DRUG-MONEY GAMIT SA VOTE BUYING

VOTE BUYING-1

(Ni NELSON S. BADILLA)

MISMONG chairman ng Commission on Elections (Comelec) na si Sheriff Abas ang nagbunyag sa isang press conference kamakailan na talamak ang bilihan ng boto sa iba’t ibang panig ng bansa.

Batay sa mga ulat at reklamong nakarating sa tanggapan ng Comelec, sinabi ni Abas na napakalaking suliranin ang vote buying ngayong mid-term election 2019.

Ang pahayag ni Abas ay kinatigan ni Police General Oscar Albayalde, hepe ng Phi¬lippine National Police (PNP), kamakalawa.

Ayon kay Albayalde, batay sa text messages at tawag sa kanyang cellular phone, nagaganap ang bilihan ng boto kahit saang lugar sa Pilipinas.

Sa gitna ng mga ulat ng talamak na bilihan at bentahan ng boto, kaagad na pinatutok ng Comelec ang iba’t ibang grupo na bumubuo ng “Kontra Bigay” Task Force na siyang hahabol at uusig sa mga mamimili at magbebenta ng kanilang boto.

DRUG MONEY GAMIT SA BILIHAN NG BOTO

ANG masama sa bilihan ng boto sa ngayon ay ang paggamit ng pera mula sa iligal na droga, ayon kay Senador Richard Gordon.

Ani Gordon, ang pagbili ng mga boto gamit ang pera mula sa iligal na droga ay naglipana sa napakaraming lugar sa bansa.

Iginiit ni Gordon, sa kanyang lalawigan na Zambales ay hindi maitatanggi ang bilihan ng boto ng mga tinatawag na narco- politicians.

PERANG GALING SA ILIGAL ANG PONDO SA VOTE BUYING

PEBRERO ng taong kasaluku¬yan ay pinalundag na sa media ni Philippine Drugs Enforcement Agency (PDEA) Director General Aaron Aquino ang ideyang tanging sa iligal na droga o korapsyon lang manggaling ang perang ipantutustos sa pamimili ng mga boto ng mga politiko.

Sabi ni Aquino, “Walang politiko na bibili ng boto nang galing sa anumang tamang pinagmulan.  Kadalasan talagang nanggagaling iyan sa korap¬syon o sa ilegal na droga.”

Dahil galing sa iligal, hindi manghihinayang ang mga politikong sangkot sa iligal droga o korapsyon na magtapon ng pera, anang opisyal.

Noong Marso, inilabas ng PDEA na mahigit 80 ang mga opisyal mula sa iba’t ibang posisyon sa pamahalaang lokal mula sa iba’t ibang panig ng bansa ang kasama sa drug list ng PDEA.

Ang mga politikong kasama sa listahan ay mula Ilocos Norte hanggang Maguindanao.

Kung sisipatin ang mapa ng mga kinaroroonang lungsod, bayan at lalawigan ng narco politicians ay masasabing napakalaking halaga ang pakakawalang pera ng mahigit 80 narco politicians.

Syempre, ang layunin ng narco politicians ay manalo sa halalan.

Sa nasabing bilang, 46 lang ang kinasuhan sa Office of the Ombudsman at sa kalauna’y isinapubliko ni Duterte ang kanilang mga pangalan.

Sabi ni Duterte, ang mga botante na ang magpasya kung ihahalal nila ang mga politikong sangkot sa iligal na droga o hindi.

Ayon sa tagapagsalita ng Comelec na si James Jimenez, maaari pa ring tumakbo ang mga kinasuhang narco politicians, sapagkat ang pinagbabawalan lamang ng Omnibus Election Code na tumakbo sa anumang posisyon sa pamahalaan ay iyong mga napatunayang nakagawa ng krimen at hinatulan ng korte dahil dito.

“KONTRA BIGAY TF” TUTUTOK SA CARAGA

Sinabi ni Comelec Chairman Sheriff Abas na napakaraming natatanggap na ulat ng kanyang tanggapan kaugnay sa talamak na bentahan at bilihan ng boto nitong mga nakaraang linggo.

Ayon kay Abas, base sa ulat, pinakamataas ang presyo ng bilihan ng boto sa Caraga o Region 13 na bahagi ng North Eastern Mindanao na binubuo ng mga lalawigan ng Agusan del Norte, Agusan del Sur, Dinagat Islands at mga siyudad ng Surigao, Tandag, Bislig, Bayugan, Cabadbaran at ang Capital City na Butuan, kung kaya ditto tututok ang “Kontra Bigay” TF.

Umaabot sa 1,311 ang barangay sa nasabing rehiyon kung saan 93 sa mga barangay ang itinuturing na “areas of concern” o “hot spots.”

Dahil sinasabing malaki ang presyo ng bilihan at bentahan ng boto sa Caraga kung kaya’t masusing imbestigasyon ang ginagawa ng mga miyembro ng task force kaugnay sa perang gamit sa pamimili ng boto na posibleng mula sa iligal na droga.

REPORT NA VOTE BUYING NG PACC

INAASAHANG aaksyon ang Commission on Election (Comelec) tungkol sa 15 kaso ng vote buying na ipinarating sa Presidential Anti-Corruption Commission (PACC).

Inihayag ni PACC Commissioner Greco Belgica kama¬kalawa na hiniling ng PACC sa Comelec na imbestigahan ang 15 kaso ng pamimili ng boto.

Noong nakaraang plebesito naman, naiulat na nagkaroon din ng “vote buying” sa Isabela City sa Basilan. Kaya naman, ngayong Mid-term election ay magiging bigilante na ang mga mamamayan ng Region 9.

MAYNILA, PASAY, MUNTINLUPA ‘PASOK’ SA VOTE BUYING

ANG mga lugar na nahulihan ng bilihan ng boto ay ang Maynila, Lungsod ng Pasay, Lungsod ng Muntinlupa, Lungsod ng Ozamiz at Lungsod ng Santiago sa Isabela.

Hindi binanggit ni Belgica kung sinu-sino ang opisyal ng pamahalaan at mga kandidato ang namimili ng mga boto.

Ngunit, tiniyak niyang mayroong “sapat na katibayan” ang 15 kaso ng pamimili ng mga boto.

Batay sa ulat ng Manila Police District (MPD) at Southern Police Distrit (SPD) sa National Capital Region Police Office (NCRPO) na pinamumunuan ni Major General Guillermo Lorenzo Eleazar, ang talamak ang iligal na droga sa Maynila, Pasay at Muntinlupa.

MPD ang nakasasakop sa Maynila sa pamumuno ni Brig. Gen. Vicente Danao Jr., samantalang nakapaloob sa SPD ang Pasay at Muntinlupa na pinamumunuan ni Brig. Gen. Eliseo Cruz Jr.

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment