SHABU, ECSTASY IBINEBENTA ONLINE EX-FHM MODEL HULI SA DROGA

shabu

ARESTADO ang isang dating modelo ng FHM sa buy-bust operation nang pinagsanib na pwersa ng mga tauhan ng Taytay Municipal Police Station (MPS) at Philippine Drug Enforcement Agency noong Miyerkoles ng hapon.

Ang suspek na si Charlene Midel Mecayer alyas “Cindy”, 24, single, at residente ng Phase 9, Brgy. Sta. Ana ng nasabing bayan, ay nadakip sa ikinasang anti-drug operation  sa Greenwood Executive Village ng nabanggit na Barangay bandang alas-4:30 ng hapon.

Inaresto ang suspek matapos bentahan ng isang sachet ng hinihinalang shabu ang mga operatiba ng Taytay MPS, sa pangunguna ni P/SSgt. Adrian Calleja at PDEA-Special Enforcement Service, sa pamumuno  ni Agent Romeo Matias Jr., kasama ang grupo ni  Agent Reynald Poquiz ng PDEA 4A Rizal.

Nakuha sa suspek ang 10 plastic sachet na naglalaman ng 10 gramo ng shabu at may street value na P68,000, tatlong tableta ng ecstasy na P4,500 ang halaga at siyam pirasong improvised tooter.

Nabatid na ibinebenta ng suspek ang ilegal na droga kasama ang mga paraphernalia sa pamamagitan ng online selling platform tulad sa Lazada at transport services gaya ng Grab.

May mga pagkakataon pa umano na itinuturo ng suspek sa social media kung paano gamitin ang mga drug paraphernalia na kasama sa ibinebenta nito.

Nasa kustodiya na ngayon ng PDEA ang arestadong modelo na nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5, 11 at 12 ng Article II ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (KNOTS ALFORTE)

 

Related posts

Leave a Comment