‘MALAKANYANG BOY’ UNTOUCHABLE?

MALACANANG

Anti-corruption drive ng gobyerno peke?

(EXCLUSIVE SA PERYODIKO FILIPINO)

PEKE at palabas lang na galit ang Malacanang sa mga tiwaling opisyal ng pamahalaan at wala umano itong plano na lansagin o tanggalin sa puwesto ang mga guma­gawa ng pera at nagpupuno ng kanilang bulsa.

Rep France CastoIto ang mga binitiwang salita ni ACT party-list Representative France Casto kaugnay sa pagbubunyag na ginawa ng PeryodikoFilipino Inc. na isang ‘Malakanyang Boy’ ang protektor at kolektor ng ilegal na  Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa Cebu na naunang nahulihan ng 182 empleyado na pawang walang lisensiya at permit.

“Kung totoo ang ganyang situwasyon, peke ang kampanya ng ating gobyerno, ng Malacanang doon sa corruption,” ani Castro sa panayam ng PeryodikoFilipino Inc.

“Nasa loob pala ng Palasyo ang protektor at kolektor ng mga ilegal na POGO.”

Nabatid ng pahayagang ito na nagbibigay umano ng suhol na P36 milyon bawat buwan ang POGO sa Cebu na ilegal na nag-ooperate kapalit ng kanilang nakukuhang proteksyon sa mga ahensiya ng pamahalaan na ibinibigay ni ‘Malakanyang Boy’ na tumatayo umanong kolektor.

Naunang ibinunyag ng PeryodikoFilipino Inc. na demoralisado ang hanay ng Phi­lippine National Police (PNP) sa Region 7 matapos pakawalan ng Lapu-Lapu City Prosecutor’s Office ang mga naarestong empleyado ng Xin Juang Jeng Ching Ltd. kabilang ang 31 ‘high profile’ Chinese  sa raid na isinagawa ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)  nitong Setyembre lamang sa 12 palapag na gusali ng Tower One Plaza Magellan sa lungsod ng Lapu-Lapu.

Natuklasan ng mg tauhan ng CIDG na ang Xin Juang Jeng Ching Ltd. Ang nasa likod ng 22bet.com website kung saan nagtratrabaho ang 182 dayuhan na naaresto sa isinagawang operasyon.

Upang mapakawalan ang 31 ‘high value’ Chinese na kabilang sa 182 Chinese employees ng nasabing ilegal na POGO, nag-alok ang mga ina­resto ng P150 milyong suhol sa pamamagitan ng kanilang interpreter.

Dahil dito, nagplano ang mga pulis ng entrapment operation subalit isang opisyal umano ng Malacanang na nakabase sa Visayas ang nakialam at pinatigil ang operasyon laban sa nasabing POGO dahil nakatimbre na umano ito sa PNP, National Bureau of Investigation (NBI) at maging sa Palasyo.

Nang hindi kumagat ang raiding team sa suhol ay itinaas ito sa P250 Million hanggang sa umabot sa P500 Million su­balit nagulat na lamang ang mga ito nang pagdating sa prosecutor’s office ay pinakawalan ang mga inaarestong dayuhan kaya pinaniniwalaang ito ay dahil sa impluwensya ng ‘Malakanyang Boy’.

Sa pag-analisa ni Castro sa detalye, sinabi nito na kahit sino naman ay magdududa na nagkaroon ng suhulan at may kinalaman si ‘Malacanang Boy.’

“Nakakaduda talaga na nagkaroon ng aregluhan kasi bakit basta na lang pinakawalan ang mga dayuhan? Bakit ‘for further investigation’ ang rekomendasyon ng piskalya?,” ayon kay Castro.

Iginiit pa nito na mara­ming ulat na karamihan sa mga POGO workers ay walang permit upang magtrabaho sa bansa.

“Kasi nga unang-una, itong mga POGO na ito ay may nakikitang paglabag sa batas. Kung totoo ang mga Chinese na pinakawalan, maraming anomalya, wala pa sigurong permit ang mga iyan at ang mga passport ay defective,” giit pa ni Castro.

Duda din ang mambabatas na posibleng mas malawakan ang katiwalian sa mga ilegal na POGO na nag-ooperate sa bansa at daan-daan milyon ang sangkot na halaga para sa kanilang proteksyon lalo na’t nagkalat ang POGO sa bansa higit sa Metor Manila.

“Eto (Cebu ilegal POGO), isang probinsya pa lamang, isang kaso pa lang, malamang nangyayari ang ganyang anumalya sa iba’t ibang units ng POGO kaya, masasabi natin na hindi seryoso ang Malacañang na lutasin ang katiwalian,” ani Castro. BERNARD TAGUINOD

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment