SPA NA PROSTI JOINT, 24 SINAGIP

prosti

(TEKSTO/PHOTO BY NILOU DEL CARMEN)

NASA 24 na kababaihan ang na-rescue ng mga pulis matapos salakayin ang  dalawang spa clinics na front umano ng prostitution sa Calamba City Sabado ng gabi.

Inaresto rin ang dalawang cashier ng mga spa   habang sasampahan naman ng kaso ang mga may-ari  ng naturang establisyemento.

Kinilala ni Senior Supt.  Eleazar Matta, Laguna Police Provincial Director, ang naaresto na sina Ian Rosen Tacumba, cashier ng   Aquarius Massage Clinic, at Mary Rose Delos Reyes Moreno, cashier ng Divine Massage and Spa.

Unang sinalakay ng mga tauhan ng Provincial Intelligence Branch (PIB) at Calamba City police    ang Aquarius Massage Clinic na nasa Barangay Halang matapos na makumpirma ng surviellance team na  bukod sa massage services ay nag-o-offer pa ito sa mga kliyente ng “extra sexual service” sa halagang mula P1,500.00 pataas.

Na-rescue rito ang 18 kababaihan na nagtatrabaho bilang mga masahista.

Nasa anim namang mga  kabataang babae ang nakuha ng mga awtoridad sa Divine Massage and Spa na nasa Barangay Real na siyang kasunod na sinuyod ng mga pulis.

kinustodiya muna ng Calamba police ang mga babae habang pinoproseso ng Department of Social Welfare and Development ang paglipat sa kanila sa temporary shelter.

Sasampahan naman ng kasong paglabag sa  Anti-Trafficking in Persons Act of 2003 (RA 9208) as amended by Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012 (RA 10364)  ang dalawang kahera at ang mga may-ari ng dalawang spa na sina Horace Louie Asis at Rolando Mapa.

Related posts

Leave a Comment