KABUHAYAN NG MGA MAGSASAKA BAGSAK DAHIL SA RICE TARIFFICATION LAW – REP. CABATBAT

Rep Cabatbat-Magsasaka

(Ni Nelson Badilla / Huling bahagi)

BAGSAK ang buhay ng mga magsasaka dulot ng pagkakaroon ng Rice Tariffication Law (RTL).

Ito ang pahayag ni MAGSASAKA party-list Rep. Argel Joseph Cabatbat sa ­Diaryo Bomba.

Idiniin ni Cabatbat na ang pangunahing resulta ng RTL ay dumagsa nang d­umagsa ang inangkat na bigas sa bansa.

Ang layunin, aniya, ng RTL ay ang walang limitasyong pag-angkat ng bigas.

Nasa 95 porsiyento ng bigas sa bansa ay galing sa mga magsasakang Filipino, kaya ang kulang ay limang porsiyento lamang, wika ni Cabatbat.

Nangangahulugang limang porsiyento lang kailangang angkating bigas mula sa ibang bansa na mas mababa sa 800 metriko toneladang bigas, tugon ng mambabatas.

“Pero, ang reyalidad [ay] 2.6 milyong metriko ­tonelada ang inangkat natin mula sa ibang bansa,” banggit ni Cabatbat.

Naniniwala rin ang kongresista na pinaluwag ng RTL ang daanan ng rice smugglers.

Iginiit ni Cabatbat, “Dahil sa krisis na dinulot ng mga masasamang epekto ng Rice Tariffication [Law], hindi lang maliit ang kita ng mga magsasaka ngayon, [kundi] sobrang lugi pa nila. ­Masuwerte na mabibili ng P17.00 per kilo ang ani dahil nitong mga nakaraang buwan, maraming report na nakaabot sa atin na 11 – 12 pesos bawat kilo ang bentahan [ng palay mula sa ani ng mga magsasaka], tapos may mga lugar na P8 ang bawat kilo.”

“Pero, kahit sabihin ­nating P17.00 mabibili ang bawat kilo ng palay [na siyang iniutos ni Agriculture Secretary William Dar sa National Food Authority (NFA)], papatak lang ng halos limang piso ang kita ng mga magsasaka per kilo, o mga P20,000 bawat isang ektarya ng lupa, which is the average hectarage of a Filipino farmer. Multiply natin sa dalawang crop cycles, [lalabas] P40,000.00 kada taon o P3,330 kada buwan lang ang kita ng magsasaka,” patuloy ni Cabatbat.

Sa ganyang kita sa loob ng isang taon, malinaw na bagsak na bagsak ang kita ng mga magsasaka, tugon ng bagong mambabatas.

Aniya, ang P3,300 kita bawat buwan ay hindi sapat upang makabuhay ng pamilya.

“Base sa guidelines ng NEDA (National Economic Development Authority), below food poverty rate na iyang kitang ganyan eh. Kung hindi sapat iyan para bumuahy ng sarili, ‘wag nating i-expect na makakabuhay ang magsasakang Filipino ng pamilya niya. Kulang na kulang ito [para] pampaaral ng anak, lalo na pambili ng pagkain at gamot. Baka nga sa pagbabayad ng utang lang mapunta ang lahat ng kikitain ngayong ani eh.”

Ayon sa NFA, maliban sa P17.00 kada kilo ang pagbili nila ng palay ng magsasaka, ipinasa ng NFA Council ang karagdagang P3.00 kada kilo ng buffer stocking incentive (BSI) noong Oktubre ng nakalipas na taon.

Maliban sa P17.00 at P3.00, magbibigay din ang NFA ng dalawampung sentimo bawat  isang kilong palay para sa pagpapatuyo nito, dalawampung sentimo uli para sa paghahatid ng palay sa NFA buying station at karagdagang tatlumpong sentimo para sa pangkooperatibang pagbabago.

Kaya, P20.70 ang matatanggap ng magsasaka kapag binili ng NFA ang kanyang palay bawat kilo,  pahayag ng ng NFA.

Batay sa talaan ng NFA, mula Enero hanggang ­Hulyo ng taong kasalukuyan ay ­umabot na sa 286,805 metriko tonelada o 5,736,100 sako ng palay ang nabili ng ahensiya.

Ang kabuuang halaga nito ay P5.936 bilyon.

Iginiit ni NFA administrator Judy Carol Dansal na “We continue to focus on aggressive palay procurement from our local farmers as mandated by Republic Act 11203 or the Rice Liberalization Law not only for buffer stocking purposes during calamities and emergencies but to provide a ready market for our ­farmers’ produce and cushion the impact of the low farm gate price.”

Mayroong 303 NFA ­buying stations na nakapuwesto sa iba’t ibang panig ng bansa.

Nang tanungin ng Diaryo Bomba  si Rep. Cabatbat tungkol sa mga nararapat gawin ng Kongreso, DA at NFA upang umangat ang buhay ng mga magsasaka, ganito ang naging sagot ng mambabatas: “Holistic dapat ‘yan. There is no panacea or single cure sa ­usapin ng pag-angat ng buhay ng magsasaka. Unang hakbang d’yan ay ang pagtutok ng mga ahensiya ng gobyerno natin na iahon ang ating mga magsasaka [mula] sa hirap. Alam n’yo po kasi, ang karaniwang pokus lang kasi ng gobyerno ay kung paano mapakain ang mamamayan – saan man ito galing, kahit imported pa ‘yan. Tama naman ito, pero subukan kaya nating mag-invest sa mismong magsasaka, sa tao, dun sa mga nagbubungkal ng lupa mismo. Tiyak ko susunod ang buong agrikultura na lalago kapag pinangalagaan natin ang ating mga magsasaka.”

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment