IBON FOUNDATION BINULABOG NG PNP?

IBON-PNP

(Ni Nelson S. Badilla / Ikalawang bahagi)

HUMINGI ng tulong ang isang miyembro ng IBON Foundation sa PeryodikoFilipino writer nitong Nobyembre 6 dahil sa “nakababahalang” naganap sa nabanggit na organisasyon.

Ang tulong na hiningi ni Xandra Bisenio, ng Media and Communications Department ng IBON Foundation, ay maglalabas ng istorya o kolum na “maglalantad sa ginagawa” ng administrasyong Duterte laban sa IBON Foundation.

Tumanggi ang manunulat na ito.

Sa halip, iminungkahi ng inyong lingkod na  maglabas ng press statement ang IBON tungkol sa binanggit ni Bisenio at ipadala ito sa iba’t ibang tanggapan ng pamamahayag.

Noong Nobyembre 7, naglabas ng “media advisory” ang IBON na ang pamagat ay “Research group reports pen­ding PNP inspection”.

Narito ang kuwento ng grupo: “IBON Foundation received information that a warrant of arrest will be served on someone supposedly within our office building”.

Kaagad ideneklara ng IBON na ang impormasyon ay “alarming”.

“[W]e believe that it is part of the Duterte government’s worsening crackdown on activists upholding human rights and so critical of its retrogressive policies and authoritarian governance,” wika ng IBON.

“A certain Col. Joaquin Alva of the National Capital Region Police Office called IBON around 3 PM this afternoon (November 7) to notify us of their intent to conduct an ocular inspection as they have a criminal case against someone who, we said, is not of the building nor holds office there,” paliwanag ng IBON.

“We subsequently received information that a police team had left CIDG to get someone (“may kuku­nin”) from IBON,” patuloy ng IBON sa kanyang media advisory.

Ayon kay P/Maj. Titoy Jay Cuden, hepe ng public affairs office (PIO) ng NCRPO, matagal nang wala sa NCRPO si Col. Alva.

Batay sa impormasyon, si Alva ay walong taon nang wala sa NCRPO at hepe nga­yon ng PNP Legal Service.

Tahasang itinanggi ni Alva na tumawag siya sa opisina ng IBON Foundation.

“Hindi trabaho ng PNP Legal Service ang manakot ng mga organisasyong kabilang sa kaliwa o komunistang mga samahan,” ayon  kay Alva.

Inamin ni Bisenio na hindi naganap ang pananakot na ginawa ng lalaking nagpakilalang Col. Alva.

Wala ring dumating na CIDG upang kunin ang isa sa mga opisyal ng IBON Foundation, patuloy ni Bisenio.

Kahit si Brig. Gen. Debold Sinas, bagong direktor ng NCRPO, ay nagsabing walang katotohanan ang kuwento ng IBON sa media.

Inamin din ni Bisenio sa writer na ito na ang pananakot ng isang “Col. Alva” at ng CIDG ay unang beses na naganap laban sa IBON Foundation simula nang maging pa­ngulo si Rodrigo Duterte.

Sa madaling salita, ang lahat ng kuwento ng IBON ay hindi naganap, sapagkat hindi totoong naghain ng search warrant ang lalaking nagpakilalang “Col. Alva ng NCRPO”.

Wala ring kinuha o dinukot ang CIDG na pinuno o miyembro ng IBON Foundation.

Ngunit, iginiit ng IBON na ang karanasan nito ay: “These come on the heels of a week of consecutive military and police operations against various activists and activist groups in Manila and Negros. This included using spurious search warrants to raid homes and offices, planting guns and grenades, and arresting acti­vists on bogus charges. Some 60 activists have been illegally arrested and detained in the past week.”

Nagpatuloy ang IBON sa pagsasabing ang orga­nisasyong ito ay “among many activist organizations and cause-oriented groups that have been maliciously red-tagged by the Duterte government and especially its security forces to justify being harassed, attacked and shut down. This is being done systematically and on a wide scale by the government’s so-called task force to end local communist armed conflict and, among others, under Oplan Kalasag.”

Tahasang itinanggi ng IBON na sila ay “supporter of terrorism.”

Hindi rin naglalathala ng mga babasahing humihikayat sa mga bata na maging rebelde (ibig sabihin, maging kasapi ng New People’s Army).

Ayon sa IBON, ang dahilan ng ‘pandarahas’ ng admi­nistrasyong Duterte sa IBON ay dahil inilalantad nito ang “totoong nagaganap sa ekonomiya ng Pilipinas.”

Hindi nito pinalawig ang kahulugan ng totoong nagaganap sa ekonomiya ng Pilipinas.

Sa mga naunang kalatas nito na ipinapadala sa mga journalist, kabilang ang manunulat na ito,  ang ekonomiya ng Pilipinas ay pabor sa mga bilyonaryo at milyonaryong kapitalista, sa isang banda, at kontra sa mga mahihirap, sa kabilang banda.

Ang IBON ay itinatag noong 1978 bilang organisas­yon na magsasaliksik, mag-aaral at maglalabas ng mga pahayag hinggil sa ekonomiya, lipunan at iba na nakaangkla sa “pambansa demokratikong” linya ang pananaw at paninindigan.

Ang mga tumatangkilik sa mga babasahin, sinaliksik, pag-aaral at pananaw ng IBON ay mga aktibistang kasapi ng mga organisasyong naniniwala sa pambansa demokratikong adyenda at layunin. (Itutuloy)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment