ASIN, DULOT AY SAKIT?

ASIN-2

(Ni MAC CABREROS)

MADALAS binibigkas ng mga magulang na: hindi baleng magdildil ng asin basta makapagtapos ng pag-aaral ang aming anak.

Naging bukambibig din ng karamihan na: hindi baleng salat sa alat o yaman basta may asin. At, hindi baleng walang ulam basta may bigas.

Ito ay sa kadahilanang maaring gawin ulam ang asin. Ika nga, asin pa lang, ulam na. Opo, kakailian, kung may kamatis at isang tuyo, nakakaraos na – may panlaman na ng sikmura. Minsan din ay kunting asin lang sa lugaw ay ayos na ang buto-buto, ika nga.

Ang asin ay napakahalagang sangkap sa iba’t ibang lutuin maging sa pagpro­seso ng produkto upang lalong tumagal ang buhay o shelf life nito. Madalas ginagamit ang asin sa daing o tuyo na ipinapares sa kamatis o suka gayundin sa paggawa ng bagoong na paboritong panimpla ng mga Ilokano sa kanilang dinengdeng (laswa sa Bisaya) at sawsawan ng manggang manibalang o hilaw.

Pero ayon sa mga dalubhasa, ang pagkain ng sobrang maalat ay nagdudulot ng iba’t ibang sakit gaya ng hypertension, sakit sa puso at kidney na siyang pangunahing dahilan ng pagkamatay.

Ayon pa sa mga dalubhasa, magkaugnay ang hypertension, sakit sa puso at kidney. Madalas kasi na nagkakasakit sa puso ang mayroong hypertension at palyadong kidney.

Ilan sa mga indikasyon ng nasabing mga sakit ang paninikip ang dibdib, mahirap o hinahabol ang paghinga gayundin ang may tunog ang paghinga.

Indikasyon din na palyado ang kidney kapag mabula ang ihi, madalas ang pag-ihi lalo sa gabi at mapula ang kulay ng ihi.

Base sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA), Department of Health noong 2016, mula 582,183 nasawi sa ibat’ ibang sakit may 74,134 ang nailistang nasawi dahil sa heart disease pumangalawa ang neoplasm o cancer sa naitalang 60,470 at pangatlo ang pneumonia na 57,809. Karamihan sa namatay dahil sa sakit sa puso ang mga lalaki sa bilang na 44,472 habang cancer naman ang unang dahilan ng pagkasawi ng mga babae sa 30,954.

Dahil sa patuloy ang pagtaas ng bilang ng mga nasasawing Pinoy dahil sa sakit sa puso na pinatindi ng pagpalya ng kidney o bato, target ngayon ng Department of Health na buwisan ang pagkaing maaalat.

Layon nito na maagapan ang sakit na hypertension, sakit sa bato at puso. Prevention is better than cure, ika nga.

Dagdag buwis para sa iwas sakit

ALAT NG BUHAY

MARAMING dulot na sakit ang pagkain ng mga maaalat na paborito pa naman ng mga Pinoy kaya karamihan ay may sakit sa puso, hypertension ay palyadong kidney o bato .

Upang maiwasan ang pagkain ng maaalat, plinano ng Department of Health (DOH) na lagyan ng buwis ang mga pagkaing maaalat tulad ng tuyo, daing, itlog na pula at mga katulad nito.

Ito ay dahil naniniwala ang DOH na “prevention is better than cure” kaya naman nais nilang maagapan at huwag na lumala pa ang sakit na hypertension, sakit sa bato at puso.

Sinabi ng mga dalubhasa, napakamahal ng gamutan sa mga nabanggit na sakit lalo sa palyadong bato. Sabi nila, talagang mabubutas ang bulsa dahil libu-libo na umaabot sa daang libo at milyong piso pa ang nagagastos sa dialysis.

Bilyon-bilyong piso bawat taon naman ang nagagastos ng gobyerno sa pamamagitan ng PhilHealth bilang bayad sa pasyenteng nagpa-dialysis. Iniulat ng PhilHealth na abot sa P5 bilyon ang binayaran nilang claims ng dialysis patients nitong nakaraang taon. Sa tala ng National Kidney and Transplant Institute, may 34,000 pasyente ang nagpapadialysis kada taon.

Sa kabilang banda, mara­mi ang tutol sa pagbubuwis sa mga produktong maalat. Katuwiran ay direktang matatamaan ang mga mahihirap – na siyang mahilig kumain ng kamatis na may tuyo o bagoong.

“Dahil walang sinumang negosyanteng magpakalugi, tiyak ipapasa sa mahihirap ang dagdag na buwis,” pagsalu­ngat ng ilang nating kababayan.

Inihalimbawa nila ang pagpataw ng buwis sa matatamis na produkto na siyang ugat upang tumaas ang presyo.

Kabilang sa kontra sa ‘Asin Buwis’ ang Laban Konsyumer Incorporated.

Ayon sa grupo, kung buwis-buhay ang pagkain ng maalat at dapat itong buwisan upang maagapan ang iba’t ibang sakit na sanhi ng pagkasawi, ligtas-buhay naman ang pagkain ng may asin.

Sinabi Atty. Vic Dimagiba, pangulo ng Lan Kon­s­yumer, imbes na buwis, mas maganda kung ipatupad ang ‘Asin’ Law kesa magpataw ng buwis sa mga salty food kung talagang nag-aalala ang gob­yerno sa kalusugan ng publiko.

Aniya, hindi lamang ang perang makokolekta sa ‘Asin Buwis’ ang tignan kundi timbangin din ang magandang dulot ng ‘Asin Law’.

Binanggit Atty. Dimagiba, alinsunod sa Republic Act 8172 o Act of Salt Iodization Nationwide (ASIN) of 1995, itinakda ang paggamit ng iodized salt sa mga pagkain dahil napakalaki ang maitutulong nito sa kalusugan.

Bukod sa iodine mara­ming micronutrients ang maabsorb ng katawan dulot ng iodized salt at nagreresulta upang maging malusog ang indibiduwal na kakain dito.

Itinatakda rin ng nasabing batas ang pagpapataw ng karampatang parusa sa lalabag o hindi susunod dito.

“Bakit hindi na lang muna bisitahin ang ASIN law?” wika Dimagiba.

Oo nga naman. Baka pagdating ng panahon, hindi na natin marinig ang matining na sigaw ng mga tindera: Tuyo, Daing kayo riyan!

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment