REBEL RETURNEE ITINUMBA

crimeshooting12

(NI KEVIN COLLANTES)

ISANG dating rebelde na matagal na panahon nang nagbalik-loob sa pamahalaan ang pinagbabaril at napatay ng dalawang hindi kilalang lalaki sa Antipolo City, nitong Huwebes.

Dead on the spot ang biktimang si  Rodel Agudes, residente ng naturang lugar, dahil sa mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan habang nakatakas naman ang dalawang hindi kilalang salarin sa pagtawid sa ilog.

Batay sa ulat ng Antipolo City Police, dakong alas-7:00 ng umaga nang maganap ang krimen sa Barangay Calawis, Antipolo City.

Ayon sa testigo, sakay siya ng kanyang motorsiklo at binabagtas ang Ampia Road patungong Calawis proper, nang makarinig ng sunud-sunod na putok ng baril.

Pagsapit niya sa lugar ay namataan niya si Agudes na duguang nakahandusay at wala nang buhay sa kalsada habang ang dalawang suspek ay mabilis na tumatakas patawid sa ilog, patungong direksiyon ng San Mateo, Rizal.

Kaagad namang inireport ng testigo sa mga pulis ang insidente.

Ayon sa mga kaanak, ang biktima ay isang dating rebelde na nagbalik-loob sa mga awtoridad at kusang sumuko sa 16 Infantry Battalion, may walong taon na ang nakalilipas, ngunit palaisipan pa sa mga imbestigador kung posibleng may kinalaman ito sa krimen.

Patuloy naman ang isinasagawang pagsisiyasat ng mga awtoridad upang matukoy ang pagkakakilanlan sa mga salarin, gayundin ang kanilang motibo sa pagpatay.

 

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment