MAHAL NA SEÑOR 

Mahal na Señor-2

Holy Week ending sa Lucban

(Ni Jun V. Trinidad / Ikalawang bahagi)

ANG isa pang popular na tradisyon ng mga Lucbanin tuwing Mahal na Araw ay ang prusisyon ng “Santo Señor Sepulcro” o mas kilala sa lokal na tawag na “Mahal na Señor” tuwing Biyernes Santo.

Kagaya nang popular na prusisyon ng “Mahal na Poong Nazareno” sa Quiapo, ang mga nakayapak na deboto ng “Mahal na Señor” ay sama-samang kumakapit sa mahabang lubid na nakakabit sa kanyang karo.

At sa pasigaw na pagmamando ng “abante, hila, diretso!” ng nangangasiwa sa kaayusan ng prusisyon na nakatindig sa tabi ng karo, sabay-sabay na humahakbang ang mga deboto para umusad ang prusisyon.

Dahil sa dami ng mga masugid na deboto na pawang gustong kumapit sa lubid, pangkaraniwan nang natatapos ang prusisyon na umiikot sa maliit na bayang ito sa loob ng pitong oras.

Ilalabas ang santo sa simbahan ni San Luis Obispo nang mga bandang alas singko ng hapon para sa prusisyon at ibabalik makalipas ang hatinggabi.

Sa sinomang lalaking Lucbanin, ang paglahok sa prusisyon ng Mahal na Señor ay itinuturing na isang ritwal na kailangang maranasan. At para sa karamihan, ang unang prusisyon ay pagsisimula ng isang panata na tutuparin sa bawat taon ng kanilang buhay.

“Una akong kumapit sa kanyang lubid noong 16 anyos pa lang ako. 15 taon ko na itong ginagawa at patuloy ko itong gagawin hanggang kaya ko,” ang wika ni Ray Santos, katutubong Lucbanin na nagtatrabaho sa Maynila ngunit bumabalik sa kanyang bayan bawat taon upang tuparin ang panata.

Hindi aniya maipaliwanag ang ligaya ng pakiramdam nang sinomang lumahok sa prusisyon kahit na pagod at masakit ang buong katawan.

“Isang malaking bonus kung makakukuha pa ng kahit na kapiraso ng lubid pagtapos ng prusisyon,” ang wika pa ni Santos.

Ang mga Lucbanin na nanonood sa prusisyon ay nag­hahagis ng kanilang panyo sa mga nasa itaas ng karo upang ipunas ito sa salamin at mu­ling ihagis pabalik sa kanila. Naniniwala sila na ang pan­yo ay may kapangyarihan na makapagpagaling sa maysakit.

Ngunit hindi lang ang kalalakihan ang deboto ng Mahal na Señor.

Pagkatapos ng prusisyon ay ibabalik na ang poon sa “Tahanan ng Mahal na Señor” malapit lang sa simbahan at pawang kababaihang deboto naman ang mangangasiwa.

Sila naman ang halinhinang magtutulak at rerenda sa lubid hanggang sa makarating ang Mahal na Señor sa kanyang permanenteng tuluyan.

Bukas ang tahanan sa sinomang deboto na gustong humalik sa duguang talampakan ng santo.

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment