TSERMAN NILIKIDA SA HARAP NG BRGY HALL

(NI BONG PAULO)

NORTH COTABATO – Pinabulagta ng hindi pa kilalang gunman ang isang barangay chair habang sugatan naman ang tatlo katao na mga tauhan nito sa quarry sa naganap na pamamaril sa harap ng barangay hall sa Sitio Lumayong, Barangay Kayaga, Kabacan, North Cotabato, Linggo ng gabi.

Kinilala ang nasawi na si Bong Matalam Bacana, 43, incumbent barangay chair ng Barangay Kayaga, habang sugatan naman sina Uwaw Matikayan, Tatuan Kalantingan at Tagani Tapulid na lahat residente sa nasabing lugar.

Sa ulat na nakarating kay Police Major Realan Mamon, hepe ng Kabacan PNP, nag-uusap sa harap ng barangay hall ang mga biktima nang pagbabarilin dakong alas-9:15 ng gabi.

Nagtamo ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang mga biktima na mabilis namang naisugod sa ospital pero idineklarang patay ang Barangay chairman habang patuloy namang ginagamot sa isang ospital sa Kidapawan City ang tatlong nasugatan.

Sa panayam kay Cotabato Provincial Police Office spokesperson Pol. Lt. Col. Bernard Tayong, personal grudge at may kinalaman sa kanyang trabaho ang sinusundang anggulo sa pamamaril.

Sa loob lamang ng buwang ito ay dalawang kapitan na ang pinaslang sa nasabing bayan, nitong Setyembre 14, pinagbabaril at napatay naman ang punong barangay ng Lower Paatan na si Kapitan Ben Candaganan.

 

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment