DROGA MALAYANG NAKAPAPASOK SA BJMP JAILS

BJMP JAIL

(Ni NELSON S. BADILLA / Ikalawa at huling bahagi)

ILANG araw pagkaupo ni Chief Superintendent Allan Iral bilang Officer-in-Charge (OIC) noong Marso 27, nagpakawala siya ng ‘bomba’ sa ipinatawag niyang press conference.

Ang bombang pinasabog ni Iral ay pinaniniwalaang nakatago lamang noong panahon ng nagretirong hepe ng BJMP na si Deogracias Tapayan.

40 BJMP ‘personnel’ sangkot sa iligal na droga

Ani Iral, mayroong 40 BJMP “personnel” ang nasa drug watchlist ng pamunuan ng BJMP.

Iniimbestigahan na ang 40 na opisyal, wika ng hepe.

Kaso, hindi niya inilabas ang mga pangalan ng 40 upang hindi mabulabog ang imbestigasyong isinasagawa laban sa kanila.

Ayon kay Chief Insp. Xavier Solda, tagapagsalita ng BJMP, galing sa “intelligence report” ang nasabing pagkakasangkot ng 40 opisyal ng BJMP sa iligal na droga.

Ani Solda, katuwang ng BJMP ang Philippine Drugs Enforcement Agency (PDEA) at Philippine National Police (PNP) sa pagsasagawa ng imbestigasyon upang malaman kung totoo o hindi ang intelligence report tungkol sa 40.

Tiniyak din niya na sasampahan ng kaukulang kaso ang sinomang opisyal ng BJMP na mapatutunayan sa imbestigasyon na sangkot sa iligal na droga.

Sa kasalukuyan, patuloy na sinusubaybayan ng pamunuan ng BJMP ang 40 at naghahanap ng malakas, matibay at sapat na ebidensyang magdidiin sa kanilang pagkakasangkot sa iligal na droga.

Malayang nakapapasok ang iligal na droga

Inihayag ni Iral sa press conference, hinahayaan ng jail officers ang pagpasok ng mga dalaw na may dalang iligal na droga sa loob ng kulungan dahil mayroong “basbas” mula sa “isang tao.”

“Nagbubulag-bulagan sila sa nagaganap na iligal na gawain sa loob ng bilangguan. Hindi sinisiyasat nang wasto ang mga dumadalaw, sapagkat mayroong basbas mula sa isang personnel,” tugon ni Iral.

Hindi nagpalawig si Iral.

Kung susuriin at uunawaing mabuti ang pahayag ng OIC ng BJMP, nangangahulugang malayang nakapapasok ang iligal na droga sa mga kulungan ng BJMP.

Hindi lang matukoy nang eksakto kung ilang bilangguan ang mayroong ganitong kalakaran at saan-saang bahagi ng bansa, sapagkat ayaw ilabas nina Iral at Solda ang detalye hinggil sa iligal na droga na kinasasangkutan ng 40 opisyal dulot ng nagaganap na imbestigasyon laban sa kanila.

May basbas ang warden?

Ang hepe sa bawat kulungan ng BJMP na mayroong kapangyarihang mag-utos sa mga bantay sa kulungan ay walang iba kundi ang jail warden.

Malaki ang pananagutan ng warden kapag mayroong nagaganap na pagkakamali, gulo o rambol ng mga bilanggo, pagtakas ng preso at iba pang kaganapan sa loob ng kulungan.

Ang warden din ang nagtitiyak na nakakakain nang maayos ang mga bilanggo sa bawat araw, nakaliligo, nag-aasikaso kapag nagkakasakit ang mga bilanggo at iba pang bagay na makabubuti sa kalagayan ng mga bilanggo habang pabalik-balik sila sa korte upang patunayan ng kanilang mga abogado na wala silang nagawang paglabag sa batas.

Maging ang kalagayan at kagalingan ng jail officers ay sagot at pananagutan ng warden.

Kapag nagkamali at pumalpak ang warden ay maaari siyang tanggalin ng hepe ng BJMP.

Pwede ring sibakin ang warden kapag hindi kursunada o ikinaiinis ng hepe ng BJMP dahil hindi tumatalima ang warden sa kagustuhan at kapritso ng hepe ng BJMP.

Kaya, napakahalaga, estratehiko at makapangyarihan ang papel ng warden sa isang kulungan ng BJMP at maging sa buong termino ng hepe ng BJMP.

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment