KABAYO SA RILES (2)

PNR-17

Bagong Bihis na PNR

(Ni Mac Cabreros)

DUMAAN sa krisis ang Manila Railroad Company noong World War 1. Ngunit noong Pebrero 4, 1916, nakasinghap ng bagong pag-asa nang ipasa ng Philippine Assembly ang Act No. 2574, kung saan inarmasan ng karapatan ang Governor-General para mapasakamay ng gobyerno ang ari-arian ng MRR kung saan nagbayad ang gobyerno ng P8 milyon at balikatin ang utang na P53.9 milyon. Tuluyang naging pag-aari ng gobyerno ang MRR noong Enero 1917 hanggang sa maluklok si Jose Paez bilang unang Filipino bilang general manager dito.

Noong 1920’s, unti-unting umusad ang arangkada ng railway sa pamumunoni Paez. Inilarga ang P30 milyong programa sa Dagupan-San Fernando sa La Union North line at ang extension ng South main line hanggang Legazpi sa Albay. Naging maayos ang takbo ng Maynila hanggang Bicol noong 1941.

Nang sumiklab ang World War II, kinontrol ng sundalong Kano ang MRR noong Disyembre 1941 kung saan pinagsisira ang impraktura ng railway.

Lalo pang lumala ang kalagayan ng railway nang manakop ang mga Hapon hanggang sa umabot sa P30 milyon ang halaga ng nasirang imprastraktura.

Pagkatapos ng giyera, tanging 452 kilometro na lamang ang operasyon makaraang kumpunihin ng mga sundalong ng Amerika at Filipinas para gamitin pang-military operation. Naibalik sa Philippine government ang

MRR property noong Pebrero 1, 1946.

Noong 1950’s, pinalitan ng diesel engine ang steam engine ng mga tren.

Nabinyagan naman ang MRR bilang Philippine National Railways sa bisa ng Republic Act 4156.

Sa pagdaan ng mga panahon sa ilalim ng ilang administrasyon, nagkaroon ng ilang problema ang takbo ng mga sasakyan ng PNR kaya’t nagkaroon din ng pagbabago sa pangalan, logo, disenyo at modelo ng mga tren.

Sa ngayon, isinusulong ng Department of Transportation (dating Ministry of Public Works, Transportation and Communications (MPWTC)  na  isaayos ang operasyon ng PNR  sa Manila-South Commuter Railway o NSCR (kilala rin Clark-Calamba Railway) kung saang babagtas sa 147 kilometrong elevated railway mula New Clark City sa Capas, Tarlac hanggang Calamba, Laguna.

Build, Build, Build Program ni PRRD

Ibinida ni Transport Secretary Arthur Tugade, ang pagsasaayos ng operasyon ng PNR ay bahagi ng build, build, build program ni Pangulong Rodrigo Duterte para mapagkalooban ng safe, convenient and comfortable travel ang sambayanan.

Sinabi pa ng kalihim na nasa construction stage ang Tutuban-Malolos (Bulacan) ang unang bahagi ng NSCR at inaasahang magiging operational ang 37.6 kilometrong railway sa ikatlong bahagdan ng 2021 kung saan abot sa

340,000 kada araw ang bibilis ang biyahe sa 35 minuto lamang.

Nakatakda na ring pasimulan ang ikalawang bahagi ng NSCR na 74 kilometrong Malolos-Clark.

Abot sa 300,000 katao kada araw naman ang makikinabang sa sandaling bumiyahe ang tren ng Solis (Manila) – Calamba (Laguna ) na babagtas sa 55.6 kilometro.

Hubad na Katotohanan

Sa pagbabagong bihis ng PNR, gaano ng aba kaganda ang kalalabasan ng image nito?

Naiulat na ibinandera ng pamunuan ng PNR-DOTr na nagbibigay sila ng libreng pamasahe sa mga istudyante. Awtomatiko namang nagkakaloob sila ng 20 porsyentong discount sa mga senior citizen at indibiduwal na may-kapansanan (Person with Disability).

Sa kabila nito, naging laman ng balita ang pagsiksikan ang mga pasahero ng tren ng PNR biyaheng Tutuban (Manila) patungong Calamba, Laguna. Literal na hindi mahulugang karayom ang mga pasahero o posibleng magkapalitan ng mukha. Nagkahalo-halo rin ang amoy ng mga pawisang pasahero at ilan ang nahihimatay. Ilan naman ang pinagkakasya ang katawan sa lagayan ng bagahe. Ika nga pasahero: “tiisin/hamakin ang lahat, makauwi lamang.”

Sinasabing nababahiran ng korupsyon ang larawan ng PNR.

Ito’y matapos ilantad ng Presidential Anti-Corruption Commission na ilegal ang paggamit sa P50.9 milyong pondo ng railway projects bilang bayad sa security services.

Ayon PACC, maituturing na technical malversation ang ginawa ng kasalukuyang pamunuan ng PNR na  paglabag sa Section 3 ng Republic Act (RA) No. 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act at Rule 10, Section 46A ng Revised Rules on Administrative Cases in the Civil Service (RRACCS).

Habang sinusulat ito, wala pang linaw kung saan patungo ang kasong nakaumang sa pamunuan ng PNR. Hindi rin tiyak kung saang direksyon ang babagtasin ng biyahe ng PNR na sinasabing de kalidad ang operasyon ngunit may nakatagong hubad na katotohanan.

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment