REHAB CENTER SA RIZAL MAY AYUDA NG DDB

Nograles

(Ni JOEL O. AMONGO)

Nagbigay ng limang (5) milyong pisong ayuda para sa pondo ng pagtatayo ng community based rehabilitation center ang pamunuan ng Dangerous Drugs Board (DDB) sa San Mateo, Rizal bilang bahagi ng patuloy na kampanya kontra ilegal na droga sa bansa.

Pormal na nilagdaan ang Memorundum of Agreement (MOA) nina DDB Chairman Catalino Cuy, San Mateo Mayor Cristina Diaz at Rizal 2nd District Rep. Juan Fidel Nograles nitong nakalipas na Biyernes, Disyembre 20, 2019.

Pinagtibay ng MOA ang pagtutulungan ng pamahalaang lokal ng San Mateo, Rizal at DDB upang higit na paigtingin ang war on drugs na isinusulong ng liderato ni Pangulong Rodrigo Duterte.

“Ang pondo ay suporta po namin sa kanila, bahala na po sila Mayor Diaz at Cong. Nograles sa kanilang counterpart para maitayo ang rehabilitation center sa kanilang nasasakupan,” pahayag ni Cuy.

Nagpasalamat naman si Cong. Nograles para sa pondo sa kampanya kontra ilegal na droga sa ikalawang distrito ng Rizal. Gayundin, tiniyak ng mambabatas ang patuloy na suporta nito sa Kamara.

Idinagdag pa ni Nograles na sa kasalukuyan ay naghahanap sila ng lugar kung saan posibleng ipatatayo ang rehab center na may kapasidad na 6,000 katao na magiging accessible sa lahat.

Kabilang din sa mga dumalo sa MOA signing sina Usec. Benjamen Reyes, permanent member; Usec. Earl Saavedra, Executive Director ng DDB at Gen. Doris Dorigo, Executive Assistant ng Office of the Chairman.

Related posts

Leave a Comment