LUMA VS BAGO SA PANAHONG MODERNO

JEEPNEYS

Mananakay na Pinoy, saan papanig?

(Ni Mac Cabreros / Huling Labas)

 

NOONG Oktubre 2017, isinapubliko ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Department of Trade and Industry (DTI) ang ilang modelo o proto-type jeepneys na maaring pagpilian para sa modernization program.

Habang isinusulong ang programa, ilang beses nang nagsagawa ang mga transport group ng kilos-protesta sa Metro Manila at ilang pangunahing siyudad sa bansa. Ayon sa mga protesters, sadyang lalong papahirapan ang mga mahihirap ng modernization program na kinatigan ng ilang mambabatas.

Binanggit ng Pinagkaisang Samahan ng Tsuper and Opereytor Nationwide (PISTON) at Kilusang Mayo Uno (KMU), lubhang maapektuhan ang kabuhayan ng 600,000 public utility jeepney (PUJ) drivers at 300,000 small operators.

Ayon sa Crispin B. Beltran Resource Center (CBBRC), tinayang abot sa P30 milyon ang ilalabas ng mga operator para makakuha ng minimum requirement ng 20 jeepneys bawat prangkisa. Samakatuwid, aniya, balakid o hadlang ito sa maliliit at independent jeepney operator.

Bukod dito, aniya, mapapahirapan din ang riding public dahil inaasahang tataas ang pasahe ng limampung poryento.

Kinontra rin ng PISTON at KMU ang pahayag ng gobyerno na nagdudulot ng mabigat na trapiko ang mga jeep. Ayon sa mga nasabing grupo, malayong sila ang sisihin sa mala-pagong na daloy ng mga sasakyan dahil dalawang porsyento lamang ng jeep kumpara sa kabuuang bilang ng sasakyan sa kalsada.

Sa Senado, kinuwestiyon ang kahandaan ng gobyerno sa pagpapatupad programa dahil mangangailangan ito ng P415 bilyon pondo.

Idineklara naman ng DOTr sa pamamagitan ni LTFRB chairman Martin Delgra, na tuloy na tuloy ang implementasyon ng programa.

Mabuburang Imahe

Ang jeepney (auto-calesa dahil sa kabayo sa ibabaw ng hood nito) na tinaguriang ‘Hari ng Kalsada’ noong 1950’s ay naging simbolo ng bansa.

Inilalarawan nito ang Filipino spirit bilang innovative, optimistic at resilient.

Mula sa lumang Willy jeep ng mga Amerikano matapos ang World War II, sa US Air Base sa Pampanga, kinalikot ng malikhain nating kababayan upang maging paboritong sasakyan ng mga Pinoy. Inalis ang upuan at pinalitan ng magkabilaan at magkaharap na upuan para mas marami ang makasakay gayundin na nilagyan ng bubong para pananggalang sa sikat ng araw at tubig-ulan. Naging paborito itong sakyan ng mga Pinoy dahil mas mura ang pamasahe rito.

Pagdaan ng ilang henerasyon, ang jeepney ay humaba, naging makulay at ilan ang naging instant mobile disco. Naging icon na ito sa kultura ng mga Pinoy.

Ngayon, ang nakagisna’y nanganganib na babaguhin ng tadhana sa isang kisapmata?

Ayon sa DOTr, ipinupursige nila ang modernization program dahil hindi ligtas sumakay sa luma dahil kakarag na ito kung saan maaring makalas ang ilang bahagi nito gaya ng gulong na madalas pudpod o kalbo na. Maari ring pumalya ang preno nito. Kapag nakaaberya ang makina o biglang huminto, laking abala ito sa biyahe.

Idiniin din ng DOTr na  nakapagdudulot pa ito ng masikip na daloy ng trapiko.

Hindi rin maganda sa kalusugan ng tao (at ng Inang Kalikasan) ang usok na binubuga ng matandang sasakyan.

Sa kabilang dako, laking ginhawa sa mga pasahero ang modernong sasakyan kung saan bukod sa air-conditioned, mayroon itong CCTV (iwas holdap) at namomonitor sa pamamagitan ng GPS (iwas carnap) at maaring lagyan ng telebisyon at libreng wi-fi  bukod pa sa safe, convenient at comfortable.

Ngayon, kung ang sambayanan ang tatanungin: Ano mas pipiliin

n’yong sakyan – ang luma o ang moderno?

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment