MARIKINA BALIK NUTRIBUN SA PAARALAN

NUTRIBUN

(Ni Mac Cabreros)

LAYON na mapaganda ang kalusugan ng mga batang estudyante upang maisaayos ang pag-aaral ng mga ito at magkaroon ng de-kalidad na edukasyon, ibinalik ng Pamahalaang Lungsod ng Marikina ang pamamahagi ng masustansiyang tinapay na sumikat at nakilala noong panahon ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos.

Para kaalaman ng mga bagong sibol, ang pamamahagi ng nutribun sa paaralan ay isa sa magagandang programa ni Marcos para maagapan ang malnutrisyon noong

1971 sa ilalim ng Food for Peace program ng United States.

Ayon kay Marikina City Mayor Marcelino “Marcy” Teodoro, batid niya na walang matututunan ang isang batang mag-aaral kapag kumakalam ang sikmura o walang laman ang tiyan lalo na sa umaga kaya’t naisipan niyang mamahagi ng tinapay na nutribun na gawa sa harina, kalabasa, itlog at malunggay.

Naniniwala si Teodoro na kapag mahina ang katawan ng isang bata, hindi ito makakapasok araw-araw sa paaralan at ang madalas na pagliban nito sa klase ay posibleng humantong sa pagtigil sa pag-aaral o pagbagsak sa klase.

Totoong maraming aspeto ang pagtigil sa eskuwela ng mga mag-aaral at isa na rito ang kahirapan, pagkakasakit bunsod ng malnutrisyon at hindi magandang hygiene tulad ng pagkakaroon ng sirang ngipin na kapag sumakit ay grabe. Ang mga aspetong ito ay para sa mga batang nasa mga unang taon sa paaralan.

Para naman sa mga estudyanteng nasa medyo mataas na antas ng paaralan kaya natitigil sa pag-aaral  bukod sa sakit, hindi magandang hygiene, kahirapan ay puwedeng maidag­dag ang maagang pagkagumon sa bisyo, maagang pagbubuntis at pagkakasangkot sa paggamit at pagbebenta ng droga.

Sa ngayon, ipinapamahagi ang nutribun sa Kinder at Grade 1 sa paaralan sa Marikina.  Sa bawat 120 araw ay ti­timbangin ang mga bata upang mabatid ang resulta ng programa kung nakapagdulot ba ito ng pagbabago sa kalusugan ng bata.

Bukod sa pamamahagi ng  nutribun at pagmomonitor ng kalusugan ng mga bata, magiging mapagbantay din ang pamahalaang lungsod ng Marikina sa grado ng mga bata upang mabatid kung bumuti o tumaas ang grado ng mga ito upang matantiya o malaman kung nakakatulong ang pamamahagi ng masustansiyang tinapay sa kanilang performance sa paaralan.

Bakery sa paaralan

Dahil target ng Marikina City na mabigyan lahat ang mga mag-aaral sa lahat ng 17 paaralan at matutusan ang programa para makamit ang “zero malnutrition,” ipinagmalaki ng alkalde ng Marikina na mamumuhunan ang pamahalaang lungsod para magkaroon ng bakery sa mismong paaralan.

“Maglalagay ang pamahalaang lungsod ng in-house bakery sa 17 paaralan sa lungsod upang mapalakaw ang kasalukuyang pamimigay ng masustansiyang tinapay na nutribun sa mga mag-aaral ng kinder at grade 1,” anang alkalde.

“Bukod sa mapapaganda ang kalusugan at edukasyon ng mga mag-aaral, magiging dagdag income ito sa paaralan at magkakaroon pa ng trabaho ang ilang mga magulang na silang magiging panadero at mamamahala sa bakery,” dag­dag pa nito.

Iginiit pa nito na isa pang dahilan kung bakit nais niyang makapagtayo ng bakery sa paaralan ay upang makasiguro na malinis at freshly baked ang ipapamahaging tinapay sa mga bata.

Idinagdag ni Teodoro na pinagtutuunan din nila ang paggamit ng papel imbes na plastic bilang pambalot para maiwasan ang paglala sa basurang plastic gayundin na masiguro ang kalinisan at kalusugan ng mga bata o maiiwas sa sakit kapag kinamay (hinawakan) ang tinapay.

Ayon pa Teodoro, kuku­nin ang pondo sa Special Education Fund mula sa nakolektang buwis  (real property tax).

Ayon kay Teodoro, ibinabalik lang niya sa tao ang buwis na nakolekta ng pamahalaang lungsod dahil kapag malusog ang mamamayan, tiyak na magiging malusog at masaya ang pamayanan.

DepEd pabor sa programa

Pabor ang Department of Education (DepEd) sa hakbang ng Pamahalaang Lungsod ng Marikina na mamahagi ng masustansyang tinapay na nutribun sa mga mag-aaral.

Ayon sa DepEd, wala silang tutol sa lahat ng klase ng feeding program na makatutulong sa kalusugan at edukasyon ng mga mag-aaral.

“Mahalaga na malakas ang katawan ng mga bata para makapag-aral nang maayos,” pahayag DepEd.

Binanggit na hindi natututo ang isang bata kapag kumakalam ang tiyan at mahina ang katawan dahil sa malnutrisyon.

Mahigpit na ipinagbabawal ng DepEd ang paglalako ng sitsirya at inumang may masamang epekto sa katawan ng mga bata.

Related posts

Leave a Comment