SAKSAK SA LEEG, PASALUBONG NG MISTER SA OFW NA MISIS

SAKSAK-4

(NI ANNIE PINEDA)

BUMULWAK  ang dugo mula sa leeg ng isang misis na Overseas Filipino Worker (OFW) at kauuwi lamang ng bansa nang salubungin ito ng saksak sa leeg ng kanyang mister, iniulat kaninang umaga sa probinsya ng Cauayan City.

Kinilala ang biktimang si Mylene Baingan, 34, habang tugis naman ang suspek at asawa nito na kinilalang si Melchor Baingan, at kapwa residente ng San Francisco Benito Soliven, Isabela.

Batay sa report ng San Mariano Police Station, naganap ang insidente sa bahay ng mga magulang biktima sa Dipusu,San Mariano.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya,  galing Saudi Arabia ang biktima at dumiretso ito sa bahay ng kanyang mga magulang sa naturang lugar.

Nagalit umano ang suspek dahil hindi ito umuwi sa kanilang bahay , kaya pinuntahan niya ito sa bahay ng kanyang biyenan para sunduin.

Subalit, nagpasya ang biktima na makipaghiwalay na sa suspek dahil winaldas ng suspek ang perang pinaghirapan nito sa ibang bansa na ipinapadala sa kanyang mister para sana ipagawa ng kanilang bahay.

Dito, kumuha ng kutsilyo ang suspek at pinagsasaksak sa leeg ang biktima.

Kuwento naman ng ina ng biktima narinig niyang may kumalabog sa kuwarto ng kanyang anak (biktima) at tila may umiiyak kaya sinilip niya ito.

Nagulat na lamang siya nang makita ang anak na bumubulwak ang dugo sa leeg nito habang papatakas naman ang suspek.

Nagawa pang isugod sa ospital ang biktima pero idineklara na rin itong patay ng mga doktor.

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment