“EBD BRIDGE OF PROGRESS” NG BATANGAS CITY,” PAG-ASA O DISGRASYA?

EBD BRIDGE OF PROGRESS-2

(Ni Koi Hipolito / Huling bahagi)

IPINAGMALAKI NG ALKALDE

Nang inagurahan ang EBD Bridge of Progress, ipinagmalaki ng alkalde ng Batangas City na si Mayor Beverley Dimacuha na magiging malaking tulong ang ipinagawang tulay na ginastusan ng pamahalaan ng halos P338 milyon hindi lang sa mga residente ng Sitio Ferry subalit maging sa mga Batangueno at lahat ng motoristang daraan sa Batangas City dahil mababawasan ang bigat ng poblacion dahil magiging alternatibong daan na ang nasabing tulay.

“Bukod po sa inaasahan nating pagluwag ng trapiko sa ating poblacion area, nais ko ding bigyang-pansin na ang pagkakagawa sa tulay na ito ay talagang pinag-isipan at pinagplanuhan. Naranasan na po natin sa lungsod ang masira ang ating dalawang malalaking tulay bunsod ng malalakas na bagyo,” ayon kay Mayor Dimacuha.

“Pareho pong naapektuhan ng pagkasira ng Calumpang Bridge at Bridge of Promise hindi lamang ang kabuhayan ng mga Batangueno kundi maging ang ating ekonomiya kung kaya’t ayaw na po natin itong maulit na muli. Ang araw-araw na pagbiyahe ng ating mga mag-aaral, trabahador at maging ang mga turistang dumarating sa lungsod ay naging pahirap sa pagkasira ng mga tulay.”

Sa madaling salita, ­layon ng pagpapagawa ng tulay na makatulong sa mga motorista at higit sa ekonomiya ng Batangas City.

SINEGUNDAHAN NG KONGRESISTA

Isa sa dumalo at nagbigay ng magagandang mga pahayag kaugnay ng EBD Bridge of Progress ay ang mambabatas mula sa ikalimang Distrito ng Batangas na si Rep Marvey Mariño na ipinagyabang ang mga katangian ng nasabing tulay na ayon pa sa kongresista ay magpapatuloy ng progreso o pag-unlad sa lungsod na kanyang nasasakupan at ­pinaglilingkuran.

Sa inagurasyon, naiyabang sa lahat ng mamamayan na dumalo sa pagpapasinaya  na  magdudulot ang ipinagawang tulay ng kaluwagan sa daanan sa bayan at sa iba pang lugar na mabigat ang daloy ng trapiko at kasabay nito ang pagbilis ng delivery ng mga produkto na magpapabilis sa paglago ng ekonomiya ng Batangas City.

PAGHANGANG DI ­MATATAWARAN SA MGA GUMAWA

Halos manlaki ang mga mata at maiwang nakabukas ang bibig ng mga taong nakakakilala sa Frey-Fil Corporation, ang Filipino contractor na siyang nagdisenyo at gumawa ng tulay upang makasiguro na mahusay at mataas ang kalidad ng mga gagamiting ­materyales ­bukod pa sa maayos ang mga magtratrabaho para sa ­pundasyon ng tulay na magsisilbing pag-asa hindi lang ng mga mamamayan subalit ng buong lungsod ng ­Batangas.

Ganun din ang reaksyon ng marami nang malamang na ang tulay ay idinisenyo ng kilalang design ­consultant na Wiecon, isang pandaigdigang eksperto sa paggawa ng tulay. Kaya naman inasahang halos magiging perpekto ang pagkakagawa ng nasabing tulad na hindi kayang buwagin maging ng pinakamalakas na bagyo at pinakamatinding lindol na daraan sa ating bansa.

NATINAG NG MALAKAS NA ULAN ANG DRAINAGE

Noong Mayo 18, araw ng Sabado, bumuhos ang isang napakalakas na ulan sa lalawigan subalit dahil sa sanay naman ang mga Batangueno na dinaraanan madalas ng bagyo ang lalawigan ay naging kampante lang ang mga ito na walang masamang mangyayari.

Subalit nang matapos ang unos, nagulat na lang ang mga resident ng Sitio Ferry Barangay Gulod Ibaba at Kumintang Ibaba sapagkat nakita nila na wasak ang mga drainage na inaasahan nilang bahagi ng pundasyon ng ipinagmamalaking tulay ng progreso.

TAKOT NG MGA RESIDENTE

Ang pagkasira ng mga drainage ng tulay ay nagbigay ng takot sa mga naninirahan malapit sa tulay sapagkat batid nilang posibleng hindi sila maging ligtas kapag biglang bumigay hindi lang ang drainage subalit maging mismong ang tulay.

Posibleng  sa pagbigay ng mga drainage ng tulay, maunang tumaas ang tubig sa kanilang lugar at magkaroon ng matinding pagbaha na magdudulot ng disgrasya sa mga bata at matatanda. Magkakaroon din ng pinsala sa kanilang mga kabuhayan at ari-arian.

PANAWAGAN SA PAMAHALAAN

Kaya nga malakas ang panawagan ng mga  naninirahan sa Sitio Ferry Barangay Gulod Ibaba at Kumintang Ibaba  na dapat ay agarang  bigyang pansin ng pamahalaan lalo na ng  opisyales ng Batangas City government ang pagsasaayos ng mga drainage na hindi pa man nagtatagal ay pawang bumigay na.

Ayon sa mga residente, hindi nila akalaing marupok lang pala ang ilang bahagi ng tulay na noong una ay binigyan nila ng malaking paghanga sapagkat mahusay ang pagkakagawa matapos gastusan ng milyon-milyong piso.

PAG-ASA O DISGRASYA?

Subalit ang lahat ng kanilang paghanga na ang EBD Bridge of Progress ang magiging tulay ng bagong pag-asa ay biglang gumuho at sa halip ay napalitan ng malaking takot o pangamba na baka sa halip na umasenso ang mga taga-Batangas dahil sa mabilis na delivery ng serbisyo at produkto ay maging disgrasya sa mga daraan dahil sa posibleng pinsalang maidudulot nang pagkasira ng mga drainage.

Sana nga lang ay mabilis na tugon ang igawad ng mga sangkot sa pagtatayo ng EBD Bridge of Progress nang sa gayun ay mapawi ang pangamba ng mga tayo sa posibleng pagdudulot nito ng disgrasya sa halip na pag-asa.

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment