‘MALACAÑANG BOY’ SAPOL KAY PDU30

DUTERTE-50

Korapsyon sa P500-M suhol sa illegal Cebu POGO

(Part 7)

SAPOL ang tinaguriang ‘Malacanang Boy’ sa babalang binitiwan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa isa sa mga dinaluhan nitong pagtitipon kamakalawa.

Bunga nito, nanganga­nib na ang pwesto ng naturang mataas na opisyal ng Malacañang na nakabase sa Visayas matapos pumutok ang alegasyon na ito ang sangkot at kabilang sa nakinabang sa P500 milyong suhol mula sa ni-raid na Xin Juang Jen Ching Ltd., Inc. kung saan umabot sa 182 dayuhang empleyado ang inaresto subalit pinakawalan din.

Sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi niya kinukunsinte ang katiwalian sa kanyang pamumuno dahil napopoot siya sa mga taong korap.

“I will go out of my way to punish corruption and corrupt officials,” mariing sinabi ni Presidente Duterte kasabay nang panghihikayat sa mga tao na matutong pumalag sa mga taong kotongtero upang mawala ang mapagsamantala sa kanyang administrasyon.

Positibo ang gagawing pagtanggap ng pangulo sa mga ulat na may mga tiwali pa rin sa kanyang administrasyon kaya nga nasabi niyang “ Be assertive and stand up for your right, do not succumbed or surrender to corrupt people. Let me know and I will punish the corrupt ones.”

Nabatid ng PeryodikoFilipino Inc. mula sa isang mapagkakatiwalaang source na nakarating na sa pangulo ang ulat na tumanggap ng suhol ang isang opisyal ng Palasyo na tinaguriang ‘Malacañang boy’ subalit nangangalap pa rin lang mga katibayan laban sa mga sangkot sa pagpapakawala ng mga dayuhang empleyado ng kontrobersyal na kumpanya na gumagalaw bilang gambling betting station gamit ang 22bet.com website.

Kasabay nito ay nais ni Pangulong Rodrigo Duterte na magtulungan ang bawat isa sa gitna ng nagpapatuloy na laban ng Administrasyon kontra korapsyon.

Matatandaang sinalakay ng Criminal Investigation and Detection Group Region 7 ang Xin Juang Jen Ching Ltd., Inc. na nasa Tower One Plaza Magellan, sa Mactan Newtown sa bisa ng search warrant na ipinalabas ni Judge Soliver Peras, 1st Vice Executive Judge ng 7th Judicial Region-Cebu dahil sa pago-operate nito bilang Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) gayung wala naman itong permit.

Wala din umanong wor­king permit ang 182 Chinese na empleyado ng Xin Juang Jen Ching Ltd., Inc. lalo na ang 31 ‘high value’ Chinese na sa pamamagitan ng interpreter ay nagsuhol ng P150 milyon na tumaas hanggang P500 mil­yon.

Hindi pinagbigyan ng mga pulis ang hiling na pagpapakawala sa mga inaresto kasama ang mga ebidensiya at sa halip ay sinampahan ng kasong paglabag sa Presidential Decree 1602 na kilala bilang anti-illegal gambling law at Republic Act 10175   na kilala sa tawag na Cyber Crime Prevention Law.

Dahil sa pangyayari, may mga tinawagan na si Malacañang Boy kung kaya’t pagdating umano sa piskalya ay “release for further investigation” ang resolusyon ng fiscal.

Bunga nang pagpapakawala sa mga inarestong dayuhan, demoralized ang hanay ng mga pulis sa Philippine National Police -Region 7 at nanatiling tikom ang kanilang bibig.

Sa malalimang imbestigasyon, nabatid na tumatanggap umano ng P36 milyon bawat buwan si Malacañang Boy, Philippine National Police, National Bureau of Investigation, Bureau of Immigration at Local Government Units.

Samantala, Naniniwala ang punong ehekutibo na mga Pilipino rin ang rason kung bakit marami pa ring koraps­yon sa pamahalaan dahil hindi marunong pumalag ang mga Pinoy sa mga pagkakataong binibiktima na sila ng mga kotongero sa gobyerno.

Hindi magiging hadlang aniya sa pagsusumbong ng mga Pilipinong biktima ng katiwalaan ang oras.

“ I am willing to wake up late in the night, I am willing to be disturbed on my sleep, so long as it will help my country get rid of corruption. Huwag kayong mahiya, magsumbong kayo,” panghihikayat ng pa­ngulo sa mga mamamayan upang mawala na ang mga mapagsamantala.

Kaya naman naniniwala ang marami na nagpapahiwatig na ang pangulo na handa siyang tanggapin ang mga sumbong laban sa kanyang mga tiwaling opisyal.

Samantala, nagbabala naman si Pangulong Digong sa mga dayuhan lalo na sa mga Chinese na ipapakain niya ang mga ito sa mga pating kapag nasangkot sa ilegal na droga.

Sinabi ng chief executive na kinikilala niya ang potensiyal ng mga negosyong binuksan sa bansa ng Chinese companies sa bansa dahil malaki ang tulong nito sa mga Filipino subalit kailangang siguruhin na huwag gamitin ang kanilang mga lugar upang pagkanlungan ng mga undocumented Chinese workers o pagawaan ng iligal na droga. (Christian Dale)

Related posts

Leave a Comment