HALALAN KONTROLADO NG MGA TRAPO AT POLITICAL WARLORDS

warlords copy.jpg

(Ni Nelson S. Badilla / Ikatlong Bahagi)

SA pagsasaliksik ng manunulat na ito sa kasaysayan ng halalan sa Pilipinas, walang lider-manggagawa ang pinatakbo ng pampolitikang partido ng mga manggagawa mismo.

Sa pananaw ni Wilson Fortaleza, tagapagsalita ng Partido Manggagawa (PM), walang nabuong partido ng mga manggagawa mula nang magsimula ang eleksyon sa bansa sa panahon ng paghahari ng Kastila hanggang sa panahong kontrolado ng Amerika ang Pilipinas hanggang bago matapos ang Ika-20 Siglo.

Ani Fortaleza, hindi inintindi ng uring manggagawa ang halalan, marahil sa dahilang ‘laro’ ito ng mga tradisyonal na politiko at political warlords.

Kung babalikan at sisipating mabuti ang mga halalang naganap sa bansa, ang mga lider-manggagawa o nag-sasabing sila ay kinatawan ng uring manggagawa na lumahok sa mga nakalipas na eleksyon upang maging kasapi ng Kongreso, sila ay “boses” o kinatawan ng “Masang Pilipino” at hindi solo ng uring manggagawa.

Kapag sinabi nating Masang Pilipino, pumapatungkol ito sa lahat ng sektor ng pangkaraniwang tao o ng mga inaapi at pinagsasamantalahan sa lipunan kung saan kasama ang mga magsasaka, mangingisda, kardador sa piyer, guro, nars at marami pang iba.

Kaya, hindi lang manggagawa ang sinasabing Masang Pilipino, bagamat pinakamarami sila sa mga inaapi, pinagsasamantalahan at nililinlang sa lipunan.

Sa halip, ang lumahok sa ilang piling halalang kontrolado ng mga tradisyonal na politiko at political warlords ay ang mga partido-komunista.

LUMAHOK ANG PKP SA ELEKSYON

NOONG 1946, nanalo sa halalan ang walong kandidato ng Democratic Alliance (DA) sa pagiging kasapi ng Kamara.

Ang DA ay itinatag ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP).

Sa esensya, ‘lumahok’ ang PKP sa eleksyon at nagpatakbo ng walong kandidato upang maging mga kon-gresista.

Kabilang sa walong naipanalo ng DA ay si Luis Taruc, ang pinuno ng Hukbong Bayan Laban sa Hapon (HUKBALAHAP).

Ngunit, hinarang ni Manuel Roxas ang kanilang pag-upo sa Kamara sapagkat takot si Roxas na magkaroon ng malaking puwersa sa Kamara na lalaban sa pag-amiyenda ng Saligang-Batas ng 1935 upang magkaroon ng patas na karapatan ang mga Pilipino at Amerikano sa iba’t ibang larangan sa Pilipinas.

Ang HUKBALAHAP ay ang armadong yunit ng PKP.

Ang PKP ay itinatag noong 1930 sa pamumuno ni lider-manggagawang Crisanto Evangelista.

Si Taruc ay naging kasapi ng Partido Sosyalista (PS) na itinatag noong 1938 sa pamumuno ni Pedro Abad San-tos.

Nagsanib ang PS at PKP kung saan si Evangelista ang siyang kinilalang pangulo at si Abad Santos ang pan-galawang pangulo.

PKP ang piniling opisyal na pangalan ng pamunuan ng dalawang organisasyon.

Si Taruc ang naging hepe ng sandatahang lakas ng PKP.

Tumuon ang puwersa at lakas ng PKP sa Luzon.

Ang pangunahing adyendang ipinaglaban ng DA (na siyang ring adyenda at ipinaglaban ng PKP) ay ang interes at kapakanan ng mga manggagawang-bukid, magsasaka at mga Pilipino na nakipaglaban noong panahon ng Hapon (1942 – 1945) sa bansa, ngunit pinabayaan ng pamahalaan at ginawa pa siyang “kaaway ng estado” ng administrasyon noon ni Manuel Roxas.

Pagkatapos harangin at ipagtabuyan ng administrasyong Roxas ang DA mula sa kanilang lehitimong pagkapa-nalo sa halalang 1946, hindi na muling sumali ang PKP sa eleksyong ipinapatawag ng pamahalaan sa mga su-munod na taon.

Tuluyan nang naasar, nadismaya at nawalan ng tiwala ang PKP sa pamahalaan.

Hindi na rin nagtiwala ang PKP kahit noong si Ramon Magsaysay ang pangulo na isang popular at makamasa.

Sa halip na eleksyon, sa armadong pakikibaka at kilos-protesta isinulong at pinamunuan ng PKP mula 1930 hanggang 1968 — ang pakikibaka ng mga manggagawa, magsasaka at iba pang inaapi at pinagsamantalahang sektor sa bansa.

Ang pag-abandona ng PKP sa eleksyon bilang lugar at pagkakataong isulong at ipaglaban ang adyenda nito sa ligal at parlamentong paraan ay nagpapakita ng lubusang nawalan ng tiwala  ang pamunuan at kasapian ng PKP sa halalan.

Noong 1968, tuluyang nahati ang PKP sa dalawang pangkat.

Itinatag ang Communist Party of the Philippines (CPP) sa pamumuno ni Jose Ma. Sison noong Disyembre 26,1968 sa Tarlac.

CPP, LUMAHOK SA HALALAN

KAHIT mayroong nabuong bagong Partido-Komunista na ang kinilalang ideolohiya ay ang Marixismo-Leninismo at Kaisipang Mao Zedong (Mao Tse Tung), hindi pinasok at lumahok ang CPP sa halalan, sapagkat labis nitong pinaniniwalaang hungkag at  walang laman ang nasabing laro at laban ng mga tradisyonal na poli-tiko at political warlords.

Armadong pakikibaka at mga protesta sa lansangan ang ginamit ng CPP sa pagsusulong ng mga layunin nitong iwinagayway sa ideyang “Pambansang-Demokrasya.”

Nang maging pangulo si Corazon Cojuangco Aquino, lumahok ang kaliwang puwersa sa eleksyong 1987.

Itinatag ang Partido ng Bayan (PnB) batay sa direktiba ng pamunuan ng CPP.

Ang PnB ay hindi pampolitikang Partido ng mga manggagawa, kundi ng Masang Pilipino, batay na rin sa oryen-tasyon nito.

Ang isa sa mga kandidato sa pagkasenador ng PnB ay si Bernabe “Kumander Dante” Buscayno.

Si Buscayno ay siyang unang pinuno ng New People’s Army (NPA) nang binuo ito noong Marso 29,1969 bilang armadong puwersa ng CPP.

Ang isa pang pamosong personalidad ng pambansa-demokratikong kilusan na si lider-manggagawa Crispin “Ka Bel” Beltran ay pinatakbo ring senador sa tiket ng PnB.

Natalo ang PnB, sapagkat dinahas at tinakot daw ng mga sundalo at pulis ang grupo nito, ayon sa PnB. (Itutuloy)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment