SEKYU SA DALAGITA SA SEPTIC TANK HULI

cebu12

(NI NICK ECHEVARRIA)

NAARESTO na ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Cebu nitong Martes ng umaga ang pangunahing suspek sa pagpatay sa 14-taong-gulang na dalagita na natagpuan sa septic tank ng pinapasukang  paaralan.

Nakilala ang suspek na si Jessie Mediquillo, 34, na dinakip ng CIDG matapos ang koordinasyon sa Danao City Police Station at Cebu City Police Office bandang alas-7:30 sa Brgy. Lahug, Cebu City. Inaresto si Mediquillo sa bisa ng warrant of arrest mula sa sala ni Judge Ma. Josefa C. Pinza-Ramos ng Danao City Regional Trial Court Branch 25 sa kasong murder.

Sa report ni Regional Chief, P/Col. Lito Patay kay  P/MGen.Amador V. Corpus, director ng CIDG sa Camp Crame, si Mediquillo ang itinuturong suspek sa pagpatay kay Thesa Marie Ygay makaraang matagpuan ang duguang uniporme ng isang gwaridya sa guardhouse ng paaralan na may name tag na Mediquillo.

Nabatid na si Mediquillo ay may malalim na relasyon sa biktima at siyang nagsusustento sa mga gastusin nito sa paaralan simula pa noong 2012.

Dalawang araw matapos iulat sa pulisya ang biglaang pagkawala ni Ygay noong April 6, natagpuan ang bangkay nito sa loob ng  septic tank sa   Cogon Cruz Integrated School in Danao City kung saan ito nag-aaral.

 

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment