrang laki ng taripang ito, siguradong lalaki rin ang suporta ng DA sa sektor ng magsasaka, pagtitiyak ng dating kalihim.

Ganito ang pahayag ni Piñol: “Ililibre namin ang binhi ng mga magsasaka. Iyong magandang binhi [ang ibibigay ng DA sa mga magsasaka] para ma-doble ang kanilang produksyon, abono, and even subsidized farm machinery and equipment. If that happens then our farmer would be able to improve their productivity, increase the production and lower the cost of production.”

Sa madaling salita, pabor na pabor si Piñol sa panukalang Rice Tariffication Law (RTL).

Ang kilalang panguna­hing nagsusulong ng panukalang RTL ay si Senador Cynthia Villar.

Ngunit, maraming nag­duda kay Villar, sapagkat subdivision at condominium ang ilan sa negosyo ng pamilya Villar.

Sina Villar at Piñol ay kap­wa naniniwalang ang walang limitasyong pagdagsa ng bigas ng mga dayuhan sa Pilipinas ay siyang kagilagilalas na solusyon ng bansa upang magtuluy-tuloy nang hindi maubusan ng bigas sa mga palengke.

Batay sa rekord ng NFA, walang itinulong ang NFA upang dumami ang kanyang bigas na ibebenta sa palengke.

Malaki sanang tulong ang bigas na ibinebenta ng NFA, sapagkat ang presyo nito ay malayo sa presyo ng mga bigas na itinitinda ng mga negosyante.

Kaso, kulang na kulang ang suplay ng bigas ng NFA.

Ang lumabas sa pagsisiyasat at pag-aaral ng Commission on Audit (COA) ay inilaglag at iniwan ng NFA ang mga magsasakang Filipino.

Nadiskubre ng COA na ang P7 bilyong ibinigay ng pambansang pamahalaan sa NFA upang makabili ng mga bigas sa mga magsasakang Filipino ay ipinambayad ng NFA sa utang nito.

Nakasaad sa ulat ng COA na ang ginawa ng pamunuan ng NFA ay ginamit ang P7 bilyon sa pagbayad nito sa “maturing loans” nito sa Land Bank of the Philippines (LBP) at Development Bank of the Philippines (DBP).

Nadiskubre ng COA na ang NFA ay umutang ng P6.366 bilyon upang tustusan ang pag-angkat ng mga bigas. Ang P6.366 bilyon ay higit na mataas kaysa inutang ng NFA na P403.872 milyon noong 2017 upang magkaroon ng pondo para makabili ng inangkat na mga bigas.

Ang P7 bilyong inilaan ng pambansang pamahalaan ay siyang kongkretong palaman ng food security program ng NFA para sa taong 2018.

Sa pamamagitan ng pagbili ng NFA ng mga bigas mula sa mga magsasaka ay magiging matatag ang suplay ng bigas sa palengke at pati na ang presyo ng bigas.

Idiniin ng COA na ang desisyon ng pamunuan ng NFA ay tahasang paglabag sa Republic Act 10964 o General Appropriations Act of 2018.

Malinaw na nakasaad at ipinag-utos ng R.A. 10964 na ang pitong bilyong piso ay eks­klusibong gagamitin sa “rice buffer stocking” sa pamamagitan ng pagbili ng mga palay ng mga magsasaka.

Ayon sa R.A. 10964, ang tanging pagkakataon na hindi bibilhin ng NFA ang palay ng mga magsasakang Filipino ay kapag nahaharap sa kalamidad ang bansa o kapos sa produksiyon ng bigas ang bansa.

Kapag nangyari ito, aangkat ng bigas ang NFA, ngunit ito ay batay sa rekomindasyon ng NFA Council at ng pangulo ng bansa.

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment