ZAMBALES-OLONGAPO TUTUTUKAN SA JUETENG 

jueteng 12

(NI JG TUMBADO)

MAS paiigtingin pa ang pagbabantay ng Philippine National Police (PNP) laban sa pamamayagpag ng ilegal na sugal sa bansa, partikular ang jueteng.

Ito’y matapos tanggalin na rin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang suspensiyon ng operasyon ng Small Town Lottery (STL) sa bansa.

Ayon kay PNP Spokesperson Police Brigadier General Bernand Banac, batid nilang ginagamit na front ng jueteng ang STL kaya mas matinding monitoring ang kanilang gagawin at huhulihin ang mga masasangkot dito.

Kasabay nito, sinabi ni Banac na mananatili pa rin ang kanilang “one strike policy” sa kampanya kontra illegal na sugal, partikular sa jueteng.

Sa ilalim ng one-strike policy, ang chief of police, precinct commander at station commander ay agad na sisibakin sa puwesto kapag namayagpag ang jueteng sa kanilang lugar.

Sakaling  tatlong chief of police ang nasibak sa isang probinsya dahil sa jueteng operations ay saka naman masisibak ang provincial director.

Kabilang sa ngayon na mahigpit na babantayan ng pambansang pulisya ang lalawigan ng Zambales kung saan sa kabila ng pagpapatigil noon ng Pangulo sa operasyon ng STL ay patuloy na namayagpag sa mala-‘guerrilla’ operations.

Base sa intel report ng pulisya, nasa P1.5 million kada araw ang nakukubra sa nabanggit na jueteng operation sa lugar na pinapatakbo ng isang alyas ‘Arnel’.

Habang ang Olongapo City naman ay pinatatakbo ng isang nagngangalang ‘Etchy’ na umano’y kasalukuyang kapitan ng barangay na tumatabo ng halos P2 milyon kada araw.

Related posts

Leave a Comment