HINAMAK ANG LAHAT MAGING ANG BATAS SA NGALAN NG PAG-IBIG (1)

SHABU-22

(Ni Guillermo Octavio)

“O pag-ibig na makapangyarihan, kapag pumasok sa puso ninuman hahamakin ang lahat, masunod ka lamang,” wika ni Franciso “Balagtas” Baltazar sa kanyang obrang Florante at Laura.

Kung susuriin,  mapatutunayang totoo ang mga katagang ito sa Caloocan-Malabon-Navotas-Valenzuela area, dahil marami sa mga nasabing lungsod ang hinamak ang lahat, maging ang batas, sa ngalan ng pag-ibig.

Shabu carinderia

Noong Marso ng taong kasalukuyan, dinakip ang isang adik, ang dyowa niyang tulak at siyam na iba pa sa isang buy-bust operation sa  “shabu carinderia” ng mag­dyowang sangkot sa ilegal na droga.

Nadakip sina Shirley Morales, 44; Salvador Bajaro, 49; at Michael Quizon, 37, sa Sia Compd., Lamesa St., Barangay  Ugong matapos may mag-Hudas hinggil sa pagtutulak ng droga ng mga ito sa naturang lugar.

Nang magkaabutan na  ng shabu ang mga suspek at sa poseur-buyer kapalit ng P300 marked money ay sumalakay ang grupo ng mga parak at dinakma ang tatlo at nakuha sa kanila ang  apat pang plastic sachets na naglalaman ng shabu at buy-bust money.

Kasama ring dinampot ang mga nabulagang bumabatak na sina Sonia Dangilan, 45; Cezarson de Chavez, 33; Dinnes Limsia, 23; Reynald Tibalcia, 19; Mark Dave Alvaro, 21; Aaran Jhan Sia, 19; Christian Jorge Candela, 27; at Richard dela Cruz, 22.

Napag-alamang animo karinderyang bukas sa lahat ng gustong kumain ang bahay ng magka-live-in na sina Bajaro at Dangilan na bukas naman para sa lahat ng gustong bumatak.

Nabukong sekreto

Noon namang Mayo, dinamba ang isang babae nang mabuking ng mga parak ang ipupuslit sana nitong ng P100,000 halaga ng shabu sa kanyang bag papasok sa Navotas City Jail  para sa kanyang boyfriend.

Huli na nang mapagtanto ng suspek na si Avegail Umali na walang lihim na hindi nabubunyag at hindi pala ganoong ka-“secret” ang secret pocket ng kanyang shoulder bag kung saan nakita ang shabu na dadalhin sana niya sa boyfriend na presong si Reginal Jacobe.

Nang kinapkapan pa lamang ay para nang pusang di mapaanak si Umali at nang siyasatin ang kanyang bag ay tinangka itong daklutin ni Umali mula sa nag-iinspek­syon ng pulis kaya’t lalo siyang pinaghinalaan at nang busisiing mabuti ay nakita sa secret pocket ang pinakatatagong shabu ng suspek.

Babae, ano ba ang pinasok mo?

Noon ding Mayo, isang maparaang babae ang nasakoteng nagpupuslit ng 167 stick ng sigarilyo na ipinasok sa kanya ari upang madala sa kanyang kinakasamang nakakulong sa Navotas City Jail ang pinatawan ng disciplinary action.

Palaisipan sa pulisya kung paanong napagkasya ni Vanessa Mae Adducol ang ganoong karaming sigarilyo sa kanyang ari at nakalakad pa nang dalawin ang dyowang si Jay-ar Feliciano.

Dahil dito, tatlong buwang walang labing-labing ang mag-live-in partner dahil binawalang dumalaw si Adducol sa piitan dahil sa kanyang ginawa.

Nagkakahalaga umano ang kada stick ng sigarilyo ng P150 kaya’t ipinapalagay na posibleng nenenegosyohin ng maglive-in partner ang mga sigarilyong tinangkang ipuslit sa loob ng piitan.

Napag-alamang may nagnguso sa mga bantay ng piitan na may “ipapasok” daw na epektus si Adducol kaya’t masusing sinuri ang lahat ng pwede niyang pagtaguan ng kontrabando hanggang sa makapa nga ang mga sigarilyo sa kanyang ari.

Nakasilid sa condom ang mga sigarilyo nang madiskubre sa ari ni Adducol.

Setyembre naman ay sinakote ang isang 36-anyos na babae matapos na tangkaing magpasok ng 60 stick ng sigarilyo sa Navotas City Jail (NCJ) sa pamamagitan ng pagpapasok rin  ng epektos sa kanyang ari.

Binawalang dumalaw ng tatlong buwan sa kanyang asawang drug detainee na si Christian Lazaro si Generose Candelario, ng 388 Gov. Pascual St., Navotas City dahil sa ginawang paglabag sa mga patakaran ng piitan.

Ayon kay NCJ Warden Chief Insp. Ricky Heart Pegalan, alam ni Candelario na ipinagbabawal ang sigarilyo at iba pag kontrabando sa mga kulungan dahil regular naman nitong dinadalaw ang asawa.

Bibisitahin sana ni Candelario ang asawa dakong alas-2:35 ng hapon nang may makapa si duty guard JO1 Gennylyn Pinanching na kakatwa sa gawing ari ng bebot nang isailalim ito sa routine inspection.

Nang utusan ni JO1 Pinanching si Candelario na sumailalim sa strip and ca­vity search ay bumulaga ang mga sigarilyong nakapalara at nakabalot sa transparent cling wrap na nakasalaksak sa ari nito.

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment