BUHAY GURO SA BAHAY KUBO

GURO-3

(Ni Mac Cabreros / Unang labas)

TAON-TAON ay nagpupugay ang buong mundo sa mga guro na siyang tumatayo bilang pangalawang magulang ng mga bata.

Mula Setyembre 5 hanggang Oktubre 5 ay ipinagdiriwang ang National Teachers’ Month samantalang deklarado bilang World Teachers’ Day ang Oktubre 5. Panahon ito ng pagkilala at papuri sa mga guro. Panahon ng pagbibigay ng bulaklak, mabubuting talumpati at paulit-ulit na pagbigkas ng mga linyang “Pagtuturo ang Pinakamarangal na Propesyon.”

Bukod dito, panahon din ito ng mga diskuwento sa mga produkto o serbisyo na iniaalok sa mga guro mula spa, buffet restaurant, sine, derma cli­nic, amusement park at maging funeral service.

Ikinalulugod ng Department of Education (DepEd) ang mga discount na ito. Maging sa hanay ng mga ay ikinatutuwa rin ang mga ga­nito kung saan nakikiisa ang pribadong sektor sapagkat ipinakikita nito ang dalawang bagay – pagkilala sa pagdiriwang sa natatanging araw ng mga guro na nararapat lamang bigyan ng diskuwento sa ilang mga produkto o serbisyong hindi abot-kaya ng mga guro sa isang normal na sitwasyon.

Ngunit sapat ba ito para kina Maam at Sir?

Ayon sa grupong Teachers’ Dignity Coalition: Sa kabila ng pagpapasalamat, nais naming ulit-ulitin na hindi sapat ang mga diskuwentong ito upang ibsan ang aming paghihirap o pagpapakasakit para sa kapakanan ng mga bata at ng bayan. Hindi nito naiiangat ang antas ng aming propesyon.

May punto ang grupo. Ayon sa mga eksperto sa financial literacy, ang mga diskuwento ay hindi nakatutulong upang makatipid, bagkus lalong nagtutulak lamang sa indibiduwal upang gumastos o bumili ng produktong mas mura kahit hindi priyoridad na pangangailangan. Bukod dito, tila nawawalan ng saysay ang benepisyo dahil hindi naman napapakinabangan ng nakararaming guro dahil nasa National Capital Region (NCR) at palibot nito gayundin sa iba pang rehiyon ang mga establisyimentong nagkakaloob ng diskuwento.

“Ang mga discount ay panandalian, kung hindi man ay pang-uuto lamang.

Ang kailangan naming ay pagbibigay ng mga pangmatagalang solusyon sa aming suliraning pangkabuhayan,” pahayag TDC.

“Ang kailangan namin ay makatarungang sistema ng pasahod na hindi nakatali sa salary standardization law (SSL). Ang kailangan namin ay P10, 000 across-the-board na umento para sa mga guro at kawani ng DepEd,”

“Ang kailangan namin ay P10,000 teaching aids allowance. Ang kailangan namin ay pagpapatupad ng overtime pay, special hardship allowance, free medical service at hospitalization, paid study leave at iba pang benepisyong itinatakda ng Magna Carta for public School Teachers o RA 4670,”

“Ang kailangan namin ay makalaya sa mga ‘di makatarungang polisiya ng GSIS. Ang kailangan namin ay ang tunay na pangangalaga at malasakit ng DepEd at buong pamahalaan!” deklara TDC.

Sinabi pa ng grupo na: “kung hindi ito maibibigay o maipararamdam man lang sa mga guro, mananatiling hungkag ang selebrasyon ng National Teachers Month at World Teachers’ Day.” May Karugtong

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment