ZAMBO DEL NORTE JUDGE PINASLANG SA PARKING LOT

zambo

PINASLANG ang isang Zamboanga del Norte judge, ang ikaapat na judge na napatay mula 2017, Huwebes ng hapon.

Kinilala ni Police Major Helen Galvez, spokesperson ng Police Regional Office 9, ang biktimang si Judge Reymar Lacaya.

Si Lacaya ay binaril habang nasa parking lot ng Bulwagan ng Katarungan sa Barangay Poblacion, Liloy.

Isinugod ito sa Liloy District Hospital ngunit hindi na umabot nang buhay.

Nagtamo ng mga tama ng bala sa katawan ang hukom mula sa nag-iisang suspect.

Kinumpirma naman ni Chief Justice Lucas Bersamin ang ambush ni Lacaya, ng Sindangan, Zamboanga del Norte Regional Trial Court Branch 11.

Kinondena ni Bersamin ang pagpaslang at hinimok ang kapulisan na gawin ang lahat upang malutas at mahuli ang nasa likod ng pamamaslang.

Si Lacaya umano ang ika-30 judge na napatay simula 1999.

Ang pagpaslang umano rito ay pitong buwan matapos barilin at mapatay din si Ozamiz City Judge Edmundo Pintac ng tandem habang pauwi na noong Oktubre 8, 2018.

Noong Agosto 2017, binaril at napatay din si Butuan RTC Branch 4 Presiding Judge Godofredo Abul, Jr. at ang kanyang misis.

Si Camarines Sur Judge Ricky Begino ay pinatay din sa harap ng kanyang bahay.

 

Related posts

Leave a Comment