COMELEC MAS MAHAL ANG SMARTMATIC?

COMELEC-SMARTMATIC-2

Ni BERNARD TAGUINOD

Kung hindi ngayon, kelan pa?

AGAD na sinuportahan hindi lamang sa  Mababang Kapulungan ng Kongreso kung hindi maging ng taumbayan ang pasya ni Pangulong Rodrigo Duterte na ibasura na ang Smartmatic na ginamit ng Commission on Elections (Comelec) noong nakaraang apat na eleksyon.

Sa apat na beses paghawak sa halalan ng bansa, napuno ng sari-saring kontrobersya ang resulta ng botohan at hindi nabigyang katarungan ang resulta ng bilangan dahil sa mga problema sa mismong gamit na mga makina.

Kaya naman, nang marinig ang pahayag ni Presidente Duterte,  ginanahan  si Buhay party-list Rep. Lito Atienza na amyendahan ang Republic Act (RA) 9369 o Automated Election System (AES) o mas kilala sa tawag na Computerized Election upang gumamit ng hybrid na sistema ng halalan sa bansa lalo na sa 2022 presidential election.

Ayon kay Atienza, hindi naging masaya ang taumbayan sa serbisyo Smartmatic dahil simula nang kunin ang mga ito ng Comelec nang simulang ipatupad ang RA 9369 noong 2010 election ay sandamakmak ang naging  problema kaya pinagdududahan ang resulta ng halalan.

“Kayo ang tatanungin ko, kayo ba ay masasabi n’yong tama, malinis ang naging halalan at bilangan? At ang bagal ng proklamasyon. Akala ko kapag computerized election, it will be efficient count at immediately ang proklamasyon.  Ilang araw na ang nakakalipas, 9 na araw wala pang proclamasyon?,” ani Atienza hinggil sa katatapos na eleksyon noong Mayo 13, 2019.

Naniniwala ang marami na ang mabagal na paglabas ng resulta at proklamasyon sa mga nanalo ang nag-udyok kay Pangulong Duterte  upang utusan ang Comelec na ibasura nang tuluyan ang Smartmatic.

Labis na ikinatuwa  ni Atienza ang pahayag ni Duterte na huwag nang gamitin ang Smartmatic sa mga susunod na halalan sa bansa upang hindi na pagduduhan ang resulta ng mga eleksyon sa hinaharap.

“Once again, the President has shown that he has the sensitivity to answer the nation’s growing problem of successive elections that have been marred by questions of irregularity. No one has dared to fix it, except Pres. Duterte,” ayon pa kay Atienza.

“Kung hindi susunod ngayon ang Comelec sa kautusan ng pangulo ng bansa, kelan pa maibabasura ang Smartmatic?.”

Pagsipa sa Smartmatic, hakbang na Makabayan

Sinabi ni Atty. Vic Rodriguez, abogado at spokesman ni dating Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos,  na ang panawagan ni Pangulong Duterte, ng Mababang Kapulungan at ng taumbayan na ibasura na ang Smartmatic ay isa sa pinakamakabayang hakbang dahil mabibigyang katarungan nito ang pagboto ng mga taong nasa listahan pa subalit pawang wala na pala sa mundo, ang pagboto ng mga taong pera ang habol sa kandidato at higit sa lahat, ang hindi pagkakapanalo ng mga karapatdapat na kandidato at totoong ibinoto ng mga tao.

Ayon kay Rodriguez, hindi lang si  Presidente Duterte, mga mambabatas at taumbayan ang nais na mawala na ang Smartmatic sa sistema ng halalan sa bansa, subalit maging ang mga obispo.

Noong Nakaraang linggo, nagpahayag ng suporta sina Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo at San Carlos Bishop Gerardo Alminaza sa kagustuhan ni Presidente Duterte na pagbabasura sa Smartmatic at at pagpapatupad ng hybrid election.

Ang pagsuporta ng mga obispo sa pahayag ni Pangulong Duterte ay pagpapakita na mas nais ng mga ito ang balik manual count sa precinct level dahil sa mas nagpapakita ito ng transparency kaysa sa Smartmatic.

Nais ni Rodriguez na mawala na sa landas ng mga Filipino ang Smartmatic sapagkat hindi naman nito naibigay ang tamang serbisyo sa mga Pinoy gayung napakalaking halaga ang ibinayad rito para maging maayos, mabilis at malinis ang halalan.

Ngunit ang sistemang ipinakita ng Smartmatic ay “lack in transparency” at nagkaroon pa ng duda sa isip ng mga mamamayan na totoong nangyayari pa rin ang dayaan.

Mas magiging makabayan, paliwanag ni Rodriguez kung ibabalik na lang sa manual counting ang eleksyon at pawang mga Filipino ang magtratrabaho para sa malinis at marangal na halalan.

“Kung Filipino ang nakatoka sa bilangan, magdadalawang isip yan na mandaya o magpabayad para gumawa ng pandaraya sapagkat alam niyang mahaharap siya sa malaking problema at kaso hindi lang sa isang tao subalit sa kanyang kapwa Filipino,” paliwanag ni Rodriguez.

Hybrid election sa 2022

Nais ni Atienza na sa susunod sa Kongreso, ay maamyendahan na ang nasabing election law upang magkaroon ng hybrid election kung saan nakikita ng mga botante na nabibilang ang kanilang boto hindi tulad ngayon na bulag ang mga ito dahil ang nagbibilang ay ang mga makina.

“In this way, we can preserve the integrity of the election process because the community can witness and see the counting accuracy at the precinct level,” ayon sa kongresista mula sa Buhay Partylist.

Kahit sa ibang bansa na nag-experiment ng automated election system tulad ng Germany, The Netherland at Indonesia ay nagbalikan sa manual election para dahil sa takot na magkaroon ng hacking sa fully-computerized system.

Sa ilalim ng panukala ng mambabatas, ang election officers ang magbibilang ng boto sa presinto pagkatapos bumoto ang mga tao na ayon sa mambabatas ay makikita ng mga tao kung talagang nagkakaroon ng bilangan o nabibilang ang kanilang boto.

“Nakabantay ang mga tao sa presinto kaya hindi mo puwedeng dayain yan. Kapag may isang mali lang magrereklamo agad ang mga watchers ng mga kandidato. Eh dito sa vote counting machines, hindi nila alam ng nabilang ang boto nila o hindi,” ani Atienza.

Sa sandaling matapos ang bilangan, itatransmit aniya ang resulta nito sa Comelec sa pamamagitan ng transmission machines.

Ang nais ni Atienza ay inayunan ni Rodriguez dahil pagkatapos ng bilangan ng boto ay mayroon nang hawak na kopya ng resulta na mga dominant majority at dominant minority parties at  mga kandidato na pirmado ng tatlong Board of Election Inspectors (BEI).

“Now there no denying sa resulta. Hindi mo basta-basta mababago kasi may trace-back ka na eh. May hawak kang hard copy. Ang sabi lang naman ng Konstitusyon, secrecy in balloting, secrecy in voting but full transparency in counting and canvassing,” dagdag ni Rodriguez.  Rodriguez.

Comelec, in love sa Smartmatic

Bilyong piso ang nakataya sa kontrata sa pagitan ng Comelec at Smartmatic. Sa kontrata pa lang sa karagdagang vote counting machines, bilyong piso na ang ginastos ng pamahalaan. Nagkaroon pa ng kontrobersya sa kontrata dahil isang araw bago ang pagreretiro ng dating commissioner nito ay nagkaroon ng pirmahan.

Maituturing sanang midnight deal ang nangyari subalit tulad ng nakagawian, ipinagtanggol ng tagapagsalita ng Comelec na si Atty James Jimenez ang naging aksyon ng kanilang tanggapan at ng kanyang mga kapwa opisyal sa komisyon.

Simula pa lang noong 2010, ipinagtatanggol na ni Jimenez at mga kapwa opisyal sa Comelec ang mga kapalpakan ng Smartmatic lalo na sa pagbili ng precinct count optical scan machine.

Dahil sa walang humpay na pagtatanggol at pagkiling ng Comelec sa Venezuelan company na Smartmatic, naitanong ni Rodriguez “Why is it the Comelec is so in love with Smartmatic? How much do you love Smartmatic?.”

“Tila mas mahal pa ng Comelec ang Smartmatic kaysa sa sambayanang Filipino, higit pa sa kinabukasan ng bayan lalo na ng Kabataang Filipino,” dagdag ni Rodriguez.

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment