GAWANG PINOY IPALIT SA SMARTMATIC

SMARTMATIC-1

Kontrata sa Comelec, ‘di panghabambuhay

(Ni BERNARD TAGUINOD) 

MARAMING naging atraso sa mga Pinoy ang Smartmatic na 100% na  pag-aari ng Venezuelans na gamit naman ng Commission on Elections para mapabilis umano ang pagbilang at paglalabas ng resulta ng halalan subalit naging kabaligtaran ang pangyayari.

Nagalit si Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa mga kapalpakan ng Smartmatic na nagkaroon ng glitches tulad ng “errors” sa flash cards na naglalaman ng listahan ng mga pangalan ng mga botante at kandidato kung kaya’t iniutos sa Comelec na palitan na ito at huwag na kunin ang serbisyo.

May utos man si Presidente Duterte, nanindigan ang Comelec sa pamamagitan ni Atty. James Jimenez, tagapagsalita ng Comelec, na hindi puwedeng isa-isantabi ang sinasabi ng pangulo kung kaya’t bukas ang kanilang tanggapan para sa pag-aralan ang suhestiyon na ibasura ang kontrata ng Smartmatic.

Subalit, sinasabi ni Jimenez na kailangang ilagay ito sa tamang proseso o kailangang daanin sa legal na pamamaraan.

Naunang sinabi ni Pangulong Duterte na wala na siyang tiwala sa Smartmatic at gayundin ang taumbayan kung kaya’t mayroong kailangang sibakin na ang Smartmatic sa sistema ng Comelec.

SMARTMATIC ISINUKA SA VENEZUELA

Sinabi ni Atty Vic Ro­driguez, abogado at tagapagsalita ni dating Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., bagama’t isang Venezuelan company ang Smartmatic ay hindi ginagamit ng gobyerno ng Venezuela ang serbisyo nito kung kaya’t napapanahon na upang ibasura talaga ng Comelec.

Simula 2004 kinuha ng gobyerno ng Venezuela ang Smartmatic upang siyang ma­ging katuwang sa halalan sa nasabing bansa subalit nitong 2017 National Constitutional Assembly elections ng Venezuela, nagkaproblema ang Smartmatic sa electoral commission.

Dahil sa naging problema sa resulta ng halalan sa nasabing bansa na isinisi sa Smartmatic, maraming akusasyon naman ang naging sagot ng Smartmatic laban sa electoral commission.

Bunga nito, sinabi ni Tibisay Lucena, presidente ng electoral commission noong 2017, na walang katotohanan at pawang iresponsableng mga pahayag ang ginagawa ng Smartmatic kung kaya’t posible umanong maharap ito sa kaso.

COMELEC, NIYAYAKAP PA RIN ANG SMARTMATIC

Kaugnay sa utos ni Pa­ngulong Duterte na ibasura na ang kontrata ng Smartmatic, marami pa ring katwirang ibi­nigay ang Comelec na tipong nagpapalusot lang.

“Kakailangan natin ang legal basis to ban any supplier. Yun ang titingnan natin,” ani Jimenez sa isang press confe­rence.

Ang binitiwang salita naman ni Jimenez ay pinangambahan ng maraming Filipino dahil indikasyon na posibleng hindi sumunod ang Komisyon sa kautusan ng pangulo.

Subalit sinabi ni Buhay Partylist Rep Lito Atienza, dapat sumunod ang Comelec sa nais ng pangulo upang mawala ang duda ng publiko sa resulta ng halalan sa hinaharap.

“This past election was no different, with several questions of so-called technical glitches cropping up everywhere, malfunctioning vote counting machines (VCMs), and let us not forget,  the most glaring of which was the  seven-hour delay in the transmission of  vo­ting data to the Comelec transparency and media servers,” ani Atienza kaya nararapat na talikuran na ang Smartmatic.

Sakaling sabihin naman umano ng Comelec na “collective position and wisdom of the Comelec en banc” kaya hindi susundin ang kautusan ng Pa­ngulo na ibasura ang Smartmatic sa mga susunod na halalan sa bansa,  sinabi ni Rodriguez na masyadong mapanganib nito.

“If so, that is very dange­rous because it’s no less than the President ang nagsabi, ibasura n’yo na yan at magsasalita kayo assuming eto ay collective views and wisdom ng Commissioners and Comelec en banc na kontra duon sa statement ng pangulo, you’re inviting trouble, you’re inviting a possibility of impeachment being filed against one or two or several of the commissioner on the assumption on the statement made yesterday are with the clearance or collective view and wisdom and position of the commissioners,” ani Rodriguez.

FILIPINO COMPANY MAS NARARAPAT KAYSA SMARTMATIC

Ipinagdiinan ni Rodriguez na dapat nang palitan ang Smartmatic sapagkat hindi lang sa Venezuela pumalpak ito su­balit mas higit na maraming palpak sa mga halalan sa Pilipinas.

Bukod pa ito sa malinaw sa batas ngayon ng mga Filipino na hindi maaaring mag-may-ari ng 100% ang mga dayuhan sa mga kumpanya sa Pilipinas.

Naitanong ng marami sa mga Pinoy kung bakit nga pinayagan ang Smartmatic na mamamahala sa sagradong boto ng mga Filipino gayung 100% ay pag-aari ng mga dayuhan.

“Itigil na natin yung vicious cycle na tuwing eleksyon may problema, may problema, may problema. Let’s attack the root cause of the problem, yung service provider, yung Smartmatic,” pahayag ni Rodriguez.

“Unang-una hindi naman kayo magaling! Bakit ang Pinoy magpipilit sa inyo? Ano proof natin? Palpak kayo noong 2013! Winalanghiya n’yo yung 2016! Heto na naman kayo 2019! You mean to say ang haba ng pasensya ng mga Filipino at Smartmatic pa rin sa 2022?,”  sunud-sunod na tanong ni Rodriguez.

Dahil malaki ang paniwala na kayang-kaya ng mga Filipino o Filipino companies ang magprovide ng serbisyo para sa halalan, ayon kay Rodriguez, mas mabuting ipagkatiwala sa mga Pinoy ang kinabukasan ng bansa kaya sa kamay ng mga banyaga tulad ng Smartmatic na pawang mga taga-Venezuela.

“Ako’y naniniwala na hindi mandaraya ang mga ito (Filipino IT companies). Hindi tayo lolokohin ng kapwa kababayan natin. Hindi tayo lolokohin kagaya ng panloloko sa atin ng mga Venezuelan,” dagdag pa Rodriguez.

Hindi lang naman siya, ani Rodriguez, ang naniniwala at mas  komportable sa mga Filipino subalit maging ang iba nating kababayan dahil bukod sa hindi ito magloloko tulad ng Smartmatic, ay hindi aalis ang mga ito sa Pilipinas sakaling nagkaroon ng aberya sa halalan.

“Siyempre Filipino, ma­g-iisip muna ng husto bago maging instrumento ng pandaraya at kumpara sa mga Venezuelan ay mahal nating mga Filipino ang ating bayan,” pagdidiin pa ni Rodriguez.

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment