ARAW NG PAGHUHUKOM

JAILED-11

Kulong o laya sa persons deprived of liberty

(Ni FRED SALCEDO)

KARAMIHAN ang pagkakaintindi sa ‘Araw ng Paghuhukom’ ay ang katapusan ng mundo na dahil sa sobra ­sobrang kasalanan at paglabag ng mga tao sa mga panuntunan ng Diyos ay napilitan ang huli na gunawin ang mundo.

O kaya naman ay ikinokonekta ito sa ‘The Big One’ kung saan inaasahan na magkakaroon ng napakalakas na lindol kasabay ng pagguho ng mga gusali, pagkakaroon ng malaking sunod na susundan ng pagdaluhong ng malalaking alon at pagkabitak ng mga lupa at saka lalamunin ang lahat ng tao at bagay na nasa sanlibutan.

Pero ang ‘National Judgement Day’ o ‘Araw ng Paghuhukom’ ay isang programa ng pamahalaan kung saan na kaya naman isagawa ng mga hukom sa bansa ang mabilisang pagdinig sa mga kaso o ipakita ang “speedy justice” ay posible kahit pa ang nasasakdal ay mahirap.

Isa rin itong paraan upang mapaluwag ang ating mga kulungan na nasa ilalim ng pangangalaga ng Bureau of Jail Management and ­Penology (BJMP).

Sa National Capital Region pa lang, sa dami ng krimen lalo na ang kaso ng droga, punumpuno na ng persons deprived of liberty (PDL) o mga preso ang mga kulungan kaya nga nagsisiksikan na at maging ang records section ng mga korte ay nabubulunan na sa dami ng mga kasong nakasampa.

Kaya nga sa dami ng mga kasong nakasampa sa korte at sa dami ng mga PDL na nasa likod ng rehas na bakal ay karamihan ng mga preso kung matulog ay hindi na nakahiga sa kanya kanyang double deck subalit may natutulog na rin sa sahig at naglalagay ng mga duyan upang may lugar na matutulugan.

Kaya naman, dahil sa hindi magandang kondisyon sa mga kulungan, marami sa mga preso ang nagkakaroon ng sakit na nagiging sanhi upang makahawa at maging sanhi ng maagang paglisan sa mundo.

Noon, sa tagal bago mabigyang hatol ang isang akusado, nagkakaroon na ng hindi magandang iniisip ang kanyang mga minamahal na umaasa sa kanya upang mabuhay. Dahil sa pangyayari ay hindi na nagkakaroon ng tiwala sa hustisya ang mga ito na nagiging dahilan upang makiisa sa mga rebelde.

Dahil sa pagkakaroon ng judgement day, malaking tulong sa mga opisyales at tauhan ng BJMP ang pagkakaroon ng bawas sa kanilang mga inaalagaan at binabantayang preso. Sa hatol kasi ng hukom, pwedeng mapalaya o makulong ang preso na magkagayunman ay parehong bawas sa kanila ng bilang ng mga PDL.

Kapag pinalaya, bawas sa bilang at kapag hinatulan ay gayundin sapagkat malilipat na ang kustodiya ng preso sa National Bilibid Prison (NBP).

Kaya para sa mga preso at taga BJMP, dapat ‘Araw-araw ay Araw ng Paghuhukom’ nang sa gayon ay araw-araw lalo na yung mga napagbintangan lang, ay makalaya na at makapiling ang kanilang mga pamilya.

Noong nakaraang Biyernes, nag-ikot si Jail Chief Superintendent Ignaico Panti, hepe ng BJMP National Capital Region upang alamin ang kondisyon ng mga preso na nakasalang sa “National Judgement Day”.

Maynila ang may pinakamalaking populasyon ng mga PDL at pumangalawa lang rito ang Quezon City Jail Male Dorm kung saan umabot ang bilang sa  3,659 PDL at pangalawa rin ang Quezon City Jail Female Dorm sa may pinakamaraming bilang ng mga babaeng preso na umaabot sa mahigit 1,200.

Sa ginawang paghuhukom sa Quezon City Hall of Justice sa ilalim ng 37 korte, umabot sa 365 PDL na lalaki  mula sa QCJ Male Dorm at QC Annex Bicutan Jail ang nasalang habang 83 PDL na babae ang masuwerteng naibilang. Naihabol din ang 43 menor de edad na nakapiit sa Molave Detention.

Sinabi ni J/Superintendent Severino Khita, warden ng Quezon City Jail Male Dorm, isang linggo ang ginawa nilang preparasyon para maasistehan ang mga PDL na isinalang sa programang pinagtulungan ng Department of Justice at BJMP.

Ayon kay Khita, sa kanyang nasasakupan, 51 PDL ang nakalaya, 29 naman ang ang nahatulan ng korte at nakatakdang ilipat sa NBP. Sa QC Annex Bicutan Jail, may 33 PDL ang napalaya at 12 naman ang nahatulan ng pagkakabilanggo sa NBP habang 21 PDL ang ibabalik sa piitan upang manatili subalit palalayain din makalipas ang ilang buwan.

Sinabi naman ni BJMP-NCR director CSupt Panti, bagaman matiltil ang preparasyon na ginawa ng kanyang mga warden at lahat ng mga opisyales at tauhan, kinikilala niya ang mga nagawa ng mga ito sapagkat maiibsan at ­magluluwag ang mga ­kulungan na malaking kaluwagan din sa kanila.

Sa ngayon, malaki pa rin ang problema ng BJMP sa pagsisiksikan ng mga preso sa kulungan dahil talaga namang napakami na ng mga nakakulong lalo na mula nang sumiklab ang war on drug ng administrasyong Duterte.

Kaya hiling ng mga preso, sana ay araw-araw na ang Judgement Day upang sa gayon ay araw-araw ding may lalaya o kaya naman ay malilipat sa NBP.

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment