TSERMAN, 3 PA, NIRAPIDO, PATAY SA AMBUSH

(NI JG TUMBADO)

APAT na indibidwal, kabilang ang isang kasalukuyan barangay chair ang nasawi matapos pagbabarilin hanggang sa mapatay sa bayan ng Mamasapano, Maguindanao.

Naganap ang pananambang habang sakay sa kotse ang mga biktima sa bahagi ng Notre Dame Avenue sa Cotabato City, araw ng Miyerkoles.

Ayon kay Police Colonel Portia Manalad, Cotabato City Police Office (CCPO) Director, ang mga napatay sa naturang ambush ay nakilalang sina Datu Nurodin Mangandian Guiaman, 34, kapitan ng Barangay Tuka, ang maybahay nito na si Alwaida, 28; barangay treasurer na si Sindatu Agao; at Barangay Peacekeeping Action Team (BPAT) member Basser Guiaman, 42.

Si Datu Nurodin ay nasawi habang ginagamot sa ospital habang ang iba pang biktima ay pawang dead on arrival.

Isa ang ‘rido’ o away pamilya ang sinisilip na motibo sa masaker.

Sa imbestigasyon ng pulisya, sinasabing nasa anim na armadong lalaki na sakay ng tatlong motorsiklo ang bumuntot at kalaunan ay nagpaulan ng bala sa kotse ng mga biktima.

Nakuha ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang dalawang .45 na baril mula sa loob ng kotse na pinaniniwalaang ginamit pa ng mga biktima para makaganti ng putok.

May narecover namang 40 basyo ng bala ng caliber .45 at 9-mm pistol sa lugar ng pananambang.

Patuloy pa rin ang masusing imbestigasyon at follow up operation ng mga awtoridad para matukoy ang nasa likod ng krimen.

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment