ANAK NG PASIG GAGAWING KAMBAL

PASIG CITY-4

(Ni Mac Cabreros)

SA distrito ng PaMaMariSan (Pasig, Mandaluyong, Marikina, San Juan), tanging ang Marikina City ang may dalawang Congressional District o Kinatawan sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Kinakatawan ngayon ni dating Metro Manila Development Authority at Mayor Bayani F. Fernando ang Unang Distrito para sa 18th Congress (2019-2022) na binubuo ng Barangay Barangka, Calumpang, Industrial Valley Complex, Jesus de la Peña, Malanday, San Roque, Sta. Elena, Sto. Niño at Tañong na may populasyon noong 2015 na 178,876 at naninirahan sa 9.03 metro kilometro. Si Rep. Stella Luz A. Quimbo naman ang Kumakatawan sa barangay Concepcion Uno, Concepcion Dos, Fortune, Marikina Heights, Nangka, Parang at Tumana na may populasyong 271, 866 (2015) at naninirahan sa 13.62 metro kilometro. Si dating Rep. Marcelino “Marcy” Teodoro (15th Congress/2010-2013) ang kasalukuyang Alkalde ng Lungsod ng Marikina.

Dati, iisang distrito lamang ang Marikina City bilang Unang Distrito ng lalawigan ng Rizal noong 1907 hanggang 1972. Kinatawan din ito ng Region IV-A sa Interim Batasang Pambansa noong 1978 hanggang 1984 at nakagrupo ang Pasig sa regular na Batasang Pambansa noong 1984 hanggang 1986. Nang matapos ang 1986 EDSA revolution at nabalik ang House of Representatives noong 1987, si Democlito J. Angeles ang Kinatawan ng Marikina City sa 8th Congress (1987-1992). Nagkaroon ng dalawang distrito ang Lungsod amendahan ng Republic Act No. 9364 ang RA 8223 o City charter at maaprobahan noong Disyembre 15, 2006.

Sa Pasig City, isinusulong ng Liga ng mga Barangay ang paghahati sa lungsod sa dalawang distrito.

Sa pamamagitan ni Rey de Jesus, chairman ng Barangay Caniogan, ipinaabot nito kay Rep. Roman Romulo ang sulat na humihiling para isalang sa Kongreso ang panukalang magdagdag ng isa pang Distrito sa lungsod. Ang hakbang ay kinatigan ni Barangay San Nicolas chairman Rigor Enriquez na pangulo ng Liga, gayundin ng nakararaming Barangay Chairman.

“Pasig is a huge city and a budget from only one congressman is not sufficient to fully address the needs of the constituents,” banggit ng sulat.

Pinatungkulan ng grupo na mula 755,300 na residente noong 2015, lumobo na ito sa 850,000, umaalagwa ang negosyo at umaangat ang ekonomiya sa Lungsod kaya nararapat lamang na hatiin sa dalawa ang Congressional district dito.

Dahil magdodoble ang pondong mapupunta sa lungsod, mas maraming taga-Pasig ang makikinabang sa serbisyo ng gobyerno sa pamamagitan ng mga programa at proyekto.

Para kay Rep. Romulo, pabor siya sa nabanggit na hakbang.

Aniya, matagal nang balak nito ngunit hindi lamang natutuloy dahil sa ilang aspeto o pangyayari na dapat masunod.

Batid ng mambabatas na mahabang proseso ang pagdaraanan ng panukala. Mula ito sa pagsasalang, paghihimay ng mga kongresista, deliberasyon sa komite, at pagbasa at pagtalakay at pag-aaproba ng buong Kongreso hanggang sa pagpirma ng Punong Ehekutibo ng bansa.

Ngunit, aniya, magandang behikulo para bumilis ang pagsulong ng panukala kapag nagkaroon ng pagbabago sa Konstitusyon o ChaCha.

Tulad ng Marikina City, ang Pasig ay naging kinatawan ng Unang Distrito ng Rizal noong 1907-1972. Nagkagrupo ang Marikina at Pasig sa Regular Batasang Pambansa noong 1984 hanggang 1986. Nabigyan ng sariling silya sa House of Representatives noong 1987.

Kapag natuloy ang plano, alin kaya sa mga barangay ang magiging bahagi o sakop ng bawat Distrito?

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment