TEENAGER ‘ADIK’ SA ONLINE GAMES ‘DI NA NAGISING

(NI ANNIE PINEDA)

DAHIL umano sa kasarapan ng tulog, hindi na nagising pa ang isang binata na minsan lamang matulog sa kabababad umano sa computer para maglaro, iniulat kaninang umaga sa probinsya ng Cebu.

Kinilala ang biktimang si Roldan Gonzaga, 19, at residente ng Sitio Nasipit, Brgy. Talamban, Cebu City.

Batay sa report ng Talamban Police Station, natagpuan na lamang ang biktima na hindi na gumagalaw dahilan para dalhin ito sa ospital pero idineklara na rin patay.

Lumabas sa paunang pagsisiyasat ng pulisya, palagi umanong nagpupuyat si Gonzaga sa pagsapit ng gabi at maaga itong gigising para naman mamalengke.

Kuwento pa ng kaibigan nito, palaging naglalaro sa computer bago pa matulog ang biktima at halos inaabot pa rin umano ito ng umaga sa paglalaro.

Hinala ng mga awtoridad, maaring binangungot ang biktima nang mapasarap ang tulog nito.

Isasailalim naman sa otopsiya ang bangkay ng biktima para malaman ang dahilan ng pagkamatay nito o kung may naganap na foul play sa naturang insidente.

Related posts

Leave a Comment