SINIGURO NI REP. NOGRALES SA 800 MAGSASAKA SA RIZAL: LUPA, KABUHAYAN

NOGRALES

MAHIGIT 800 agra-rian reform beneficiaries (ARBs) mula sa ikalawang distrito ng Rizal ang nakatanggap ng titulo ng kanilang sinasakang lupa bukod pa sa naipangakong tulong upang mapaunlad ang sakahan na saklaw ng 737 ektaryang lupaing agrikultural.

Sinabi ni 2nd District Rep. Fidel Nograles, hindi magtatapos sa pamamahagi ng lupa bilang pagtupad sa kautusang nilalaman ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) ang tulong na ibibigay sa ARBs.

“Magbabalangkas kami ng mga pamamaraan upang siguruhin na mapapakinapangan ng husto ng mga benepisyaryo ang lupa na kanilang natanggap. Magtutulungan kami hindi lang para mai-angat ang buhay nila, kundi para na rin umusbong ang agrikultura sa aming distrito,” ayon kay Nograles.

Nabatid ng PeryodikoFilipino Inc. na umabot sa kabuuang  807 magsasaka mula sa Rodriguez, San Mateo, Teresa, Morong, Baras, Pililia, Jalajala, Tanay at Pinugay ang tumanggap ng kanilang Certificate of Land Ownership Award (CLOAs) para sa lupaing may lawak na 737.0017 na ipinamahagi noong Setyembre at Oktubre.

Iginiit ng mambabatas na kumikilos ang kanyang mga tauhan upang direktang ilapit ang serbisyo ng gobyerno sa mga benepisyaryo ng lupa upang hindi na ang mga ito mamurublema sa paraan ng pagpapaunlad sa kanilang lupain at kung saan-saan tutungo para sa tulong.

“Madalas kasi hindi na priority ng farmers ang magtanong at lumapit sa pamahalaan para hu­mingi ng tulong. So hindi nila batid kung anong mga serbisyo ang pwede nilang makuha,” paliwanag ni Nograles.

“Mabilis na access sa mga credit facilities para magkaroon ng sala­ping magagamit sa pagpapaunlad ng ani at pagkakaloob ng kagamitan sa pagsasaka, pati na rin ng technical assistance at edukasyon sa pananalapi ang ating prayoridad upang matiyak na ang kabuhayan ng mga magsasaka ay umasenso.”

Idinagdag pa nito na ang pagbibigay ng mas madaling access sa pananalapi ay isa ring pa­raan upang hindi lumapit ang benepisyaryo sa mapagsamantalang nagpapautang o mauwi sa pagbebenta ng kanilang lupa.

Related posts

Leave a Comment