DIYASKENG DIABETES (1)

DIABETES-3

Hindi lahat ng matamis masarap, meron din masaklap

(Ni Mac Cabreros)

NOONG nakaraang buwan, buwan ng Nob­yembre, ipinagdiwang ang World Diabetes Day na hindi naman dapat ipagdiwang dahil patuloy ang pagdami ng bilang ng taong nagkakaoon ng sakit na diabetes.

Totoong hindi dapat ipag­diwang ang tawag dahil hindi naman nagagalak ang mga taong mayroong ganitong sa­kit subalit ang dapat ay gunitain at nagpakalat ng impormasyon upang maiwasan, maagapan at magamot sakaling umatake ito.

Ayon sa mga dalubhasa, ang diabetes ay kawalan ng katawan lalo ng lapay o pancreas ng kakayahan na makalikha o makagawa ng sapat na hormone na tinatawag na insulin para makontrol ang glucose level sa dugo.

May dalawang klase ang diabetes. Una ay Type 1 na mangangailangan ng paggamit ng artipisyal na insulin na ipapasok sa katawan at Type 2 na maaring ‘magamot’ sa pamamagitan ng tamang diet at pag-inom ng gamot. At gestational para sa mga nagdadalantao kung saan maari nitong maipasa sa kanyang supling ang sakit.

Ang diabetes ay siyang nagdudulot ng kumplikasyon o nagpapapala sa iba pang sakit gaya ng sakit sa puso at panlalabo ng mata na siyang sanhi ng kamatayan ng taong mayroon nito lalo na kapag napabayaan.

Sa taya ng Philippine Society of Endocrinology, Dia­betes, and Metabolism (PSEDM), nasa 3.3 milyong Pinoy ang may diabetes noong 2014. Hindi kasama dito ang tinatayang 2 milyon na hindi batid o alam na diabetic na sila.

Inaasahang sa 2030, magkakaroon ang bansa ng halos 7.8 milyong katao na may sakit na diabetes, ayon sa datos ng Philippine College of Physicians.

Ayon pa sa mga dalubhasa, maaring ‘namana’ ang sakit o naipapasa ng magulang sa kanilang anak gayundin na nakukuha sa pagkain lalo ang matatamis at mataas sa carbohydrates, sobrang alat at mataas ang alcohol.

Dagdag ng mga dalub­hasa, maaring maiwasan o maagapan ang naturang sakit. Ito ay sa pamamagitan ng diet o tamang pagkain at regular na eherhisyo gaya ng brisk walking ng 30 minuto kada araw tatlong beses isang linggo o depende sa payo ng health care team kabilang ang doctor, nurse, dietitian, dentist, ophthalmologist at health worker.

Sa taya ng mga eksperto, nakababawas ang brisk walking ng halos 60 porsyento ng tsansang magkaroon ng diabetes.

Kapag may sintomas na mataas ang blood sugar level, kumonsulta sa doktor at iba pang miyembro ng health care team para mailatag ang karampatang hakbang tulad  ng pagmonitor sa blood sugar level.

Kung sobrang baba (nasa 100 mg/dl) ang sugar level, payo ng mga dalubhasa na kumain ng 15 hanggang 30 gramo ng carbohydrates. Kung sobra naman sa 250 mg/dl sa Type 2 at 200 mg/dl sa Type 1, ipagpaliban muna ang pag-eherhisyo o paglalakad hanggang sa bumaba sa normal ang blood sugar level.

Madalas kapag pinag-usapan ang tungkol sa mataas na blood sugar, ang unang pumapasok agad sa isip natin ay diabetes. Pero bago ka pa ma-diagnose at magkaroon ng diabetes, bibigyan ka ng katawan mo ng mga sintomas ng diabetes tulad ng pagtaas ng blood sugar para habang maaga pa ay mabantayan mo at makagawa ng tamang hakbang.

Kabilang sa mga sintomas ang sobra at madalas na pag-ihi sa gabi (Polyuria); paglabo ng paningin; madaling mahapo o mapagod o panghihina; panunuyo ng bibig o pagkauhaw (Polydipsia); pag-iba ng kulay, nanunuyo at nangangating balat, laging nakakaramdam ng gutom (Polyphagia); paglobo ng tiyan at pagbigat ng timbang; pabalik-balik na impeksyon; mabagal na paghilom ng sugat; pagiging imbalido; mahirap dumumi; pangingilig at pamamanhid ng kalamnan at nerve problem.

“Ang pagkontrol sa pagkain sinasabayan ng regular at tamang pag-eehersisyo at pag-inom ng mga gamot ang pinakaepektibong paraan ng pangangalaga at pagmamantina sa kalusugan ng taong may sakit na diabetes,” ayon sa mga dalub­hasa.

Idinagdag pa na dapat isaalang-alang ang pagmamantina ng kalusugan  nang sa gayon ay maiwasan ang mga hindi magandang epekto at komplikasyon na dulot ng diabetes. (May karugtong)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment