MASAHE, ANONG HALAGA SA KATAWAN?

MASAHE

(Ni Anet Vergel / Unang labas)

MADALAS kapag sobra sa trabaho ang isang tao ay sumasakit ang kanyang katawan lalo na ang mga kasu-kasuan. Mayroon naming sa kakaisip o dahil sa stress ay gayun din ang nararam­daman o kaya naman ay tumitigas ang mga masel sa katawan na nagiging dahilan kung kaya nararamdaman ng kakaiba.

Ang masahe ang pinakamatanda subalit simpleng paraan ng paggagamot at pangangalaga sa katawan.

Ito madalas ang dahilan kung kaya naiisipan ng ilan na magpamasahe kung hindi man sa bahay lang ay humahanap ng massage parlor o spa upang bigyang lunas ang pananakit ng katawan o ang kakaibang nararamdaman sa katawan tulad ng ngalay.

Bilang bahagi ng alternative integrative medicine, ang pagmamasahe ay kailangang tanggapin ng maluwag sa dibdib at isipan.

KASAYSAYAN NG MASAHE

Ang pagmamasahe ay ginagawa na ng mga Chinese noon pa mang 3000 B.C. Sa bibliya pa lang, nababanggit na ang masahe subalit hindi ito ang salitang gamit subalit pagpahid ng langis sa katawan. Noong 460 BC, si Hippocrates, ang Ama ng Medisina, ay ginamit ang masahe upang gamutin o pagalingin ang kanyang mga pasyente. Kaya naman hindi lang sa panahon ngayon ginagamit na panggamot ang masahe suba­lit noon pa man. Sa ngayon, ang therapy ay kabilang na sa uri ng masahe.

Ang pagmasahe sa masakit na parte ng katawan ay likas na ginagawa lalo na ng mga matanda sa una sapagkat ito ang tangi nilang alam na lunas upang mawala ang kanilang nararamdaman sa katawan.

Ang masahe ay nakarehistro bilang isa sa mga pinakalumang paraan ng therapy na ginagamit sa sinaunang paraan ng kasanayan sa medisina.

Tulad ng sinabi sa u­nang bahagi, ginamit ni Hippocates ang kahalagahan ng paglunas ng sakit gamit ang masahe upang ang mga doktor at ibang klase ng nagpapaga­ling ay matuto at gamitin ang masahe bilang uri o paraan ng pagpapagaling hindi lang ng kasu-kasuan subalit maging ng ibang uri ng sakit tulad ng sakit ng ulo at tiyan.

MAHALAGA BA ANG MASAHE?

Ang kahalagahan ng masahe at ang ugnayan ng tao ay hindi maaaring ipagwalang bahala. Mahalaga ang kaugnayan ng masahe sa  tao kaugnay ng paglago ng kabuhayan at pag-unlad lalo nang maging uri ng negosyo ang masahe.

Ang masahe ay ginamit sa loob ng maraming siglo sa maraming kultura. Sa ngayon nga, ginagamit ito pangkabuhayan bukod pa sa mahalaga ang papel nito sa kaayusan ng isipan, kagalingan ng katawan at kalusugan.

Ang masahe ay ang pahaplos, pagpisil o kaya naman ay dampi ng palad o daliri sa katawan kung alin ang masakit o may kakaibang nararamdaman. Nakarehistro nga ito bilang isa sa mga pinakalumang paraan ng therapy na ginagamit sa sinaunang mga medikal na kasanayan. Hindi rin maikakaila na ang massage ay tinukoy bilang ang pagmamanipula ng malambot na mga tisyu ng katawan alinman nang manu-mano o nang wala sa loob. Ang therapeutic manipulation ay para sa pisikal at mental na benepisyo.

Ang  katawan ng tao ay umaayon sa hagod ng kamay ng isang taong pumipisil o kaya’y humahagod sa katawan ng mga naaayong bahagi.

Di ba pag nauntog ang isang tao ay hinahaplos kaagad nito o minamasahe ang ulo o bahaging nasaktan o nabukulan.?

Karamihan sa mga Filipino ay biniyayaan ng husay sa paggamot sa pamamagitan ng hilot o haplos kaya nga ma­rami sa atin ang naniniwala sa mga albularyo.

Marami rin sa mga kababayan natin ang gumagawa ng iba’t ibang klase nang paggamot o hilot ng katawan ng tao tulad ng Tapik kawayan, Dagdagay (uri ng masahe sa paa) at marami pang iba. Subalit hindi maitatanggi na maraming Pinoy ang hindi matatawaran ang husay sa paghaplos sa mga bahagi ng katawan na nangangailangan ng lunas.

BENEPISYO NG MASAHE

Ayon sa ilang mga pag-aaral, ang pagpapamasahe ay malaki ang naitutulong sa mga kondisyon ng isipan at katawan kaya nga marami ang naniniwala na maraming benepisyo na maibibigay ang pagpapamasahe ng katawan.

– Sinasabing nakakaalis ng pagkabalisa o hindi pagpapanatili ng katiwasayan ng isipan ng tao ang pagpapamasahe.

– Maging ang problema sa tiyan tulad ng hindi pagkatunaw ng kinain at malaki ring tulong ang pagpapamasahe .

– Ang pananakit ng ka­lamnan o fibromyalgia o ma­ging ang kasu-kasuan at ibang bahagi ng katawan ay nalulunasan ng masahe.

– Hindi lang ang pananakit ng tiyan at kalamnan ang puwedeng lunasan ng masahe subalit maging ang sakit ng ulo dahil kapag nahimas at dumaloy ang dugo sa ulo patungo sa utak at paikot sa katawan ay nawawala ang anumang nararamdaman.

– Maging ang hindi pagkakatulog ay nalulunasan din ng masahe sapagkat bukod sa dumadaloy ng maayos ang dugo ay nagiginhawahan din ang katawan kung kaya’t napapayapa ang isip dahilan upang antukin at makatulog.

– Ang Pananakit ng nerves o naipit na ugat ay napapagaling din ng paghilot sa bahagi ng namamagang parte ng katawan kung nasaan ang naipit na ugat. Ang hilot ay katulad din ng masahe.

– Tulad ng ipit lamad o ugat, ang pilay at pulikat ay nawawala kapag ginamitan na ng hilot at masahe ang katawan. Kaya lang mas marami ang nagpapahilot kapag may pilay kaysa sa nagpapamasahe.

– Kapag nagpamasahe, idinadamay rin ng nagmamasahe ang mukha, panga at iba pang bahagi ng ulo dahil ang paghimas o paghaplos sa mga bahaging ito ay paraan din upang mawala ang sakit na nararamdaman at maging ang pagmasahe sa ilalim at likod ng tenga ay paraan upang mawala ang sipon.

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment