RIDER NAGULUNGAN NG BUS, TODAS

accidentsign1

PATAY ang isang motorcycle rider makaraang magulungan ng isang bus sa kahabaan ng Ortigas Ave. (east bound) sa harap ng Meralco sa Brgy. Ugong, Pasig City noong Martes ng gabi.
Kinilala ang biktimang sakay ng kanyang Suzuki motorcycle nang mangyari ang insidente, na si Exequiel Raffer Leonardo, 41-anyos, namatay habang nilalapatan ng lunas sa Pasig City General Hospital (PCGH).
Nabatid sa paunang imbestigasyon ng Pasig City Police Station (CPS), nasa parehong direksyon sa east bound ng Ortigas Ave. patungong Junction-Tikling, ang biktima at ang Zhongtong public utility vehicle na minamaneho ni Ricardo Cruz Erilla, 45, bandang alas-11:52 ng gabi.
Nang sumapit ang dalawang sasakyan sa lugar ng insidente, kung saan nasa kaliwang bahagi ng bus ang rider, bigla na lamang umano itong nagpa-gewang-gewang hanggang sa sumemplang ito sa likurang bahagi ng kaliwang gulong ng bus at nagulungan na nagresulta sa kanyang kamatayan. (NICK ECHEVARRIA)

Related posts

Leave a Comment