ENDO MAGWAWAKAS NA (2)

END ENDO-10

Kailangang may magsakripisyo pa rin?

(Ni Nenet L. Villafania)

HINDI tatalikod si Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa pangako nito na tatapusin ang endo kahit batid naman ng marami na mahirap gawin ito sapagkat posibleng maging isang panggigipit ito sa maliliit na negosyante na maliit lang ang puhunan lalo pa’t ayaw nga nila sa manggagawa o obrerong tamad o may iba pang dahilan.

Maraming posibleng mangyari sa pagpapatigil ng nakasanayang “end of contract” o endo sapagkat kapag nawalan na ng pupuntahan ang mga negosyante ay posibleng isara na lang nito ang kanyang negosyo matapos ideklarang lugi.

Sa bandang huli, lalabas na ang mga pangkaraniwang obrero ang magsasakripisyo kapag naisara ang negosyo.

Kaya nga nasabi ni Department of Labor and Employment Secretary Silvestre “Bebot” Bello III na kailangang magkaroon ng compromise sakaling maipatupad ang wakas ng endo at dapat ay maging katanggap-tanggap sa lahat na ang ibig sabihin ay pabor sa manggagawa at may benepisyo rin sa negosyante.

‘Endo sa Kongreso’

Pinalusot ng Kamara noong Enero ang security of tenure bill o ang panukalang batas na nagtatakda ng benepisyo para sa mga manggagawang matagal na sa parehong trabaho. Medyo malabo. Paano ba ‘yon?

Sa nasabing batas, pinapayagan pa rin ang ilang uri ng contractualization kaya dismayado ang mga labor groups. May probisyon sa nasabing batas para sa exemptions o ilang uri ng trabaho na maaari pa ring maging contractual, base sa konsultasyon sa DOLE.

Ito raw ang pinakamagandang naisip ng Kongreso, kung saan pare-parehong makikinabang ang mga manggagawa at kapitalista, na isang pagtalikod sa naunang commitment nila dahil may mga trabahong seasonal lamang talaga.

Heto naman ang pahayag ng ilan nating kababayang nabiktima ng “endo”.

Jan Andro Ruedas, 32, contractual sa panahon ng iluhan sa Central Azucarera Don Pedro, Nasugbu, Batangas.

“Pag naipasa sa panahon ni Pres. Duterte na i-ban ang contractualization sa bansa, lahat ng iindorso n’ya, siguradong panalo,” ani Rueda. “Matagal nang kalakaran sa CADP na tatawagin lamang ang trabahador pag iluhan, pero paminsan-minsan, pag maganda ang performance, nare-regular din. Sana nga, maregular kami.”

Jefferson Balillo, 36,  delivery man ng Lazada, Makati City.

“Nagtitiyaga lang ako dito dahil naghihintay na lang ako ng tawag sa Korea. Mahirap magtrabaho na sasailalim ka sa “endo” dahil wala kang security of tenure.”

Maybelle Dimaunahan, 23, nurse, FEU Hospital, Manila.

“Option kong mag-part time na lang dahil nagma-masters ako, pero kung ako ang tatanungin tungkol sa “endo” kahit saang anggulo natin sipatin, talo talaga ang manggagawa. Kaya, ayoko talaga niyan. Mabuti pa rin ang regular.”

Jeffrey Conchas, 33, driver, MBC Contractors, Batangas City.

“Hindi ko alam kung “endo” ako o hindi dahil wala naman akong pinipirmahang kontrata. Saka wala rin akong pinipirmahan sa Accounting pag sumusweldo ako. Cash akong binabayaran ng boss ko. Apat na taon na akong nagtatrabaho bilang driver dito. Kung tinatanong nyo ako kung ano ang masasabi ko sa “endo,” aba, ewan ko. Wala akong alam dyan.”

May punto ang magkabilang panig – ang manggagawa at kapitalista – kaya napakahirap magpasiya, lalo pa at “palabra de honor” ang nakataya. Abangan na lamang natin ang susunod na kabanata. Mawawala kaya ang “endo” sa Pilipinas? Ano sa palagay mo? Ako, hindi ako mapalagay.

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment