BUHAY GURO SA BAHAY KUBO

GURO-4

Makipagtulungang Plantsahin ang Problema

(Ni Mac Cabreros/ Huling labas)

NAGING hungkag ang pagdiriwang ng National Teachers’ Month at World Teachers’ Day dahil hindi man lang naramdaman ng mga guro ang sinseridad sa mga pangako ng pamahalaan para sa kanilang maayos na pamumuhay.

Hinirit ng mga guro ang dagdag allowance para sa kanilang ikaluluwag sa buhay subalit hindi rin naman kaya ng Department of Education ang kanilang hiling kaya’t P1,000 incentive lang ang natanggap.

Hirit kay PRRD

Sa ika-apat na SONA ng Pangulong Rodrigo Duterte nitong Hulyo, inihayag ng Punong Ehekutibo na pagkakaroon ng umento sa sahod ng mga guro.

Pero hindi ito lubos ikinagalak ng mga guro dahil sinambit ng Pangulo na hindi ito ‘kalakihan’. Tanong nila: Magkano naman kaya ang umentong ito?

Binigyang-diin pa ng Teachers’ Dignity Coalition (TDC) na malamang ang tinutukoy ng Punong Ehekutibo ay ang dagdag-sahod na naayon sa Sa­lary Standardization Law na noon pang 1989 ito ipinatupad.

“Ang masakit  ay kung naka-angkla pa rin ito sa SSL at hindi magbibigay ng hiwalay na iskema para sa teachers. Hindi pa rin itatama ang pagkakamaling nagawa ng nagdaang gobyerno,” diin ni TDC national chairman Benjo Basas.

Dahil dito, nais ng grupo na magpasa ang 18th Congress ng batas na magtatakda sa dagdag benepisyo ng mga guro gaya ng AFP, PNP at GSIS na may batas pinaiiral dito.

Nabatid na sumasahod lamang ang mga guro ng P20,754 kada buwan na malayong mababa sa mga pulis na nakakapag-uwi ng P29,668.

We are not waterproof

“Trabaho namin ay magturo, hindi maglimas ng tubig-baha sa silid-aralan!”

Deklara TDC bilang reaksyon sa ulat na inoobligang pumasok sa trabaho ang mga guro kahit suspendido na ang klase bunsod ng sama ng panahon o bagyo.

“The work of a teacher is to teach. If classes are suspended, teachers cannot render their tasks for that day,” giit ni Basas.

Aniya, base sa EO No. 66, itinakda ang otomatikong class suspension sa Kindergarten kapag nakatala ang bagyo sa Signal No. 1 habang elementary hanggang sekundarya kapag Signal No. 2 at lahat na level kapag Signal No. 3.

Nabigyan na rin ng karapatan ang mga local officials na magdeklara ng suspension of classes kapag batid ng mga ito na malalagay sa panganib ang buhay ng mga bata kasama rin ang mga magulang/guardian na maghahatid gayundin sa mga guro bunsod ng malakas na buhos ng ulan, malakas na bugso ng hangin, pagbaha, pagguho ng lupa, paglindol, pagputok ng bulkan at iba pang sakuna o kalamidad.

Batid naman ng mga guro na magsasagawa sila ng klase kapag Sabado upang mapunan ang oras na nawala sa mga bata bunsod ng pagkansela ng klase.

“Teachers, just like the students need to be safe in the comfort of our homes. We are not flood or waterproof, anyway.” Pagtatapos ni Basas.

Ang senaryong nabanggit ay nagpapakita lamang kung gaano kahirap ang trabaho ng mga guro kung saan inoobliga pa silang gumawa ng extra na trabaho gayong wala namang malinaw na benepisyo gaya ng overtime pay at umento sa sahod.

Bagamat ganito, inihayag Basas na hindi lamang problema ang gusto nilang mapagtuunan ng pansin kundi handa rin silang makipagtulungan upang maplantsa ang mga gusot o problema.

Ang tanong: Papakinggan kaya ng gobyerno ang karaingan ng mga guro?

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment