BAWAL ANG JUDGEMENTAL (2)

SHABU BUYER

(Ni Guillermo Octavio)

Kung kaya ng babae, kaya rin ng bading

NAPATUNAYAN ng mga babae at lalaki na sa ngalan ng pag-ibig ay kaya nilang itaya ang kanilang mga buhay at sariling kaligayahan mapasaya lang at maibigay ang kagustuhan ng kanilang mga mahal sa buhay.

Hindi lamang babae’t lalaki ang humahamak sa batas nang dahil sa pag-ibig kundi maging mga bading.

Noong Hunyo, sa karsel humantong ang isang parlorista at ang dyowa nitong tulak nang maaktuhang nag-aabutan ng shabu sa kalsada sa Valenzuela City.

Swak sa selda ang tulak na si Jordan Tanaun alyas “JM”, 28, ng Block 3,  Bukid, Malinta; at dyowa nitong hairstylist na si Jeffrey Gadi alyas “Paula”, 29, ng Phase 1, Barangay Bagbaguin, Caloocan City.

Nabulaga ang dalawa alas-4:25 ng umaga nang abutan ni Tanaun ng isang plastic sachet ng shabu si Gadi sa Maysan Road, malapit sa lumang city hall.

Dinaluhong ng mga pa­rak ang mga suspek at nakumpiska kay Tanaun ang da­lawang plastic sachet ng shabu at P200 bill habang nasamsam kay Gadi ang isang sachet ng shabu.

Pagtatagpong palihim nabuking

Noon ding Hunyo, ibina­libag sa selda ang isang babae at ang umano’y karelasyon nitong construction worker matapos mabulagang bumabatak  ng shabu sa Caloocan City.

Arestado sina Monaliza Alapide, 47, ng 12 Wyoming St. at Cirilo Paz Jr., 50, ng Santiago St., kapwa ng Vista Verde Executive Village, Caybiga, Barangay 166, ng lungsod.

Alas-3 ng umaga ay may nagnguso sa mga pa­rak na may rumaratrat sa isang bahay sa naturang village.

Pagresponde ng mga pa­rak ay nabulaga nito ang mga suspek na humihigop ng usok ng shabu sa ­Copenhagen St., Vista Verde ­Executive Village, Barangay Llano.

Hindi na pumorma ang dalawa at nakumpiska sa mga ito ang nakabukas na transpa­rent sachet, isang plastic sachet na naglalaman ng, isang lighter at ­dalawang strip ng aluminum foil.

Sweet November

Tila wala ngang kasingtamis ang Nobyembre kaya’t ginawa ang pelikulang “Sweet November” at ni-remake noong 2001 at pinagbidahan ni Keanu Reeves, na kilala ng millennials bilang si “John Wick” at “Ted” ng naunang henerasyon, at ang magandang bebot na si Charlize Theron, na maniwala kayo o hindi ay may dugong Aprikano,  kung saan…panoorin n’yo na lang kung matibay kayo sa antok.

Nitong Nobyembre kalaboso ang isang babaeng ­tin­edyer at ang umano’y sugar daddy nitong tulak nang kapwa masakote sa isang buy-bust operation sa Malabon City.

Ibinalibag sa magkahiwalay na selda ang sinasaibing magsing-irog na sina Orlando Ocampo, alyas “Body,” 45; at  ng bubot na chikas nitong si Chrizialyn Pingol, alyas “Desiree,” 18; kapwa walang hanapbuhay at residente ng Barangay Longos, ng lungsod.

Alas-12:30 ng madaling-araw nang madamba ang mga suspek sa Barangay Longos matapos bentahan ng shabu na nagkakahalaga ng P300 ang isang undercover police.

Walong sachet ng shabu na tumitimbang ng halos 1.9 gramo na may street value na halos P12,700 ang nakum­piska sa mga suspek.

Nobyembre din nang hi­git sa P144,000.00 halaga ng shabu ang makumpiska sa ­dalawang pares ng magsing-irog  na nasakote sa magkahiwalay na buy-bust operations sa Navotas City.

Dakong alas-2:15 ng hapon nang malambat sina Marlon Ramirez, 21 at kanyang kinakasamang si Roan Joyce Santiago, 19, sa Market 3, Fishport, Barangay North Bay Boulevard North.

Nakumpiska sa mga suspek ang anim na plastic sachets ng shabu na tumi­timbang sa 7.3 gramo at nasa  P46,640.00 ang halaga, coin purse at P300 marked money.

Alas-2:30 ng madaling araw naman nang mahuli sa F. Pascual, Barangay Tangos South sina Roberto Alcantara alyas Puroy, 46; at dyowang si Rhodora Joaquin alyas Doray, 40;  matapos bentahan ng isang sachet ng  shabu ang isang pulis na poseur-buyer kapalit ng P1,000 marked money.

Nasamsam sa mga suspek ang dalawa pang plastic sachet ng shabu bukod sa naiskor ng undercover agent na tumi­timbang sa 14.4 gramo at nasa P97,920.00 ang street value.

Sa lungsod naman ng Caloocan, nadamba ang nasa drug watchlist na si Christian Pio, 33, at ang kinakasama nitong si Marife Dominguez 36, na dati nang sumuko sa kasagsagan ng Oplan Tokhang ngunit nagbalik sa shabu nang dahil sa kapritso ni Pio.

Tatlumpu’t limang sachet ng shabu ang nakumpiska sa dalawa na may tinatayang ha­lagang P81,609.00.

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment