SUSPEK SA EXTORTION, TINODAS SA HIGHWAY

crimeshooting

(NI NILOU DEL CARMEN)

ISANG umano ay extortionist  at miyembro ng criminal group ang pinagbabaril  hanggang sa mapatay ng mga hindi nakilalang salarin na magkaangkas sa motorsiklo sa Calamba City Huwebes ng hapon.

Kinilala ang napatay na si Alfredo Fajardo, miyembro umano ng Marvin Fajardo criminal and drug group na nag-ooperate sa Calamba City at sa iba pang bahagi ng Laguna.

Batay sa report ng Calamba City police, sakay ng motorsiklo ang biktima at tinatahak ang national highway sa Barangay Lecheria nang makita na hinahabol ito ng dalawang armadong lalaki na magkaangkas sa motorsiklo alas 3:40 ng hapon.

Nagawang makapasok ng biktima sa isang maliit na eskinita  sa gilid ng isang restaurant subalit naabutan pa rin ito ng mga suspek.

Walang awang tinadtad ito  ng bala ng dalawa at  nagtamo ng mga tama sa iba’t ibang bahagi ng katawan na agad nitong ikinamatay.

Sa patuloy na imbestigasyon, napag-alaman na batay sa record ng Police Regional Office 4A, nahaharap ito sa ilang reklamo ng  pangingikil.

Inireklamo rin ito ng ilang negosyante sa Calamba City dahil umano sa pagbabanta at pagpapadala nito ng mga death threat sa  kanyang mga binibiktima.

Inaalam naman ng mga pulis kung sino ang mga salarin at kung ano talaga ang motibo sa krimen.

 

Related posts

Leave a Comment