MAGUINDANAO MASSACRE, TAPOS NA BA ANG LABAN? (1)

MAGUINDANAO MASSACRE

(Ni NENET L. VILLAFANIA)

HALOS sampung taon matapos ang karumal-dumal na tinaguriang Maguindanao massacre, dedesisyunan na rin ito sa wakas.

Ikinatuwa ito ni Presidential Task Force for Media Security (PTFoMs) and Undersecretary Joel Egco, dating pangulo ng National Press Club, sapagkat ipinaglaban niya ang pagbibigay-katarungan sa mga nasawing mamamahayag.

Isang hindi malilimutang pangyayari ang naganap na pagpatay, dahil sangkot dito ang napakaraming mamamahayag, kaanak at supporters ng isang pulitiko.

Inakala ng lahat na isang karaniwang  lakad lamang ito, kung saan magkakasayahan ang lahat pagkatapos, ngunit isang malagim na kamatayan pala ang naghihintay sa lahat.

Kinumpirma nina Prose­cutor General Benedicto Malcontento at  Communications Secretary Martin Andanar na nagpadala ng liham ang Department of Justice noong September 3, 2019 na batay sa atas noong August 22, 2019 na idineklara ng korteng desisyunan ang Ampatuan Maguin­danao massacre case, bago ang ika-10 taong anibersaryo nito sa November 23.

Pero tapos na ba ang laban? Mabibigyan na ba ng katarungan ang mga nasawi? Marahil. Itinuturing kasi itong karagdagang pamana ni Pangu­long Duterte sa panahon ng kanyang panunungkulan.

Ang nasabing massacre ay itinuturing na isa sa mga pinakanakahihiyang pangya­yaring naganap laban sa mga mamamahayag sa buong ka­saysayan ng mundo.

“Umaasa kami sa hustisya,” ani Egco. “Ipinapangako namin sa publiko na ang buong PTFoMS ay patuloy na magbabantay upang matiyak walang hahadlang sa kaso.”

Matatandaang noong Nob­­­yembre 23, 2009, 58 katao, kabilang ang 32 miyembro ng media, ang pinatay nang sumama sa motorcade ng mga kamag-anak at tagasuporta ni dating Buluan, Maguindanao Vice Mayor Esmael “Toto” Mangudadatu, patungo sa tanggapan ng Commission on Elections upang magsumite ng certificate of candidacy para sa pagka-gobernador. Nakaligtas si Mangudadatu sa krimen dahil wala siya sa convoy, ngunit kasama sa nasawi ang kanyang asawa. Kalaunan ay nahalal siyang gobernador ng lalawigan.

Natutok ang hinala sa angkan ng mga Ampatuan at mga alagad nila at hinawakan ng Quezon City Regional Trial Court Branch 221 ang paglilitis, ngunit umabot na ng 10 taon ay wala pa ring nangyayari. Taon-taon, nagtitirik ng 32 kandila ang mga mamamahayag sa harapan ng opisina ng National Press Club kung saan nakatayo ang shrine ng mga namatay sa Ampatuan-Maguindanao Massacre, upang ipagdasal na mabigyan ng katarungan ang mga biktima ng nasabing karumal-dumal na pangyayari.

Simula pa lamang ay si Andal Ampatuan, Jr na ang itinuturong prime suspect, dahil ito ang kalaban ni Mangundadatu sa 2010 na gubernatorial race sa Maguindanao Province. Natapos ang paglilitis noong July 17, at binigyan ang pamahalaan at ang mga akusado ng hanggang Agosto 15 upang magsumite ng summary of argument.

Bukod kay Andal Jr, akusado rin ang iba pang mga miyembro ng pamilya Ampatuan, kabilang ang kanyang kapatid na dating Autonomous Region sa Muslim Mindanao na gobernador na si Zaldy Ampatuan at ang kanilang ama na si Andal Ampatuan, Sr, na namatay noong 2015.

Siya ang itinuturong mastermind sa nasabing massacre ngunit dahil nga nakamatayan na niya ang kaso, lalo itong nagtagal at halos 70 sa 198 na sangkot dito ay nananatiling malaya.

Ayon kay Atty. Romel Bagares ng Center for International Law, kumakatawan sa ilan sa mga pamilya ng 58 biktima ng massacre, inaasahan niyang magiging positibo at pabor sa mga biktima ang resulta ng kaso.

“Malaki ang paniniwala kong mananagot na ang mga may sala kahit pa inabot ng halos 10 taon ang ating paghihintay,” aniya, “Inaasahan ng a­ming mga kliyente na makamit na nila ang hustisya”.

Maraming pahayag tung­kol sa nasabing kaso sa nagdaang halos 10 taon. Posible raw itong umabot ng 20 hanggang 200 taon. Maging ang dating mambabatas at Presidential Spokesperson na si Harry Roque, Jr, ay nagsabi noong 2013 na sa tantya niya ay aabot sa 16 taon ang pag­lilitis.

Ngunit mismong si QC Judge Jocelyn Solis-Reyes ay nagsabing gusto niyang matapos agad ito para sa ikatatahimik ng kalooban ng lahat. Ginagawa umano niya ang lahat sa abot ng kanyang makakaya, upang mapabilis ang takbo ng kaso, nang walang pag-kompromisong mga karapatan ang bawat partido.

Sa pagbabalik-tanaw, dumulog ang pamilya ng 58 biktima ng massacre sa United Nations upang makakuha ng kumpensasyon sa gobyerno.

Matapos ang mahigit 100 pagdinig mula nang magsi­mula ang paglilitis noong 2010, sinabi ng mga pamilya ng mga biktima na nawawalan na sila ng pag-asang mabibigyan pa ng katarungan ang sinapit ng mga mahal nila sa buhay, dahil nang mga panahong iyon, 104 sa mga suspek, kabilang ang walong prime suspects mula sa angkan ng Ampatuan — ay naaresto, ngunit marami pa rin ang nakalalaya.

Tama ang sinabi ni Noemi Parcon na malalampasan ng nasabing kaso ang termino ni Pangulong Aquino, ngunit hindi ito palulusutin ni Pres. Rodrigo Duterte, na kilala sa pagiging man of action.

“Nawalan na halos kami ng pag-asa dahil napakatagal na,” ayon sa 49-anyos na biyuda ng isa sa 32 na pinatay na journalist. “Hindi namin mapipilit ang gobyerno na pabilisin ang kaso kaya maghihintay lamang kami hanggang kaya namin.”

Umapela rin ang ang mga kamag-anak ng mga biktima kay Justice Secretary Leila de Lima na pabilisin ang pag-uusig sa mga akusado bago bumaba si former Pres. Benigno Aquino III noong Hunyo 2016 ngunit walang nangyari hanggang si De Lima mismo ay nakulong na rin.

Sa bisperas ng ika-apat na anibersaryo ng masaker, nag-alay sila ng mga panalangin para sa mga biktima sa isang Misa na ipinagdiriwang ni Fr. Robert Reyes, sa University of the Philippines (UP) College of Law sa Quezon City, kasama ang mga kaanak ng mga biktima.  May Karugtong

Related posts

Leave a Comment