BANTAY NG SIERRA MADRE NAIS MAGKAARMAS

illegal loggers-5

(Ni Jun V. Trinidad / Huling labas)

MALAKING panga­nib ang kinakaharap ng forest rangers na nangangalaga ng Sierra Madre na ngayon ay sinasabing pugad na rin ng mga illegal loggers at kanilang mga escort na humihigop ng usok ng shabu bago magtrabaho.

Kadalasan, ang forest rangers ay nagtratrabaho ng isang linggo sa loob ng kagubatan ng kabundukan ng Sierra Madre na ang tanging armas ay camera, global positioning system (GPS) device, teleskopyo at solar-powered lights para sa kanilang dokumentasyon habang ang hinahabol at hinaharap nilang mga illegal loggers ay armado ng matataas na kalibre ng baril.

Ilang beses na ring tinakot at pinaputukan ang mga bantay at nangangalagang ito ng Sierra Madre kaya’t naghahangad din sila na sana ay mabigyan din sila ng armas upang maharap nila ang mga nagsasamantala sa kabundukan.

Bukod pa ito sa katotohanan na bagaman naiulat na nila sa pulisya ang nangyari sa kanila na bahagi ng pananakot ng ilang illegal loggers, wala namang nagiging aksyon ang pamahalaan tungkol sa sinapit nila. Sa madaling salita, bumabagsak sa tengang bingi ang kanilang mga hinaing.

Nagtratrabaho ang fo­rest rangers sa kabundukan na walang kasamang sundalo sapagkat nais din nilang makaiwas na maipit sa engkwentro laban sa mga miyembro ng rebeldeng grupong New People’s Army.

Reklamo laban sa protektor ng illegal logging

Ikinuwento ni Lupo Telan, hepe ng  Community Environment and Natural Resources Office – Real, Quezon, na ilang beses na rin siyang nakakatanggap ng pagbabanta sa kanyang buhay.

Aniya, hindi siya tinatantanan ng mga illegal loggers at kahit pulis ng lalawigan ng Rizal ay nagpapaalam sa kanya upang makapangahoy sa protected areas at sa hindi niya pagpayag ay mas lalong dumami ang nagbabanta sa kanyang buhay.

Bilang pag-iingat, pansamantalang nagpalipat si Telan sa kanilang opisina sa Real, Quezon at hindi na muna sumasama sa pagpapatrulya.

Noong nakaraang buwan, anim na kasamahan ni Telan na pawang forest rangers ang naghain ng reklamong “grave threats” sa Infanta Police laban kina Ruel at Reynaldo Villaflor.

Nabatid na noong Hunyo 19, naharang ng forest ran­gers ang isang van na kargado ng hinihinalang “hot lumbers” sa Barangay Polo kung saan ay nasa loob ng sasakyan ang  dalawang Villaflor.

Nagalit si Ruel sa ginawang pagharang sa kanilang sasakyan bago nagpakilalang sundalo at pinaputukan ng baril ang anim na forest rangers na humarang sa kanilang sasakyan.

Si Reynaldo na driver ng van ay nagbanta rin sa grupo ng mga tagabantay ng Sierra Madre.

“Sige humarang kayo! Sasagasaan ko kayo!, ” ang sigaw ni Reynaldo.

Ayon naman kay P/Maj Hobert Sarmiento, hepe ng Infanta Police, hindi na nag­re-report sa kanyang tanggapan si Ruel na hindi pala kasapo ng Philippine Army subalit miyembro ng Citizens’ Armed Forces Geographical Unit o CAFGU.

Forest rangers nais magkaarmas

Dahil ayaw nilang matulad sa  ibon na binabaril na lang ng illegal loggers, nais ng fo­rest rangers ng Sierra Madre na magkaroon sila ng armas upang magamit bilang proteksyon.

Nabatid sa ilang rangers na makailang beses na rin silang humingi ng permiso sa Department of Environment and Natural Resources na pahin­tulutan silang magkaroon ng baril upang maipagtanggol ang kanilang sarili ngunit hanggang ngayon ay naghihintay pa rin sila sa pahintulot.

Sinabi ng ilang rangers na masyadong mapangahas na ngayon ang illegal loggers dahil karamihan sa mga ito ay batak sa shabu habang nagpuputol ng mga punongkahoy.

Giit pa nila, madalas ay may nakukuha silang plastic sachet ng shabu at paraphernalia na hindi nalalayo sa sumbong sa kanila ng mga katutubo.

Ayon sa mga katutubo, mismong kapitalista ng illegal loggers ang nagbibigay ng supply na shabu, alak at sigarilyo sa mga trabahador nito upang tumagal ang resistensiya sa kanilang ginagawa kahit na malamig ang panahon at umuulan.

Nabatid rin na kahit may total log ban, hindi humihinto ang illegal logging sa Sierra Madre kung saan ibinababa mula sa kabundukan ang mga table at troso sa Agos River hanggang Umiray River sa bayan ng Infanta.

Rangers kay PRRD: Armasan na kami

Malakas ang panawagan ng forest rangers sa Sierra Madre na sakop ng lalawigan ng Quezon kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte na bigyan sila ng baril na gagamiting panlaban sa mga armadong illegal loggers na nasa ilalim ng tama ng shabu.

Sinabi ni Rexmel Telan, beteranong forest ranger ng CENRO sa Real, Quezon, sakaling walang badyet ang pamahalaan para ipambili ng baril, nakahanda naman silang dumukot sa sarili nilang bulsa upang makabili at magkaroon ng baril.

Isa pang giling ng grupo ni Telan ay payagan silang makakuha ng permit to carry firearms outside their residence.

“Kailangan namin ang baril para maipagtanggol ang sarili laban sa mga illegal loggers na may mga bantay na armado,” paliwanag ng forest ranger.

Maraming beses na rin aniya na pinapuputukan ng mga armadong illegal loggers ang mga nagpapatrulyang fo­rest rangers para takutin.

Mitsa ng buhay

Subalit para kay Lupo Telan, hepe ng Cenro-Real, nagdadalawang isip ang mga opisyal ng pamahalaan na armasan ang forest rangers dahil sa halip na maging proteksyon nila ay baka maging mitsa pa ng kanilang buhay.

Paliwanag pa ng hepe ng Cenro, taktika ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) ang mang-agaw ng armas upang gamitin ng mga kasamahan nila sa armadong pakikibaka laban sa pamahalaan.

Batay sa record ng Global Witness, sa 200 napapatay na mga “environmental defen­ders” sa 24 na bansa ay 28 ang napapaslang sa Pilipinas.

Related posts

Leave a Comment