RIDER NA PULIS PATAY SA JEEP

accident12

CAVITE – Binawian ng buhay ang isang 41-anyos na pulis-Pasay nang banggain ng isang pampasaherong jeepney ang minamaneho niyang motorsiklo at nasagi ang isang traffic enforce sa Bacoor City sa lalawigang ito.

Namatay habang ginagamot sa Saint Dominic Medical Center ang biktimang si P/SMSgt. Herbert Salazar, may-asawa, nakatalaga sa Pasay City Police Station, habang ginagamot sa nasabing ospital si Traffic Enforcer Arnold Oserio, 50, ng Brgy. Habay 2, Bacoor City.

Arestado naman ang driver ng isang pampasaherong jeepney na may plakang DJN 579, na si Reggie Cruzada, 28, binata, ng 29A Evangelista St., Brgy. Talaba 5, Bacoor City.

Sa ulat ni PSSgt. Roy Vincent Reyes ng Bacoor City Police Staion, dakong alas-2:30 nitong Biyernes ng madaling araw nang mangyari ang insidente sa intersection ng Aguinado Highway, malapit sa Saint Dominic Hospital sa Brgy. Talaba ng naturang lungsod.

Minamaneho ng biktima ang kanyang motorsiklong Mitsukoshi Joyride na may plakang 8354 PM, habang binabagtas ang nasabing lugar patungo sa direksiyon ng Bacoor Boulevard at kakaliwa sana patungo sa kabilang kalsada nang mabangga siya ng minamanehong pampasaherong jeepney ni Cruzada na patungo naman sa direksiyon ng Zapote.

Dahil sa banggaan, nawalan ng kontrol sa manibela si Cruzada at nasagi niya ang traffic enforcer na si Oserio na noon ay nagmamando ng trapiko.

Kapwa isinugod sa ospital ang dalawa na ilang metro lamang ang layo sa pinangyarihan ng insidente ngunit hindi nailigtas ng mga doctor ang buhay ni Salazar. (SIGFRED  ADSUARA)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment