SHABU SA NOODLES NG ANAK, NANAY HULI

arrestwomen12

(NI KEVIN COLLANTES)

ARESTADO ang isang ginang at kasabwat nito nang tangkaing magpuslit ng shabu para sa kanyang nakapiit na anak na sinilid sa pakete ng instant noodles, upang maipasok sa custodial facility ng Angono Municipal Police Station, sa Barangay San Isidro, Angono, Rizal.

Ayon kay Rizal Provincial Director P/Col. Lou Evangelista, ang mga naarestong suspek na sina Divina Dizon, 52, ng Karangyaan Street, Karangalan Village, Pasig City; at Marimar Santos, 21, ng A. Roldan Street, Purok 2, New Lower Bicutan, Taguig City, ay nakatakdang sampahan ng mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 o The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Batay sa naantalang ulat ng Angono Municipal Police Station, nabatid na dakong 5:30 ng madaling araw ng Mayo 14, nang makatanggap sila ng tip mula sa isang impormante, na isang alyas ‘Divina’ ang nakatakdang magpuslit ng illegal na droga para sa kanyang anak na nasa piitan.

Kaagad namang inabangan ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Team, sa pangunguna ni P/CMS Dennis Hernandez, ang suspek, na dumating sa piitan dakong 12:00 ng tanghali.

Nagpaalam ang ginang na dadalawin ang nakapiit na anak na si Jeffrey Dizon, na nahaharap sa kaso ng illegal na droga, upang dalhan ng tanghalian.

Bilang bahagi naman ng Standard Operating Procedure (SOP), isinailalim ang ginang at mga dala nitong suplay at pagkain sa inspeksiyon at dito na narekober ang anim na maliliit na pakete ng shabu, na nakatago sa loob ng pakete ng isang instant noodles, kaya’t kaagad siyang inaresto.

Natukoy naman ng mga awtoridad na may kasabwat si Divina na naghihintay sa labas ng presinto, kaya’t kaagad din itong inaresto.

Nang kapkapan ay nakumpiskahan si Santos ng dalawang pakete ng shabu kaya’t binitbit na rin ito sa presinto upang ipiit.

 

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment