BIHIRANG MAGTAGPO, LAGING MAGKASALUNGAT: BATAS AT KATARUNGAN

JUSTICE-LAW

(Ni Guillermo Octavio)

“Kapalaran kung hanapin, `di matagpuan, at kung minsa’y lumalapit nang `di mo alam,” ito ang nilalaman ng awiting nagpasikat sa namayapang mang-aawit na si Rico J. Puno.  Tunay nga, may mga pangayayari sa buhay ng tao, masama  o mabuti, na dumarating nang di inaasahan at may mga katapusang magkaiba sa mga kwentong pareho ang simula. Patunay lang ito na hindi natin hawak ang ating sariling kapalaran at higit ang kapalaran ng iba.

Isang halimbawa ang kasaysayan nina Bonifacio Asuncion,  may-asawa, taxi driver, ng 2531 M Delos Reyes St., Gen. T. de Leon, Valenzuela City at Benilda Macabante, ng 25 Arthur St., Marulas Valenzuela City.

Alas-6:20 ng umaga noong Mayo 2, taong 2017, sumakay si Macabante sa taxi (ABH-1419) na minamaneho ni  Asuncion sa Mc Arthur Hiway, Marulas, Valenzuela City at nagpahatid sa Pasay City at habang daan, napansin ng babaeng pasahero na panay ang sulyap sa kanya sa rearview mirror ng driver at napuna rin nito na ginagawang kambiyo ni Asuncion ang kanyang ‘pototoy’ habang sumusulyap sa hita niya.

Sa halip na matakot, ini­labas ni Macabante ang kanyang cellular phone at kinunan ng video ang kamanyakan ni Asuncion bago mabilis na ini-upload sa Facebook kung saan naging viral at umabot sa halos isang milyon ang nakapanood.

Hindi tumigil si Macabante sa kanyang unang aksyon at dumulog pa sa Valenzuela City Police at ibinigay ang plaka ng taxi ni Asuncion dahilan upang matunton ang kinaroroonan ng manyak na tsuper.

Kinasuhan si Asuncion ng unjust vexation at ikinulong kahit na ipinipilit nitong tiyan niya ang kanyang hinihimas dahil kumakalam na ang sikmura niya sa gutom at hindi ang kanyang pototoy.

Kinalaunan ay humingi din umano ng tawad si Asuncion kay Macabenta dahil sa kanyang ginawa.

Subalit iba naman ang naging kapalaran ng isang babaeng katulad ni Macabante na nakunan ng video ang ang driver din ng taxi na kanyang sinasakyan nang mag-Mariang palad ito, base sa sinulat ni Matthew Walsh sa www.sixthtone.com, na  nangyari sa Shengzhou, isang lungsod sa sentro ng Zhejiang, sa Tsina noong  gabi ng Abril 23, 2017.

Nalathala na isang babaeng may apelyidong Wang ang nag-book ng taxi sa pamamagitan ng ride-hailing app na Didi Chuxing at sa loob ng taxi ay napuna niya na ang tsuper na nakilala lang bilang isang Xu ay nagpaparaos sa pamamagitan ng paglalaro ng kanyang ‘manoy’ gamit ang kamay na hindi nakahawak sa manibela.

Kinunan ni Wang ng video ang ginagawa ng manyak na driver at ipinadala sa mga kaibigan sa pamamagitan ng messaging App na WeChat subalit hindi niya inalerto ang mga pulis ngunit nagrehistro naman ng reklamo sa Didi.

Lingid kay Wang, ipinasa ng isa sa kanyang mga kaibigan ang nasabing video sa kanyang sariling social network at dito na nagsimulang malasin si Wang dahil  kinuwestiyon siya at maging si Xu ng mga pulis kung saan hindi itinanggi ng lalaki ang kanyang ginawang pagma-Mariang palad dahilan upang isailalim siya sa “administrative detention” sa loob ng walong araw matapos umamin sa salang “indecent conduct.”

Pagkatapos ng imbestigasyon, paalis na sana sa  himpilan ng pulisya si Wang nang taas-noo at buo ang dignidad subalit iba ang naging takbo nang pangyayari dahil ipinakulong siya ng tatlong araw dahil sa pagpapakalat umano ng malaswang materyal.

Napukaw ang atensyon ng netizens sa social media dahil sa sinapit ni Wang dahil ipinadala lamang daw umano nito ang video sa mga kaibigan bilang patunay sa kahalayan ng tsuper ng kanyang nasakyang taxi at ang kanyang kaibigan ang nagpadala nito sa mas malawak na komunidad.

Para sa nakararami, ino­sente si Wang  subalit sinabi ni Deng Xueping, isang abogado, na base sa Article 68 ng Public Security Administrative Punishments Law ng Tsina, mali ang gumawa at nagpakalat ng mga malaswang materyal at ang gumamit ng computer o telecommunications networks para magpakalat ng malaswang impormasyon.

Ayon kay Deng, “Masturbation videos belong in the category of obscene recor­dings, Filming [the driver masturbating] counts as manufacture, and posting it on WeChat counts as dissemination.” Idinagdag pa nito na ang pagpapadala ng pornographic ima­gery o video content, maging sa telepono may o computer, ay walang dudang labag sa batas at ang mga gumawa nito ay nararapat na usigin.

Samantala, mayroon pang ilang nagsabi na ang paratang na “indecent behavior” kay Xu ay mabigat dahil hindi naman umano hinawakan ng tsuper ang kanyang pasahero. “Indecent behavior is, in essence, anything that infringes on another person’s sexual rights or humiliates them in some way,” ayon kay Deng na ibinatay sa  Article 44 ng nauna nang nabanggit na batas sa Tsina.

Ngayon, kung pakaiisipin, tumpak ang sinabi ng isang karakter na ginampanan ni Sen. Lito Lapid sa isa sa kanyang mga pelikula na “Maraming butas ang batas, Inay!”  Napatunayang totoo, na ang batas at katarungan ay hindi magkasingkahulugan, hindi lamang sa Pilipinas, kundi sa ibang bansa tulad ng Tsina.

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment