ALIN ANG DAPAT MASUNOD PUSO O ISIP?

VICO SOTTO-REGENT

NAGKAROON ng iri­ngan ang alkalde ng Pasig na si Mayor Vico Sotto at ang kum­panyang Regent Food Corporation (RFC) dahil sa pag-aresto sa 23 katao na sinasabing ang 20 ay pawang mga manggagawa ng huli na puwersahang inaresto ng mga pulis dahil sa umano’y reklamo ng nasabing kum­panya.

Kinausap ng alkalde ang kumpanya na kung puwedeng iatras ang demanda su­balit hindi nagbigay daan ang kumpanyang halos 3 dekada na rin ang itinagal sa lungsod.

Kaya naman tinulungan ni Sotto ang mga nahuling manggagawa na hindi naman binigyan ng magandang kahulugan ng RFC dahilan upang magbanta ang mga ito na lilisanin ang Pasig City at maghahanap ng ibang lugar para sa kanilang negosyo.

“I will do everything within my power to help these 23 regain/maintain their li­berty!” deklara Sotto.

Sa isang statement, inihayag ng RFC na hindi sila matitinag sa deklarasyon ni Mayor Sotto at binanggit na malamang hindi sila magdalawang-isip upang maghanap ng ibang lugar na paglilipatan at pagtatayuan ng kanilang negos­yo.

Naunang inihayag ni Sotto: “If you want to have a healthy relationship with our city, I highly suggest you rethink your position.”

“RFC still maintains its position and will not be co­wered by the mayor’s threats. RFC trusts the justice system, not because it can, afford to, but because it has to,” ayon sa pahayag ng RFC.

Binanggit pa ng kum­panya na ‘malaki ang kanilang puso’ at ‘iniaabot ang kanilang mapagkalinga at mapagkawanggawang kamay’ sa mga apektadong empleyado.

Ayon pa rito, napakasakit sa kanila na mabansagan at mailarawan na ‘anti-labor’ at ‘evil corporation ready to put poor and powerless to jail’.

Inihayag pa ng kumpanya na hindi sana nagbuhol-buhol ang gusot kung umaksyon agad si Mayor Sotto sa kanilang kahilingan na ipinadala sa pamamagitan ng sulat kung saan humingi sila ng tulong na maayos sa usapan ang problema subalit wala silang natanggap na aksyon.

Nag-ugat ang balitaktakan sa pagitan ng pamunuan ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig at RFC dahil ipinaglalaban ng mga manggagawa ng snack firm ang kanilang karapatan at kapakanan gaya ng nararapat na sahod at iba pang benepisyo.

“We will not let the Regent management prosper in sowing fear against our ranks. The management must be held accountable over their long list of abuses against their workers,” pahayag ng Unyon ng Manggagawa sa Regent Food Corporation-Kilusang Mayo Uno (UMRFC-KMU).

Mariing kinondena ng Kilusang Mayo Uno (KMU)-Metro Manila ang tangkang pagbuwag sa unyon ng mga manggagawa ng Regent Foods Corporation.

Dahil sa hidwaan, puma­gitna na ang DOLE at inihayag na hahanapan nila ng maayos at mapayapaang paraan para maresolba ito.

Sa pangyayaring ito, ang DOLE naman ang gagawa ng tamang hakbang subalit dapat muna nilang suriin ang rek­lamo at depensa ng magkabilang panig kaya’t inaasahang kakailanganin ng panahon para sa pagpapasya. Ngayon, alin ang dapat masunod kapag DOLE na ang nagpasya. Susundin ba nila ang kanilang puso o kanilang isip?

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment