GIYERA NG MGA ANAK NG TONDO

Divisoria Vendors

Hiling ng mga tindero, dedma kay Yorme Kois

(Ni Guillermo Octavio)

HINDI pinansin o di pinagbigyan ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso, na ngayon ay kilala na rin sa palayaw na “Yorme”,  ang kahilingang dayalogo ng street vendors sa Divisoria na nagprotesta sa harap ng Manila City Hall para hilinging muling payagang makapagtinda.

“Kabuhayan, ipaglaban” ang sigaw ng grupong Divisoria Vendors Association (DVA) ngunit hindi sila hinarap ng alkalde dahil may iba umano itong “mahalagang” dapat gawin tulad ng pagsasaayos, paglilinis at pagpapanatiling maliinis ng mga kalsada ng Lungsod ng Maynila.

Ayon sa mga tindero, lalong humirap ang kanilang buhay mula nang pagbawalang magtinda sa mga kalye sa Divisoria shopping district gaya ng Recto, Soler, Juan Luna at Ylaya dahil sa mga mahigpit na patakaran at cleanup drive ng pamahalaang lungsod.

May ilan pang nagsabi na dumaranas na sila ng gutom at hindi na nakapapasok sa paaralan ang kanilang mga anak.

Hinaing ng pangkat, tila napupwera sila  sa pagbabago ng Maynila at hinuhuling parang mga kriminal gayung maliit na pwesto lamang sa bangketa ang kanilang hinihiling upang kumita nang may maipakain sa kanilang pamilya.

Ang lalong ipinaghihinanakit ng mga tindero ay ginawa lamang umanong paradahan ng mga motorsiklo ang mga lugar kung saan sila dating kumukuha ng ikinabubuhay.

Ayon naman sa kampo ng alkalde, wala dapat umanong mga vendor sa ilang bahagi ng Divisoria dahil ito umano ang dahilan ng mahigpit na daloy ng trapiko sa lungsod at mga lugar umanong ito ay “non-negotiable.”

Dagdag pa ng panig ni Domagoso, binigyan na ng alternatibong mga lugar para magtinda ang mga vendors gaya ng Tabora, Carmen Planas, Elcano and Sto. Cristo sa kondisyong pananatilihin nila itong malinis at walang balakid at huwag manuhol ng mga awtoridad para makapagtinda gaya ng napaulat na may “naglalagay” pa rin umano sa Carmen Planas dahil tinatakot umanong paaalisin.

Mga baboy at salaula

Kamakailan ay inatasan ni Yorme  ang kanyang mga tauhan na pagbawalan ang mga nagtitinda  sa bahagi ng Ylaya sa Binondo matapos na mabulaga niya mismo sa sorpresang inspeksyon dahil nagkalat  at tambak ang mga basura ng mga ito sa nasabing kalye na iginiit ng alkalde na iniaayos ng pamahalaang lungsod.

“Hiniling ko na sana naman linisin ninyo. Sinabi ko, ilagay ninyo sa tamang sisidlan. Mahirap ba ’yung hinihingi ko?,” ayon sa batang alkalde.

“Pasensya na kayo. Siguro naman di ako nagkulang ng paalaala. Binababoy ninyo at sinasalahula ninyo ang Maynila. Totoo, kayo ay nangangailangan ng hanapbuhay. Pero hindi ko ipagpapalit ang karapatan ng nakararami na dapat makinabang na isang malinis na kalye upang kayo na iilan ay papaboran ng pamahalaan,”dagdag pa nito.

Giit pa ni Domagoso, sinayang umano ng mga tindero ang pagkakataon, at masasabing “napuno na ang salop” ni Mayor Isko nang makitang puno ng kalat ang mga nasabing alternatibong lugar nang mag-inspeksyon noong nakalipas na  linggo kaya’t “kinalos” na niya ang mga tindero dahil sa “kababuyan” ng mga ito.

“Hindi ba kayo nahihiya diyan o talagang baboy din kayo sa bahay? Kailangan ko pa kayo sorpresahin? Pinaghahanapbuhay ko na nga kayo eh. Kung ganyan lang din naman ang iiwan sa ‘tin araw-araw, tigil na silang lahat,” ngitngit ng dating talent ng namayapang “Master Showman”na si German Moreno.

Ayon pa kay Domagoso, kinailangan niyang ipasara ang Ylaya dahil hindi na madaan sa diplomasya ang mga nagtitinda.

“Hindi ko maintindihan, sa totoo lang. Binigyan mo ng hanapbuhay, nilingon mo. -Inalis mo ang mga nang-aabuso sa kanila. Wala pa rin,”aniya.

Nabatid sa Manila Public Information Office, ang mga isinasagawang clearing operations sa Maynila ay alinsunod sa Ordinance  8572, o  “Tapat Ko, Linis Ko Ordinance,”na nagbabawal sa mga residente na mag-iwan ng basura sa mga gutter, sidewalks, kalye, eskinita at kalsada.

Humingi rin ng paumanhin si Domagoso sa mga lehitimong nagmamay-ari ng mga -establisyemento sa Ylaya at kanyang nasasakupan dahil sa pagpayag sa mga pasaway na vendors na matinda sa nasabing kalye at gawing tambakan ng basura ang kalsada at nangakong aayusin ang sitwasyon.

Hindi pa tapos ang laban

Hinaing naman ng vendors, hindi sila magkakasyang lahat sa mga itinakdang lugar ng city hall.

Bukod dito, mariin nilang pinabulaanan na sila ang nagkalat sa mga nasabing lugar at sinabing patuloy silang magpo-protesta dahil  umano “hindi pa tapos ang laban.”

Ayon naman kay Yorme, karapatan ng mga vendors na ipahayag ang kanilang panig ngunit binalaan silang huwag maninira ng pampublikong pasilidad at huwag magpalinlang at magpagamit sa mga grupong sumasakay lamang sa isyu.

Isang araw matapos magprotesta ang mga tindero sa city hall, ilang tindero at residente ang namataang binubuhusan ng tubig at winawalis ang mga kalye ng Ylaya  kanto ng M. De Santos.

Kaugnay nito, umuusok ang bumbunan na sinabi ni Yorme na huwad ang mga kumakalat na balita na inalis na niya ang ban sa mga tindero at sinabing trabaho lamang ito ng mga mapanlinlang na propagandista.

Bukod dito, humihingi na din umano ang mga “organizers” ng mga vendors ng bayad na pinakamababa ang P15,000 kapalit ng pwestong pagtitindahan ngayong Kapaskuhan.

Pinababalik ni Yorme ang “vale” ng mga organizers na nagsabi umano sa vendors na makababalik na sila sa Recto ngayong Kapaskuhan.

“Manigas kayo! Mga abusado kayo. Mapanlinlang. Ang kaya n’yong linlangin, maliliit na tao,”ani Domagoso.

Ayon sa alkalde ang mga inalis nang tindero sa kalye ay ginogoyo ng mga organizers na bumalik sa kanilang dating tarima sa gitna ng mga kalsada, at pinaniniwala na ang kailangan lamang ay “maglagay”.

‘Wag kayo magbibigay. Hindi kayo mababalik diyan dahil ‘yan (kalsada) ay para sa pangkalahatang taga-lungsod ng Maynila lamang,’ katwiran ni Moreno.

Nagbanta pa ito na  “Matiyempuhan ko lang, iba na. Talaga palang di kayo makuha sa diplomasya. Sinabi ko na bumalik na kayo sa dati n’yong bayan. Dun kayo paglagpas ng Sta. Mesa.  Dun kayo nababagay,” na tila ang tinutukoy ay San Juan, kung saan nakabase umano ang organizers ng mga tindero na dati nang isiniwalat ni Yorme na mga kaanib ng nakalipas na administrasyon ni ex-Manila Mayor Joseph Estrada.

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment